×
Naglalaman ang artikulo ng paksang tumutukoy sa kahalagahan ng araw ng Jumuah at tunay na ito ay nagsisilbing pinakamalaking paraan ng pagtuturo sa sangkatauhan tungkol sa mga bagay na kaugnay sa kanilang relihiyon

    araw ng Jumuah

    Sa Ngalan ng Allah, Ang Mahabagin, Ang Maawain

    Tunay na ang papuri ay para lamang sa Allah. Siya’y ating pinupuri, sa Kanya tayo humihingi ng tulong at sa Kanya tayo humihingi ng kapatawaran. At tayo’y nagpapakupkop sa Allah mula sa kasamaan ng ating mga sarili at kasamaan ng ating mga gawain. Sinuman ang gabayan ng Allah ay walang sinumang makapag-ligaw sa kanya, at sinuman ang Kanyang iligaw ay walang sinumang makapag-gabay sa kanya. Ako’y sumasaksi na walang ibang diyos na marapat sambahin liban sa Allah, ang Nag-iisa at walang katambal at ako’y sumasaksi na si Muhammad ay Kanyang Alipin at Sugo.

    Sinabi ng Allah :

    (يَا أَيُّهَا الَّذِينَ آمَنُوا إِذَا نُودِيَ لِلصَّلَاةِ مِنْ يَوْمِ الْجُمُعَةِ فَاسْعَوْا إِلَى ذِكْرِ اللَّهِ وَذَرُوا الْبَيْعَ ذَلِكُمْ خَيْرٌ لَكُمْ إِنْ كُنْتُمْ تَعْلَمُونَ)

    “ O Kayong mga nanampalataya, kapag nagtawag na para sa pagdarasal sa araw ng Jumuah, kayo’y magtungo sa pag-alaala sa Allah at inyong lisanin ang pangangalakal. Ito’y higit na mabuti sa inyo kung inyo lamang nalalaman”

    At sinabi ng Propeta :

    ((إِنَّ يَوْمَ الْجُمُعَةِ يَوْمُ عِيدٍ

    “Tunay na ang araw ng Jumuah ay araw ng Eid/ pagdiriwang”

    Kanya pang sinabi:

    ) خَيْرُ يَوْمٍ طَلَعَتْ عَلَيْهِ الشَّمْسُ يَوْمُ الْجُمُعَةِ ، فِيهِ خُلِقَ آدَمُ ، وَفِيهِ أُدْخِلَ الْجَنَّةَ ، وَفِيهِ أُخْرِجَ مِنْهَا)

    “ Ang pinakamabuting araw na sumikat dito ang araw ay ang araw ng Jumuah, dito nilikha si Adan, at dito siya pinasok sa paraiso at dito rin siya nilabas ng paraiso”

    At kanya pang sinabi:

    )الصَّلاَةُ الْخَمْسُ، وَالْجُمُعَةُ إِلَى الْجُمُعَةِ كَفَّارَةٌ لِمَا بَيْنَهُنَّ، مَا لَمْ تُغْشَ الْكَبَائِرُ(

    “ Ang limang pagdarasal, at ang Jumuah tungo sa sumunod na Jumuah, ay siyang pambura ng mga kasalanan sa mga pagitan nito kapag nilayuan ang mga malalaking pagkakasala”

    Dahil dito ang araw na ito’y nararapat lamang bigyan ng halaga, at sundin kung anuman ang inutos ng Allah at Sunnah ng Kanyang Sugo sa pagdakila dito at pagpahalaga sa mga alituntunin at mga batas nito. At kabilang sa mga pinakamahalagang batas tungkol dito ay ang pagsumikap na isagawa ang pagdarasal sa araw ng Jumuah at huwag itong balewalain. Sinabi ng Propeta :

    (لَيَنْتَهِيَنَّ أَقْوَامٌ عَنْ وَدْعِهِمُ الْجُمُعَاتِ، أَوْ لَيَخْتِمَنَّ اللَّهُ عَلَى قُلُوبِهِمْ، ثُمَّ لَيَكُونُنَّ مِنَ الْغَافِلِينَ)

    “ Tumigil na ang mga taong iniiwan nila ang pagsawa ng pagdarasal sa Jumuah! Kundi ay tatakpan ng Allah ang kanilang mga puso at pagkatapos sila’y maging kasama sa mga taong pabaya”

    At mula rin sa mga batas ukol sa araw ng Jumuah ay ang obligadong pagtahimik para sa Khutba at pakikinig dito, at pagpulot ng mga aral mula sa mga payo at batas na siyang nabanggit sa khutba. Tunay na ang Propeta ay kanyang ipinagbawal ang pagiging abala sa ibang bagay sa oras ng khutba kahit pa na ang layunin ay ang patahimikin ang iba. Kanyang sinabi:

