Paano Ba ang Pagyakap sa Relihiyong Islam?
Mga naisalin na paksa
Ang mga kategorya
Mga pinagmumulan
Full Description
- Paano Ba ang Pagyakap sa Relihiyong Islam?
- ANG MGA NILALAMAN
- Ang Mga Katagang Ginamit sa Aklat na Ito
- Ang Pamamaraan ng Pagyakap sa Relihiyong Islam
- Ang 'Shahaadatain'
- Ang Mga Mabubuting Bunga ng Iman (Paniniwala) sa Allah (ﷻ)
- Ang Paniniwala sa Mga Banal na Kasulatan ng Allah (ﷻ)
- Sino si Propeta Muhammad (ﷺ)?
- Ang Paniniwala sa Huling Araw
- Ano ang Dapat Gawin Pagkaraan ng Pagpapahayag ng 'Shahaadatain'?
- Paano Isinasagawa ang Ghusl (Ganap na Paliligo) ?
- Ang 'As-Salaah' (Pagdarasal)
- Ang 'Zakaah'
- Ang Hajj (Paglalakbay sa Makkah)
- Ang Pagsasagawa ng 'Hajj'
- Ang Ibadah (Pagsamba) sa 'Allah' (ﷻ)
- Ang Mga Kautusan ng Islam
- Ang Mga Iba't Ibang Gawain (o Bagay) na Ipinagbabawal ng Islam
- Ang Mga Piling Du'aa (Panalangin, Pagsusumamo) at Pag-uugali
- Ang Mga Payong Pagkakapatiran
Paano Ba ang Pagyakap sa Relihiyong Islam?
ni
Dr. Abd Ar-Rahman bin Abd Al-Kareem Al-Sheha
Isinalin sa Wikang Pilipino nina:
Ahmed Jibril Salas
Jamal Joves
ANG MGA NILALAMAN
Pamagat | |
Ang Mga Katagang Ginamit sa Aklat na Ito | |
Ang Paunang Pananalita | |
Ang Pamamaraan ng Pagyakap sa Relihiyong Islam | |
Ang Shahaadatain (Ang Dalawang Pagsaksi sa Pananampalataya) | |
Ang Kahulugan ng 'La Ilaaha Ill-Allah' | |
Ang Kahulugan ng Shahaadah | |
Ang Mga Patakaran ng Shahaadah | |
Ang Mga Mabubuting Bunga ng Iman (Paniniwala) sa Allah (ﷻ) | |
Ang Paniniwala sa Mga Anghel | |
Ang Mga Mabubuting Bunga ng Paniniwala sa mga Anghel | |
Ang Paniniwala sa Mga Banal na Kasulatan ng Allah (ﷻ) | |
Ang Mga Mabubuting Bunga ng Paniniwala sa mga Banal na Kasulatan ng Allah (ﷻ) | |
Ang Paniniwala sa Mga Sugo at Propeta ng Allah (ﷺ) | |
Sino si Propeta Muhammad? (ﷺ) | |
Ang Mga Mabubuting Bunga ng Paniniwala sa Mga Sugo at Propeta | |
Ang Paniniwala sa Huling Araw | |
Ang Mga Mabubuting Bunga ng Paniniwala sa Huling Araw | |
Ang Paniniwala sa Qadaa at Qadar | |
Ang Mga Mabubuting Bunga ng Paniniwala sa Qadaa at Qadar | |
Ang Pangangailangan ng Ikalawang Pagsaksi (Muhammad ay Sugo ng Allah) | |
Ano ang Dapat Gawin Pagkaraan ng Pagpapahayag ng Shahaadatain | |
Paano Isinasagawa ang Ghusl (Ganap na Paliligo)? | |
Ang Wudoo | |
Ang Tayammum o Paglilinis Nang Walang Tubig | |
Ang Salaah (Pagdarasal) | |
Ang Mga Mabubuting Bunga ng Pagsasagawa ng Salaah | |
Ang Mga Takdang Oras ng Salaah | |
Ang Mga Pangunahing Patakaran ng Salaah | |
Ang Paglalarawan ng Pagsasagawa ng Salaah | |
Ang Mga Kusang-Loob na Salaah | |
Ang Mga Oras na Ipinagbabawal ang Salaah | |
Ang Zakah (Takdang Kawanggawa) | |
Ang Mga Pangunahing Patakaran ng Zakah | |
Ang Mga Taong Karapat-dapat Tumanggap ng Zakah | |
Ang Mga Mahahalagang Puna | |
Ang Sawm (Pag-aayuno) sa Buwan ng Ramadhan | |
Ang Hajj (Paglalakbay sa Makkah) | |
Ang Pagsasagawa ng Hajj | |
Ang Ibadah (Pagsamba) sa Allah (ﷻ) | |
Ang Mga Pansarili at Panlipunang Bunga ng Pagsamba sa Allah (ﷻ) | |
Ang Mga Kautusan ng Islam | |
Ang Mga Iba't Ibang Gawain na Ipinagbabawal ng Islam | |
Ang Mga Piling Du'aa (Panalangin, Pagsusumamo) at Pag-uugali | |
Ang Mga Payong Pagkakapatiran |
Ang Mga Katagang Ginamit sa Aklat na Ito
(Sinipi mula sa Aklat ni Sheikh Mahmoud Murad na:
'Common Mistakes in Translation')
1. Rabb: Ang katagang Rabb ay kadalasang isinasalin ng iba bilang katumbas ng salitang Panginoon (Lord). Subali't, bukod sa katotohanang ang huli ay isang katagang ginamit sa Bibliya, ang katagang ito ay ginagamit din kapag tinutukoy si Propeta Hesus bilang kanilang Panginoon. Ang salitang Panginoon (Lord) ay isang kataga na ang karaniwang kahulugan nito ay nakahangga lamang sa isang "guro, pinuno, may-ari o tagapamahala", na sadyang kapos at kulang sa diwa o kahulugan kung ihahambing ito sa katagang Rabb sapagka't ang Rabb (na mula sa wikang arabik) ay mayroong malawak na kahulugan at kahalagahan. Ang ilang mahahalagang kahulugan ng Rabb ay ang Tagapaglikha, ang Tagapaghubog (Tagapag-anyo), ang Tagapanustos, ang Tanging Isa na inaasahan ng lahat ng mga nilikha upang patuloy na mabuhay, at Siya ang Tanging Isa na nagbibigay ng Buhay at nagdudulot ng Kamatayan. Sa aklat na ito, gagamitin natin ang katagang Rabb na may panaklong na (Panginoon) upang maging madali sa mga mambabasa.
2. Deen: Ang salitang Deen ay isinalin bilang Relihiyon, na sa wikang Arabik, ito ay karaniwang tumutukoy at nakaugnay sa isang Pamamaraan ng Buhay, maging ito man ay pansarili o pangkalahatan. Ito ay isang malawak na kataga na may kahulugan na: 'mga gawang pagsamba, ang mga kasanayang pampulitika, masusing alituntuning nauukol sa kagandahang-asal, kabilang na rito ang kalinisan at tamang pag-uugali'.
3. (ﷺ) Sal'lal'laaho a'laihi wa sal'lam, ay nangangahulugan na:, 'Nawa'y purihin at itampok ng Allah (ﷻ) ang kanyang pangalan (Propeta Muhammad (ﷺ) at pangalagaan at ilayo siya at maging ang kanyang pamilya laban sa anumang masamang bagay'.
4. (ﷻ) Subhaanaho wa Ta'aala, ay nangangahulugan na:, 'Siya ay Ganap na malayo at malaya sa anumang kakulangan, kapintasan at kamalian'.
Sa Ngalan ng Allah, Ang Mahabagin, ang Maawain
Ang Paunang Pananalita
Lahat ng papuri ay nauukol lamang sa Allah, ﷻ, ang Rabb (Panginoon) ng lahat ng nilikha. Nawa'y purihin at itampok ng Allah (ﷻ) ang pagbanggit sa Propeta at iligtas siya at ang kanyang pamilya sa anumang pagkukulang at pangalagaan sila mula sa anumang kasamaan.
Ako ay taus-pusong bumabati sa inyo nang dahil sa patnubay na iginawad sa inyo ng Dakilang Allah, ﷻ. Dinadalangin ko sa Allah (ﷻ) na nawa'y manatili tayong lahat na matatag bilang Muslim sa pagtahak sa Dakilang Relihiyong ito hanggang sa Araw na tayo ay humarap sa Kanya ﷻ, na wala tayong binago ng anupaman mula rito sa aral ng Islam at nawa'y huwag tayong ilagay sa mga matitinding pagsubok ng buhay.
Katotohanan, ang tunay na Muslim ay nakadarama ng malaking kaligayahan kapag ang isang tao ay yumakap sa Islam, sapagka't hangad niya ang lahat ng pagpapala para sa iba at hangad din niya na sila ay mamuhay tulad ng kanyang ginawa sa kanyang sarili: isang buhay ng katiwasayan at kaligayahan kalakip ng espirituwal na kasiyahan at katatagan ng kaisipan. Ito ay matatamo lamang sa pamamagitan ng pagsasakatuparan ng mga aral ng Islam. Ang Dakilang Allah (ﷻ) ay nagsabi, Qur'an, Kabanata An-Nahl, 16:97;
"Sinuman ang gumawa ng gawang matuwid maging siya man ay lalaki o babae, habang siya ay nananatiling isang tunay na Mananampalataya, katotohanan, ipagkakaloob Namin sa kanya ang magandang buhay (sa mundong ito nang matiwasay at mabuting panustos), at katiyakan na sila ay Aming babayaran ng gantimpalang ayon sa anumang pinakamabuti sa kanilang ginagawa."
Ito ay sa dahilang ipinaliwanag ng Dakilang Allah (ﷻ) ang kalagayan ng mga taong walang paniniwala sa Kanya. Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi sa Qur'an Kabanata Taa-Haa, 20: 124-126;
"Datapuwa’t sinumang sumuway sa Aking paala-ala, katotohanang sasakanya ang buhay ng kahirapan at siya ay Aming muling bubuhaying bulag sa Araw ng Paghuhukom. Siya ay magsasabi: “O aking Rabb (Panginoon)! Bakit Ninyo ako binuhay nang bulag, noon ay mayroon akong paningin?” (Ang Allah, ﷻ) ay magsasabi: “Noon, nang ang Aming mga Ayat (tanda, aral, babala) ay dumating sa inyo, ito ay inyong ipinagwalang-bahala, kaya’t sa Araw na ito, kayo ay kinalimutan.”
Ang isang tunay na Muslim ay naghahangad din na sila ay mamuhay ng walang hanggang kaligayahan sa Kabilang Buhay, na ang mga kasiyahan ay walang katapusan. Ang Dakilang Allah (ﷻ) ay nagsabi sa Qur'an, Kabanata Al-Kahf 18: 107-108;
"Katotohanan, yaong mga naniniwala (sa Kaisahan ng Allah) at nagsisigawa ng kabutihan, sila ay magkakaroon ng mga Hardin ng Al-Firdaus (Paraiso) para sa kanilang libangan. Doon, sila ay mamamalagi (magpakailanman). Doon, sila ay hindi maghahangad na mapaalis."
Ang kamatayan ay hindi maiiwasan, maaaring ang hantungan nito ay walang hanggang kaligayahan o walang katapusang pagsisisi. Sinuman ang mamamatay sa gitna ng kawalan ng tamang pananampalataya – na ang paglingap at kaligtasan ay matatagpuan lamang mula sa Allah (ﷻ) – siya ay mananahan sa Impiyerno nang walang hanggan. Ang Dakilang Allah (ﷻ) ay nagsabi, Qur'an, Kabanata Al-Bayyinah, 98:6;
"Katotohanan, silang Kafirun (walang pananampalataya) mula sa mga Angkan (na pinagkalooban) ng Kasulatan at mga pagano ay mamamalagi roon sa Impiyerno, sila ang pinakamasama sa lahat ng mga nilikha,"
Mga minamahal kong mga kapatid, katotohanang isang Dakilang Pagpapala at Kagandahang-loob ng Makapangyarihang Allah (ﷻ) na kayo ay mapatnubayan sa relihiyong Islam at mailigtas kayo sa kawalan ng Pananampalataya sapagka't maraming tao ang hindi nagawaran ng patnubay sa pamamagitan ng di pagkaroon nila ng pagkakataong maunawaan ang tamang aral ng Deen (relihiyong) Islam at mayroon din namang nakauunawa sa Islam bilang tunay na Deen (relihiyon) nguni't hindi nagawaran ng patnubay upang ito ay kanilang tahakin at isabuhay. Kaya naman mga kapatid, nararapat lamang na tayo ay magpasalamat sa Dakilang Allah (ﷻ) sa pagbibigay Niya (ﷻ) ng Kabutihang-Loob na ito. Hilingin natin sa Kanya na tayo ay maging matatag sa Deen na ito hanggang sa ating pagharap sa Kanya. Ang Dakilang Allah (ﷻ) ay nagsabi sa Qur'an; Kabanata Al-Hujuraat, 49:17;
"Itinuturing ba nila bilang kagandahang-loob sa iyo (O Muhammad) na sila ay yumakap sa Islam? Sabihin : “Huwag ninyong isaalang-alang ang inyong pagyakap sa Islam bilang kagandahang-loob sa akin. Bagkus! ang Allah ay naggawad sa inyo na kayo ay Kanyang pinatnubayan sa pananampalataya, kung tunay nga na kayo ay makatotohanan."
Lahat tayo ay nangangailangan ng tulong mula sa Allah (ﷻ). Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi, Qur'an, Kabanata Al-Faatir, 35:15;
"O Sangkatauhan, kayo ang may pangangailangan sa Allah. Nguni't ang Allah ay Mayaman (malaya sa anumang pangangailangan), (Siya ang) karapat-dapat (pag-ukulan) ng lahat ng papuri."