    (إذَا قُلْتَ لِصَاحِبِكَ: أَنْصِتْ يَوْمَ الْجُمُعَةِ وَالإِمَامُ يَخْطُبُ؛ فَقَدْ لَغَوْتَ)

    “kapag sinabi mo sa iyong kasama; tumahimik ka! sa araw ng Jumuah habang ang Imam ay naga-khutba, tunay na ika’y nakapagsalita ng walang kabuluhan”

    At ang Khutba na ito na kung saan ipinag-utos ng Allah at ng kanyang Sugo ang pananahimik at pakikinig dito ay nararapat lamang pahalagahan at paghandaan ang pagsagawa nito sa pinakamaiging paraan. At nararapat lamang sa Kateeb/taong nagku-khutba na isaalang-alang niya ang kalagayan ng mga tao at anumang mga makabagong pangyayari. At nararapat sa kanya ang pahalagahan niya ang pagturo sa mga tao ukol sa mga batas ng Islam at sila’y kanyang paalalahanan sa pamamagitan ng Hikmah at mabuting payo. At gayun din ay nararapat sa kanya na sundin ang gabay ng Propeta sa pagpahayag ng Khutba.

    Ito ay isang malaking pagkakataon upang turuan ang mga tao at madaragdagan ang kanilang mga pananampalataya at mga mabuting gawain. At gayun din ay upang maitama ang kanilang mga maling paniniwala at pag-uugali. Kung maisagawa lamang ang Khutba sa paraan na nararapat ay magkakaroon ng malaking pagbabago sa Ummah.

    Dahil sa kahalagahan ng Khutba sa Jumuah, at sa nakikita nating higit na pangangailangan sa mga mahahalagang Khutba ay isasalin ito sa wika ng mga Muslim sa mga lugar na sila ay minorya upang kanila itong mapakinabangan at upang maging sanggunian ito ukol sa mga Islamikong kaalaman. Kami ay ginabayan ng Allah sa dakilang proyekto na ito na kung saan ay aming isinalin dito ang mga mahahalagang piling khutba. Aming isinaalang-alang sa pagpili ng mga paksa ang pangangailangan ng Ummah at kagandahan ng piling khutba ayon sa nilalaman nito at paraan ng pagkapahayag nito. Aming hinati ang proyekto sa limang antas, at sa bawat antas ay isang volume.

    Kabilang sa nararapat na banggitin; kapag bubuklatin ang mga khutba sa aklat na ito ay maaari sa taong nagbabasa na kanya itong agarang i-download sa pamamagitan ng barcode.

    Nagtulungan ang grupo ng mga institusyon at mga Islamikong mananaliksik sa pagpili ng mga paksa at pagsususri at pagsalin ng mga khutba sa wikang tagalog. Kabilang sa mga institusyong ito ang Last Message, Multaqa Al-Khutaba, Ayah Center For Call And Guidance Inc, General Santos Phil., Human Development Center, Palawan Phil., at gayun din ang mga Iskolar at mga guro na kung saan nagbahagi ng kanilang mga khutba o napili ang kanilang mga khutba mula sa kanilang mga page sa internet.

    Ang mga pangalan ng mga sumusunod ay silang mga tagapagpananaliksik sa proyektong ito; Shaykh Abdullah Abtahi, Abdulkhaliq Abtahi, Al-Hafez Bautista, Rasheed Nantiza, Saber Sali, Sernan Hananang, Ismael Dimaudtang Jr, El Jamil Mercado at Shuaib Ibrahim.

    Ako’y lubos na nagpapasalamat sa mga institusyong ito, mga Iskolar, mga Guro, at mga tagapagpananaliksik lalong lalo na kay Ismael Dimaudtang Jr na siyang namahala sa pagbahagi ng mga paksa sa mga tagasalin at namahala sa pagsusuri sa mga isinaling khutba.

    At panghuli ako ay humihingi sa Allah na gawin Niyang mabiyaya ang gawaing ito at taos puso para sa Kanya. At sana’y makapagbigay ito ng pakinabang sa buong Pilipinas at nawa’y ang mga khutba na ito ay maisasalin sa iba’t ibang wika sa buong Mundo upang mapakinabangan ng mga tao. At ang pagpapala ng Allah at kapayapaan ay mapasa Kanyang Propeta na si Muhammad at sa kanyang pamilya at sa lahat ng kanyang kasamahan.

    Shaykh Mohammed Ebnasheba As-Shihri

    President of Ayah Center, Last Message, and AlHuda Center