Hindi kailangan ng Allah, ﷻ ang tao at hindi Siya nakikinabang sa pagtupad at pagsamba ng tao sa Kanya ni hindi nakapipinsala sa Kanya ang ating pagsuway at kawalan ng pananampalataya. Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi, Qur'an, Kabanata Al-Zumar, 39:7;
"Kung inyong itakwil (ang Allah), katotohanan ang Allah ay hindi nangangailangan sa inyo; at hindi Niya nais para sa Kanyang mga alipin ang kawalan (nila) ng pananampalataya. Kung kayo ay may pasasalamat (sa pamamagitan ng pananampalataya), Siya ay nalulugod sa inyo…"
Ang Propeta ng Allah (ﷺ) ay nagsabi mula sa 'Hadith' Qudsi[1]:
"Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi: 'O Aking mga alipin! Ipinagbawal Ko ang pang-aapi (kawalang-katarungan) sa Aking Sarili at ito ay ipinagbabawal Ko sa inyo, kaya huwag kayong mang-api sa iba. O Aking mga alipin, kayong lahat ay naliligaw maliban yaong Aking ginabayan, kaya kayo ay dapat humanap ng patnubay sa Akin at kayo ay Aking papatnubayan. O Aking mga alipin, kayong lahat ay nagugutom maliban yaong Aking pinakakain, kaya kayo ay nararapat humingi ng panustos (na pagkain) sa Akin at kayo ay Aking pakakainin. O Aking mga alipin, kayong lahat ay hubad maliban yaong Aking dinamitan, kaya kayo ay nararapat na humingi ng kasuotan sa Akin at kayo ay Aking bibihisan. O Aking mga alipin, kayo ay nagkakasala sa bawa't sandali sa araw at sa gabi at Aking pinatatawad ang lahat ng kasalanan, kaya kayo ay nararapat humingi ng kapatawaran sa Akin at kayo ay Aking patatawarin. O Aking mga alipin, hindi ninyo Ako magagawang saktan upang Ako ay mapinsala at hindi ninyo Ako magagawang bigyan ng pakinabang upang Ako ay makinabang. O Aking mga alipin, kung ang una sa inyo o ang huli sa inyo, ang tao sa inyo o ang jinn sa inyo ay magiging mabuti sa lahat ng pinakamabuting nabibilang sa inyong kalipunan, hindi makadaragdag ito nang kahit katiting sa Aking Kaharian (o Kapangyarihan). O Aking mga alipin, kung ang una sa inyo o ang huli sa inyo, o ang tao sa inyo o ang jinn[2] sa inyo ay magiging masama sa lahat ng pinakamasamang puso na nabibilang sa inyong kalipunan, hindi ito makababawas kahit katiting sa Aking Kaharian (o Kapangyarihan). O Aking mga alipin, kung ang una sa inyo at ang huli sa inyo, ang mga tao sa inyo o ang mga jinn sa inyo ay magsisitayong sama-sama sa isang pook at humingi sa Akin at kung bibigyan Ko ang bawa't isa ng kanilang kahilingan, magkagayunman, hindi ito makababawas sa anuman sa Aking pagmamay-ari maliban kung ano ang nabawas sa karagatan kapag ang karayom ay inilubog dito. O Aking mga alipin ang inyong mga gawa lamang ang Aking binibilang sa inyo at pagkaraan ay binabayaran sa inyo. Kaya, sinumang makatagpo ng kabutihan, hayaang magbigay papuri sa Allah ﷻ, at sinumang makatagpo ng iba kaysa rito, walang dapat sisihin maliban ang kanyang sarili." (Inilahad ni Imam Muslim)
Ang Pamamaraan ng Pagyakap sa Relihiyong Islam
Ang pagyakap sa Relihiyong Islam para maging isang Muslim ay walang itinakdang rituwal o seremonya na kinakailangang tuparin ng isang tao at wala ring takdang pook o ng mga partikular na tao na dapat kaharapin. Ito ay sa dahilang ang Islam ay tuwirang ugnayan ng tao at ng kanyang Tagapaglikha (ang Allah, ﷻ) na walang mga tagapamagitan.
At hindi rin kinakailangan ang labis na seremonya sa pagyakap sa Islam, kinakailangan lamang na magsabi ng ilang kataga na napakadaling bigkasin ng dila subali't ito ay mayroong mahalagang kahulugan at pananagutan.
Kung ang isang tao ay nagpasiya na maging isang Muslim, nararapat niyang bigkasin lamang ang sumusunod na ilang kataga na tinatawag na "Shahaadatain[3]":
"Ash-hadu an laa ilaaha ill-Allah, wa ashhadu anna Muhammadan 'Abdullahu' wa rasooluh."
Ang kahulugan ay:
"Ako ay sumasaksi na walang ibang Tunay na diyos maliban sa Allah at ako ay sumasaksi na si Muhammad ay Kanyang alipin at Sugo."
Ang pahayag na ito ay siyang susi sa pagpasok sa Islam. Sinuman ang nagpahayag nito, siya ay tumatalikod na sa mga ibat-ibang relihiyon maliban sa Islam at maging sa lahat ng mga paniniwala na taliwas dito (sa Islam). Sa pamamagitan ng pagpahayag ng 'Shahaadatain', siya ay may karapatan na tulad ng mga karapatang tinatamasa ng mga ibang Muslim. Ang kanyang yaman, dangal at dugo ay naging sagrado maliban sa mga bagay na itinakda ng Islam.
Katotohanan, na ang isang tao ay itinuturing na Muslim sa panlabas niyang mga gawain, nguni't tanging ang Allah (ﷻ) ang ganap na Nakababatid kung ano ang katotohanang nasa kaibuturan ng kanyang puso. Kaya, ano ang kahulugan ng 'Shahaadatain'.
Ang 'Shahaadatain'
(Ang Dalawang Pagsaksi sa Pananampalataya)
Ang Kahulugan ng 'La Ilaaha Illa-Allah'
Ito ang diwa ng Tawheed[4]. Sa pamamagitan ng konseptong ito, nilikha ng Allah (ﷻ) ang lahat (sangkatauhan, jinn, anghel at maging ang di-nakikita o nakatagong bagay) at sa konseptong ito, nilikha Niya ang Jannah (Paraiso) at ang Jahannam (Impiyerno). Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi sa Qur'an, Kabanata Adh-Dhaariyaat, 51:56;
"At hindi Ko nilikha ang mga Jinn at mga Tao maliban na sila ay nararapat na sumamba sa Akin (tanging sa Akin lamang)."
Ito ang paniniwala na ipinag-anyaya ng mga Propeta at Sugo sa kanilang mga mamamayan, nagmula pa noong panahon ni Adan hanggang sa Huling Sugong si Muhammad(ﷺ). Ang Dakilang Allah (ﷻ) ay nagsabi, Qu'ran, Kabanata Al-Anbiyaa; 21:25;
"At hindi Kami nagpadala ng sinumang Sugo bago pa man sa iyo (O Muhammad) maliban na Aming ipinahayag sa kanya (na nagsasabing): "La ilaha ilallah (walang diyos na dapat sambahin maliban sa Allah), kaya sambahin Ako (tanging Ako at wala ng iba pa)."
Ang Kahulugan ng 'Shahaadah':
· Ang Allah (ﷻ) ang Siyang Tagapaglikha sa lahat ng bagay. Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi, Qur'an, Kabanata Al-An'aam, 6:102;
"Siya ang Allah, ang inyong Rabb! La ilaha illah Huwa (walang diyos na dapat sambahin maliban sa Kanya), ang Tagapaglikha ng lahat ng bagay. Kaya, sambahin Siya (tanging Siya lamang), at Siya ang Wakil (tagapangalaga) sa lahat ng bagay."
· Ang Allah (ﷻ) ang nagmamay-ari sa lahat ng Kanyang nilikha. at Siya (ﷻ) ang tagapamahala sa lahat ng gawain at pangyayari.[5]. Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi, Qur'an, Kabanata Al-Araaf, 7:54;
"Sa Kanya ang (Ganap na Kapangyarihan ng gawang) paglikha at pag-uutos. Mapagpala ang Allah, ang Rabb (Panginoon) ng lahat ng nilikha."
· Tanging ang Allah (ﷻ) lamang ang karapat-dapat sambahin[6] nang buong puso at kaluluwa. Siya (ﷻ) ay nagsabi, Qur'an, Kabanata Yunus, 10:66;
"Walang alinlangan! Katotohanan! na ang Allah lamang ang nag-aangkin ng anupamang nasa mga kalangitan at anupamang nasa kalupaan. At yaong sumasamba at dumadalangin sa iba pa bukod sa Allah, (katotohanan na) sila ay hindi sumusunod sa mga itinuturing nilang katambal (ng Allah), bagkus kanilang sinusunod lamang ang mga haka-haka at sila ay naglulubid lamang ng kasinungalingan."
· Ang Allah (ﷻ) ang nagmamay-ari ng mga Magagandang Pangalan at ang Kanyang taglay na mga Katangian ay Ganap at Lubos. Siya ay malayo sa mga kakulangan, kapintasan at kamalian[7]. Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi, Qur'an, Kabanata Al-A'raaf, 7:180;
"At (lahat ng) naggagandahang mga Pangalan[8] ay nauukol sa Allah (lamang), kaya manalangin sa pamamagitan ng mga iyon at lisanin ang pangkat na nagpapasinungaling o nagtatakwil sa Kanyang mga Pangalan. Sila ay pagbabayarin sa anumang lagi nilang ginagawa."
Ang Mga Patakaran ng Shahaadah:
Hindi sapat na bigkasin lamang ang Shahaadah upang ito ay tanggapin ng Allah (ﷻ). Ang Shahaadah ay itinuturing na isang susi sa pintuan ng Paraiso, datapwa't upang ito ay maging makabuluhan, kinakailangan ang tamang patunay nito. Ang Shahaadah ay dapat tugunan ng mga sumusunod na mga patakaran upang ito ay tanggapin ng Allah (ﷻ).
1) Karunungan (Al-Ilm): binubuo ng kaalaman na ang lahat ng mga ibang bagay na sinasamba bukod sa Allah (ﷻ) ay mga huwad na diyos maging ito man ay isang dakilang Propeta, Sugo o isang marangal na anghel. Walang sinuman o anupaman sa mga nilikha ang maaaring ituring bilang diyos, o naging diyos, magiging diyos o may pagkadiyos, o may kahati sa pagkadiyos. Tanging ang Nag-iisang Tagapaglikha ang Siyang Tunay na Diyos. Samakatuwid, walang ibang diyos na dapat sambahin sa katotohanan maliban sa Allah (ﷻ). Ang Allah (ﷻ) lamang ang nararapat na pag-ukulan ng lahat ng uri ng pagsamba, tulad ng pagdarasal (Salaah), pagdalangin (Du'aa), pagluhog ng pag-asa, pag-aalay at panunumpa, at iba pa.
Sinuman ang nag-alay ng anumang uri ng pagsamba sa iba pa bukod sa Allah (ﷻ), siya ay nagkasala ng Kufr[9] , kahit na siya ay bumigkas ng Shahaadatain.
2) Katiyakan (Al-Yaqeen); Ang puso ay nararapat na nakatitiyak sa kahulugan ng dalawang Shahaadah. Ang katiyakan ay kabaligtaran ng pag-aalinlangan, kaya, walang puwang para sa isang Muslim na mag-alinlangan o mag-atubili sa kanyang paniniwala. Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi, Qur'an, Kabanata Al-Hujuraat, 49:15;
"Katotohanan, ang tunay na Mananampalataya (Muslim) ay yaon lamang na (tapat na) nananalig sa Allah at sa Kanyang Sugo, at pagkaraan ay hindi nag-alinlangan bagkus nagtanggol (at nakipaglaban) sa Landas ng Allah (Jihad) sa pamamagitan ng kanilang yaman at (inihandog ang) sariling buhay. Sila yaong tunay na makatotohanan."
3) Pagtanggap (Al-Qubool); Nararapat na tanggapin ang mga patakaran ng Shahaadah nang buong puso at walang itinatakwil sa anumang bahagi nito[10]. Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi; Qur'an, Kabanata, As-Saffaat; 37:35
"Katotohanan, kapag sila ay pinagsasabihan ng: "La ilaha illa Allah (walang iba pang diyos na dapat sambahin maliban sa Allah), umiiral sa kanilang mga sarili ang kapalauan (at sila ay nagtatakwil sa katotohanan)."
4) Pagsuko at Pagtalima (Al-Inquiad); ito ay pagsunod, pagsasagawa at pagsasakatuparan ng lahat ng tungkuling hinihingi at kinakailangan ng Shahaadah[11]. Ang isang tao ay nararapat na sumunod sa lahat ng ipinag-uutos ng Allah (ﷻ) at umiwas sa mga ipinagbabawal. Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi, Qur'an, Kabanata Lukman, 31:22;
"At sinuman ang ganap na isinuko ang sarili sa Allah samantalang siya ay Muhsin[12] (gumagawa ng kabutihan) magkagayon, kanyang tinanganan ang pinakamatibay na hawakan (ang La ilaha ill-Allah). At sa Allah ang pagbabalik ng lahat ng bagay tungo sa pagpapasiya (sa lahat ng pangyayari)."
5) Makatotohanan (As-Sidq); nararapat na makatotohanan at dalisay ang pagpapahayag ng Shahaadah[13]. Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi, Qur'an, Kabanata Al-Fath, 48:11;
"… Sila ay nagsasabi sa kanilang bibig (lamang) nguni't wala (naman) sa kanilang puso…”
6) Katapatan (Al-Ikhlas); nararapat na iukol ang lahat ng pagtitiwala at pagsamba sa Allah (ﷻ) lamang[14]. Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi, Qur'an, Kabanata Al-Bayyinah, 98:5;
"At sila ay hindi napag-utusan maliban na sila ay sumamba (lamang) sa Allah, maging matapat sa pananampalataya sa Kanya, maging matuwid at magsagawa ng Salaah (pagdarasal), at magbigay ng Zakah (kawanggawa), ito ang tunay (at tuwid) na pananampalataya."
7) Pagmamahal (Al-Mahabba); nararapat na mahalin ang Shahaadah at lahat ng pangangailangan nito. Nararapat niyang mahalin ang Allah (ﷻ), ang Kanyang Sugo (ﷺ) at ang Kanyang mga mabubuti at matutuwid na alipin. At nararapat niyang kapootan ang mga napopoot sa Allah (ﷻ) at sa Kanyang Sugo (ﷺ). Kailangang higit niyang naisin ang anumang minamahal ng Allah (ﷻ) at ng Kanyang (ﷻ) Sugo (ﷺ) kahit na ito ay salungat sa kanyang hangarin. Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi; Qur'an, Kabanata At-Tawbah, 9:24;
"Sabihin: 'Kung ang inyong mga ama, inyong mga anak na lalaki, inyong mga kapatid na lalaki, ang inyong mga asawa, ang inyong mga kamag-anakan, ang inyong kayamanang pinagkitaan, ang inyong kalakal na pinangangambahang malugi, ang inyong mga tahanang ikinasisiya ay higit na mahalaga sa inyo kaysa sa Allah at sa Kanyang Sugo, at sa pakikipaglaban sa Landas ng Allah, magkagayon, kayo ay magsipaghintay hanggang dalhin ng Allah ang kanyang Pasiya (parusa). At hindi pinapatnubayan ng Allah ang mga taong Fasiq (mapanghimagsik, palasuway sa Allah)."
Ang Shahaadah ay nag-uutos din na ang Allah (ﷻ) ang Tanging Isa na may karapatang magtakda, maging sa larangan ng pagsamba o sa anupamang pangyayari o bagay na ukol sa ugnayan ng tao, maging ito man ay pansarili o pangkalahatan.
Ang mga pagpapairal ng mga batas para sa mga ipinagbabawal o ipinapatupad ay kailangang magmumula lamang sa Allah (ﷻ). Ang Sugo (ﷺ) ay siyang tagapagpaliwanag at tagapagbigay-linaw sa Kanyang (ﷻ) mga kautusan. Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi, Qur'an, Kabanata Al-Hashr, 59:7;
"…Kaya't inyong sundin o kunin ang anumang itinatagubilin (o ipinag-uutos) sa inyo ng Sugo at anuman ang kanyang ipinagbabawal sa inyo, ito ay inyong iwasan…"
Ang Mga Mabubuting Bunga ng Iman (Paniniwala) sa Allah (ﷻ)
1) Ang Kalayaan at Kaligtasan Sa Maling Pagsamba; Kapag tinutupad ng isang tao ang mga patakaran ng Shahaadah, magiging ligtas siya sa pagsamba sa ibang nilikha at maitutuon niya ang lahat ng pagsamba sa Nag-iisang Rabb (ang Allah, ﷻ). At ito ang mag-aakay sa tao upang maging malaya sa anumang uri ng maling pagsamba (Shirk[15]). Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi, Qur'an, Kabanata Az-Zumar, 39:38;
"Sabihin: 'Sabihin mo sa akin kung gayon, ang mga bagay na inyong dinadalanginan bukod sa Allah - kung ang Allah ay maglayon ng kapinsalaan sa akin, sila ba (na inyong dinadalanginan) ay makapag-aalis ng kapinsalaan Niya? O kung Siya (Allah) ay maglayon ng ibang Habag sa akin, maaari kaya nilang pigilin ang Kanyang Habag? Sabihin: “Sapat na para sa akin ang Allah; yaong nananalig (nagtitiwala sa Kanya) ay dapat ibigay (nang lubusan) ang kanilang pananalig (pagtitiwala)."
2) Ang Kapanatagan, Kapayapaan Sa Puso, Isip at Kaluluwa; Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi. Qur'an, Kabanata Ar-Ra'd, 13:28;
"Sila na sumasampalataya (sa Kaisahan ng Allah), at sa kanilang puso ay nakadarama ng katiwasayan sa pag-aala-ala sa Allah, katotohanan, sa pag-aalaala sa Allah, ang mga puso ay nakatatagpo ng kapahingahan."
3) Ang Damdamin Ng Kaligtasan sa pamamagitan ng kaalaman na may Isang Mapagbabalingan sa panahon ng kahirapan, at ito ay walang iba kundi ang Dakilang Rabb (Panginoon) ng lahat ng nilalang, ang Nag-iisang Allah (ﷻ). Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi, Qur'an, Kabanata Al-Israa, 17:67;
"At kung ang panganib ay sumapit sa inyo habang kayo ay nasa dagat, yaong inyong mga dinadalanginan bukod sa Kanya ay naglalaho sa inyo maliban sa Kanya (ang Allah lamang). Datapwa't nang kayo ay Kanyang idaong ng iligtas sa kalupaan, kayo ay nagsisitalikod (sa Kanya). At ang tao ay lagi nang walang pasasalamat (sa Kanya)."
4) Ang Damdamin Ng Espirituwal Na Kaligayahan Ng Kaluluwa Sa Pagsamba sa Allah (ﷻ). Ito ay sa dahilan na ang hangarin na matamo (ang Jannah) ay hindi maaabot maliban pagkaraan ng kamatayan. Kaya naman makikita mong nagpupumilit at nagtitiyagang marating ang minimithi sa pamamagitan ng paggawa ng kabutihan, buong puso at buong katapatang nagsusumikap na gampanan ang lahat ng gawang pagsamba sa Allah (ﷻ). Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi, Qur'an, Kabanata Al-An-aam, 6: 162-163;
"Sabihin mo (O Muhammad!); Katotohanan, ang aking Salaah, ang aking pag-aalay (bilang pagkatay at paghandog ng hayop), ang aking buhay, ang aking kamatayan ay para sa Allah lamang, ang Rabb (Panginoon) ng lahat ng mga nilalang. Siya ay walang katambal (na iba pa sa pagsamba sa Kanya). At dito, ako ay pinag-utusan, at ako ang manguna sa mga Muslim."
5) Ang Patnubay at Tagumpay na ipagkakaloob ng Allah (ﷻ) sa mga taong naniniwala sa Kanya. Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi, Qur'an, Kabanata At-Taghaabun, 64:11;
"… at sinuman ang naniniwala (sumasampalataya) sa Allah, pinapatnubayan Niya ang kanyang puso..."
6) Ang Pagmamahal Sa Mga Gawaing Makatuwiran at Makatarungan at ang pagpapalaganap nito sa lipunan. Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi, Qur'an, Kabanata Al-Zalzalah, 99:7;
"Kaya’t sinuman ang gumawa ng katiting na timbang ng kabutihan[16] ito ay (tiyak na) kanyang matutunghayan."
Ang Propeta Muhammad (ﷺ) ay nagsabi;
"Katotohanan ang isang umakay sa ibang tao upang gumawa ng mabubuting gawain ay tulad ng isang taong gumawa ng mismong kabutihan (i.e. makatatanggap siya ng katulad na gantimpala)." (Iniulat ni Tirmidhi)
Ang isang taong may pananampalataya sa Allah (ﷻ) ay dapat magkaroon din ng paniniwala sa lahat ng bagay na Kanyang ipinahayag, ito ay ang mga sumusunod;
Ang Paniniwala sa Mga Anghel
Nararapat na paniwalaan na ang mga anghel ay mula sa paglikha ng Allah (ﷻ); walang sinuman ang nakakaalam sa tunay na bilang ng mga ito maliban sa Kanya. Sila ay may sariling ginagalawang daigdig mula sa Al Ghaib (di-nakikita). Sila ay nilikha ng Allah (ﷻ) upang sumamba at sumunod lamang sa Kanya at wala silang kakayahang sumuway sa Kanya. Sila ay sumusunod at tumutupad sa lahat ng ipinag-uutos ng Allah (ﷻ) tulad ng pamamahala, pagmamatyag, pangangalaga ng buong santinakpan kabilang na rin maging ang lahat ng mga nilikha, na ito ay naayon sa kautusan at kapahintulutan ng Allah (ﷻ). Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi, Qur'an, Kabanata An-Nisaa, 4:172;
"Kailanman ay hindi magagawang itakwil nang may pagmamalaki ng Messiah ang kanyang pagiging isang alipin ng Allah, at maging ang mga anghel na malalapit (sa Allah). At sinumang magtakwil sa pagsamba sa Kanya (Allah) at siya ay magmalaki, magkagayo’y silang lahat ay Kanyang titipunin nang sama-sama sa Kanya.[17]"
Ang mga anghel ay gumaganap bilang mga Sugo sa pagitan ng Allah (ﷻ) at ng Kanyang mga Sugo para sa sangkatauhan. Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi, Qur'an, Kabanata, Ash-Shu'araa, 26:193-195;
"Na ibinaba ng isang Pinagkakapuring Ruh (ang Anghel Gabriel) sa iyong puso (O Muhammad) upang ikaw ay maging isa sa mga tagapagbabala, sa malinaw na wikang arabik.".
Nilikha ng Allah (ﷻ) ang mga Anghel para mangalaga at mangasiwa sa mga ibat-ibang bagay na ipag-uutos sa kanila; Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi, Qur'an, Kabanata An-Nahl, 16:50;
"Kinatatakutan nila (ng mga Anghel) ang kanilang Rabb (Panginoon) na nasa itaas, at sila ay tumatalima sa bawa't ipinag-uutos sa kanila."
Ang mga Anghel ay hindi mga katambal o karibal ng Allah (ﷻ) sa pagiging Diyos, at hindi sila mga anak ng Allah (ﷻ), datapwa't nararapat silang igalang at mahalin. Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi, Qur'an, Kabanata Al-Anbiyaa, 21:26-27;
"At sila ay nagsipagturing: 'Ang Mahabagin (Allah) ay nagkaroon ng anak (na lalaki o mga supling)', Luwalhati sa Kanya! Sila (na itinuring nilang mga anak ng Allah, mga anghel, si Hesus – anak ni Maria, si Ezra atbp.) ay mga mararangal na alipin lamang. Sila ay hindi nangungusap hanggang Siya (Allah) ay hindi nakikipag-usap, at sila ay gumagawa ayon sa Kanyang pag-uutos."
Sila ay patuloy na sumasamba at sumusunod sa Allah (ﷻ), lagi nang lumuluwalhati at pumupuri sa Kanya (ﷻ). Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi, Qur'an, Kabanata Al-Anbiyaa, 21:20;
"Sila (ang mga Anghel) ay lumuluwalhati ng Kanyang mga Papuri sa gabi at araw, at sila ay hindi nakalilimot o nagpapabaya (na gawin ito)."
Ang mga Anghel ay nilikha mula sa liwanag. Ang Propeta (ﷺ) ay nagsabi;
"Ang mga Anghel ay nilikha mula sa liwanag, ang mga 'Jinn' ay nilikha mula sa apoy na walang usok at si Adan u ay nilikha (tulad ng nakasulat sa Qur'an) mula sa alabok."
Bagaman sila ay nilikha sa liwanag, sila ay hindi nakikita. Sila ay pinagkalooban ng kakayahang mag-ibang anyo tulad ng isang tao upang sila ay makita at masaksihan sa ibang pagkakataon. Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi na si Arkanghel Gabriel[18] (u) ay nagpakita kay Maryam sa anyo ng tao, Qur'an, Kabanata Maryam, 19:17-19;
"At siya ay naglagay ng isang tabing (upang ikubli ang sarili) sa kanila, (at) pagkaraan ay Aming ipinadala sa kanya ang Ruh (Banal na Espiritu, ang Anghel Gabriel), at ito ay lumitaw sa kanyang harapan sa anyo ng isang ganap na tao. Kanyang sinabi : ‘Katotohanan ! ako’y humihingi ng paglingap sa Mahabagin (Al-Rahman) laban sa iyong (kasamaan), kung tunay ngang ikaw ay may takot sa Allah. Kanyang (ni Gabriel) sinabi : ‘Ako ay isang Sugo lamang ng iyong Rabb (Panginoon), (upang ipabatid) sa iyo ang pagkakaroon ng isang anak na lalaki bilang handog."
Nakita ng Propeta Muhammad (ﷺ), ang Anghel Jibreel (u) sa tunay na anyong paglikha sa kanya. Siya ay mayroong 600 na raang pakpak na sakop ang buong alapaap.
Ipinahayag ng Allah (ﷻ) ang mga ibang pangalan at mga gawain ng mga Angel. Ang isa sa kanila ay ang Anghel Jibreel (u) at siya ay naatasan na magbigay ng kapahayagan mula sa Allah (ﷻ), Qur'an, Kabanata As-Shuaraa, 26:193-194;
"Na ibinaba ng isang Pinagkakapuring Ruh (ang Anghel Gabriel). Sa iyong puso (O Muhammad) upang ikaw ay maging isa sa mga tagapagbabala, sa malinaw na wikang arabik."
Ang Anghel Israafeel u ay isang anghel na binigyan ng tungkulin upang umihip ng trumpeta sa pagsapit ng takdang Araw ng Pagkabuhay Muli at ang Anghel Mikaeel u ay naitalaga sa pagbantay ng ulan at halamanan. At may inatasang dalawang Anghel na nagtatala ng mga gawain ng mga tao, ang isa ay nagsusulat ng lahat ng mga mabubuting gawain at ang isa naman ay nagsusulat ng lahat ng mga kasalanan nito. Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi; Qur'an, Kabanata Qaaf, 50:17-18;
"(Alalahanin!) ang dalawang nagbabantay (tagapagtalang mga Anghel), isa ay nakaupo sa kanan at isa sa kaliwa (na nakatalaga upang mabatid ang mga gawa at maitala ito). Walang isa mang salita na kanyang usalin ang makahuhulagpos sa mahigpit na Tagapagbantay (upang maitala ito)."
Ang Anghel ng Kamatayan u (Malak-ul-Mawt) ay isang Anghel na itinalaga para kumuha sa mga kaluluwa ng mga tao sa oras ng kanilang kamatayan. Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi; Qur'an, Kabanata As-Sajdah, 32:11;
"Sabihin (O Muhammad), ang Anghel ng kamatayan na nakatalaga sa inyo ay (walang pagsalang) magtatangan ng inyong kaluluwa, at kayo ay muling ibabalik sa inyong Rabb (Panginoon)."
Ang Anghel Maalik u ay isang Anghel na itinalaga sa pagbabantay ng Impiyerno. Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi, Qur'an, Kabanata Az-Zukhruf, 43;77;
"Sila ay magsisitangis; 'O Maalik (ang Tagapagbantay ng Impiyerno)! Hayaan ang iyong Rabb (Panginoon) ay magbigay wakas sa amin!' Siya (Maalik) ay magsasabi: 'Katotohanan, kayo ay mananatili rito magpakailanman!"
Ang Anghel Ridwan u ay isang Anghel na itinalaga sa pagbabantay ng 'Jannah[19]' (Paraiso), at marami pang ibang mga Anghel na namamahala at nagbabantay sa mga tao. Marami pang iba na nakatalaga sa mga likas na gawain. Ang mga iba ay nababanggit sa Qur'an at sa Sunnah[20], datapwa't ang mga iba ay hindi binanggit, nguni't tayo ay nararapat na maniwala sa kanilang lahat.
Ang Mga Mabubuting Bunga ng Paniniwala sa Mga Anghel
1) Upang ating mauunawaan ang Kadakilaan ng Allah (ﷻ), ang Kanyang Kapangayarihan at Kakayahan, at ang Kanyang Lubos na Kaalaman mula sa kagila-gilalas, kahanga-hanga na Kanyang mga nilikha na nagbibigay ng matatag na katibayan o patunay sa Kadakilaan ng Tagapaglikha.
2) Upang malaman ng isang Muslim na may dalawang Anghel na nagbabantay sa Kanya at isinusulat ang lahat ng kanyang sinasabi at ginagawa. Ito ay nagsisilbing isang patnubay upang gumawa ang tao ng mga mabubuting gawa at umiiwas sa lahat ng kasalanan maging siya man ay nag-iisa o may kasama sa kanyang kinaroroonan.
3) Upang mailayo ang sarili mula sa mga pamahiin at mga di-makatuwirang pabula.
4) Upang makilala ng isang Muslim ang Habag ng Allah (ﷻ) sa Kanyang mga alipin (mga nilikha) sa dahilang Siya ay nagtalaga ng mga Anghel na nagbabantay at nangangalaga sa kapakanan at gawain ng mga tao.
Ang Paniniwala sa Mga Banal na Kasulatan ng Allah (ﷻ)
Nararapat paniwalaan na ang Allah (ﷻ) ay nagpadala ng mga Banal na Kasulatan sa pamamagitan ng Kanyang mga Sugo upang ihatid ang mensahe sa lahat ng mga tao. Ang mga Aklat na ito sa kani-kanilang panahon ay naglalaman ng katotohanan at patnubay. Ang lahat ng mga Aklat na ito ay nag-aanyaya sa lahat ng tao na kumilala at sumamba lamang sa Nag-iisang Diyos, ang Dakilang Allah (ﷻ), na Siya ang Tanging Nag-iisang Tagapaglikha, ang Nag-iisang Nagmamay-ari, at taglay Niya ang lahat ng Magagandang Katangian at Pangalan. Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi, Qur'an, Kabanata Al-Hadeed, 57:25;
"Tunay na Aming ipinadala ang Aming mga Sugo na may dalang maliwanag na mga patunay, at ipinahayag sa kanila ang Kasulatan at ang Pamantayan (ng Katarungan) upang panatilihin (at ipatupad) ng sangkatauhan ang (diwa ng) katarungan…"
Ang Mga Ibang Banal na Kasulatan ay ang mga sumusunod;
1) Ang Suhuf (Kalatas) ni Propeta Abraham (u) at ang Tawrah (Torah) na ipinahayag kay Propeta Moises (u); Ang Qur'an ay nagbigay ng maikling pananaw tungkol sa mga kaalaman na naitala ng dalawang kapahayagang ito. Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi, Qur'an, Kabanata, An-Najm, 53:36-42;
"Hindi ba Niya batid kung ano ang nasa Kasulatan ni Moises, at ni Abraham na tumupad (at nagparating) ng lahat (ng mga ipinag-utos ng Allah sa kanya), na nagtatagubilin na walang sinuman ang maaaring magdala ng pasanin ng iba (kasalanan ng iba), na ang tao ay walang mapapakinabang maliban lamang sa kanyang pinagsusumikapan (na mabuti o masama); at ang (bunga) ng kanyang pagsisikap (mga gawa) ay malalantad, Kaya't siya ay gagantihan nang ganap sa pinakamainam na kabayaran; at sa iyong Rabb (Panginoon) ang layon at pagbabalik ng lahat."
2) Ang Tawrah; ito ay isang sagradong Aklat na ipinahayag kay Propeta Moises (u). Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi, Qur'an, Kabanata Al-Maa'idah, 5:44;
"Katotohanan, ipinadala Namin ang Tawrat (Torah) kay Musa, na matatagpuan roon ang patnubay at ang liwanag na siyang ginawang batayan ng paghatol sa mga Hudyo ng mga Propetang tumalima sa Kalooban ng Allah. At ang mga Rabbi at mga pari (ay naghatol din para sa mga Hudyo ng batay sa (Batas ng) Tawrat pagkaraan ng mga Propeta sapagka't sa kanila ipinagkatiwala ang pangangalaga sa Aklat ng Allah at sila ang naging mga saksi niyaon. Samakatuwid, huwag matakot sa mga tao kundi matakot sa Akin (kayong mga Hudyo) at huwag kalakalin (ipagpalit) ang Aking mga Talata para lamang sa kaaba-abang halaga. At sinuman ang hindi humatol ayon sa ipinahayag ng Allah, sila ang Kafirun[21]."
3) Ang 'Zaboor' (Psalmo): ay ang Aklat na ipinahayag kay Dawood (David) (u). Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi, Qur'an, Kabanata 4:163;
"… at kay Dawood (David) ay Aming ipinagkaloob ang Zaboor (Psalmo)."
4) Ang Injeel (Ebanghelyo): ay isang sagradong Aklat na ipinahayag kay 'Eisaa' (Hesus) (u). Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi, Qur'an, Kabanata, Al-Maaidah, 5:46;
"At sa kanilang yapak ay Aming isinugo si Hesus, ang anak ni Maria, na nagpapatunay sa Torah (mga Batas) na dumating nang una pa sa kanya, at Aming ipinagkaloob sa kanya ang Injeel (Ebanghelyo), na naririto ang patnubay at liwanag at pagpapatunay sa Torah (mga batas) na dumating bago pa rito, isang patnubay at paala-ala sa mga Muttaqi[22]."
Ang isang Muslim ay nararapat na maniwala sa lahat ng mga nabanggit na Banal na Kapahayagan. Dapat tayong maniwala na ang mga aklat na ito ay nagmula sa Allah (ﷻ). Hindi ipinahihintulot para sa sinumang Muslim na sumunod sa mga batas nito, sapagka't ang mga aklat na ito ay ipinahayag sa partikular na pamayanan o mamamayan at partikular na panahon. Bukod pa sa katotohanan na ang mga naunang kapahayagan ay wala na sa kani-kanilang orihinal na pagkakapahayag.
Ang Banal na Qur'an ay nagpaliwanag na ang ibang aral ay matatagpuan sa Tawrah at Injeel tulad ng pagdating ni Propeta Muhammad. Ito ay nakatala rin sa Qur'an, Kabanata Al-A'raaf 7:156-157;
"… ang Aking Habag ay laganap sa lahat ng bagay. Na (ang Habag ay) Aking itatakda para sa mga Muttaqi, at nagbibigay ng Zakah; at yaong naniniwala sa Aming Ayat[23]; Yaong naging masunurin sa Sugo, ang Propeta na hindi marunong bumasa at sumulat na kanilang matatagpuang nakasulat sa kanila sa Tawrat at sa Injeel (Ebanghelyo- siya ay nag-uutos sa kanila ng Maruf (lahat ng uri ng kabutihan) at nagbabawal sa kanila ng Munkar (lahat ng uri ng kasamaan), kanyang ipinahintulot sa kanila bilang marapat ang mga bagay na Tayyibat (mabuti at pinahihintulutan) at nagbabawal sa kanila ang mga bagay na Khaba'ith (masama at di-pinahintuluan) bilang di-marapat, sila ay kanyang pinalaya sa anumang hirap na pasanin (ng kasunduan ng angkan ni Israel sa Allah) at mula sa mga sakal (o tanikala) na nakagapos sa kanila. Kaya, maniwala sa kanya (kay Muhammad), at sundin ang liwanag (ng Qur'an) na ipinahayag sa kanya, at (sa gayon) sila yaong magsisitagumpay.”
5) Ang Banal na Qur'an; ang isang Muslim ay nararapat na panghawakan ang paniniwala hinggil dito tulad ng mga sumusunod;
a) Kinakailangang maniwala na ang Qur'an ay Salita ng Allah (ﷻ) na ipinahayag kay Propeta Muhammad (ﷺ) sa pamamagitan ng Anghel Jibreel (u) sa malinaw na wikang Arabik. Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi, Qur'an, Kabanata As-Shu'araa, 26: 193-195;
"Na ibinaba ng isang Pinagkakapuring Ruh (ang Anghel Gabriel). Sa iyong puso (O Muhammad) upang ikaw ay maging isa sa mga tagapagbabala, sa malinaw na wikang arabik."
b) Kinakailangang maniwala na ang Qur'an ay Huling Kapahayagan na nagpapatunay sa mga naunang mga Banal na Aklat o Kapahayagan na naglalaman ng mensahe tungkol sa Kaisahan ng Allah (ﷻ) at ang mga nakatalagang tungkulin sa pagsamba at pagtalima sa Kanya (ﷻ). Na ang lahat ng mga naunang kapahayagan ay pinawalang-bisa ng Qur'an. Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi, Qur'an, Kabanata Al-Imraan, 3:3-4;
"Siya ang nagpahayag sa iyo (O Muhammad) ng Aklat (ang Qur’an) nang makatotohanan, na nagpapatunay sa anumang (ipinahayag na mga Kasulatang) nauna dito. At ipinahayag din Niya ang Tawrah (Torah) at ang Injeel (Ebanghelyo). Noong una[24], bilang patnubay sa sangkatauhan. At Kanyang ipinahayag ang Furqan ([ang pamantayan] ng paghatol sa pagitan ng katotohanan at kamalian). Tunay nga, yaong mga taong nagtatakwil sa Ayat (mga tanda, kapahayagan, babala at aral) ng Allah, sa kanila (ay ipalalasap) ang masidhing parusa; at ang Allah ay Ganap na Makapangyarihan, ang Ganap na Nakapangyayaring magpataw ng parusa."
c) Kinakailangang maniwala na ang Qur'an ay naglalaman ng lahat ng Banal na Batas. Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi, Qur'an, Kabanata Al-Maaidah, 5:3;
"….Sa araw na ito, Aking ginawang ganap ang inyong relihiyon para sa inyo, Aking ginawang lubos ang pagpapala sa inyo at pinili para sa inyo ang Islam bilang inyong relihiyon….."
d) Kinakailangang maniwala na ang Qur'an ay ipinahayag para sa Sangkatauhan at hindi lamang sa mga partikular na bansa tulad ng mga naunang rebelasyon. Ang Allah, (ﷻ) ay nagsabi, Qur'an, Kabanata Saba, 34:28;
"At ikaw (O Muhammad) ay hindi Namin isinugo maliban bilang Tagapaghatid ng Magagandang Balita at Tagapagbabala sa lahat ng Sangkatauhan, subali't karamihan sa tao ay hindi nakababatid (nito)."
e) Kinakailangang paniwalaan na pinangangalagaan ng Allah (ﷻ) ang Qur'an sa lahat ng uri ng paninira laban sa pagdaragdag o pagbabawas at pagpapalit o pagbabago ng mga salita nito. Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi, Qur'an, Kabanata Al-Hijr, 15:9;
"Katotohanang Kami; (at) Kami ang nagpanaog ng Dhikr (ang Qur'an bilang paalala) at buong katiyakan na ito ay Aming pangangalagaan laban sa katiwalian."
Ang Mga Mabubuting Bunga ng Paniniwala sa Mga Banal na Kasulatan ng Allah (ﷻ);
1) Ang lubos na mauunawaan ang Habag at pagmamahal ng Allah (ﷻ) para sa Kanyang mga alipin; sapagka't ipinahayag Niya ang mga Banal na Kasulatan nagpapatnubay sa kanila sa Landas na maghahatid sa Kanyang Kasiyahan. Hindi Niya hinayaang mabulid ang tao sa dilim ng kasamaan at iniligtas tayo sa bitag ng Satanas'[25] o maligaw sa mga sariling pithaya o mithiin.
2) Sa pamamagitan ng Banal na Kapahayagan ay lubos na mauunawaan ng isang Muslim ang walang hanggang Karunungan ng Allah (ﷻ) sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga batas na angkop sa mga partikular na pamayanan at akma sa kalagayan at mga pangangailangan ng tao sa lahat ng panahon.
3) Sa pamamagitan ng mga Banal na Kasulatan ay tuwirang makilala ang mga matatapat at tunay na Mananampalataya at ang kaibahan nila sa mga di-muslim. Isang tungkulin sa mga naniniwala sa Kanyang Banal na Aklat na pag-aralan at maniwala sa mga ibang Banal na Kapahayagan.
4) Madagdagan ang mga mabubuting gawa ng mga Mananampalataya sapagka't ang sinumang naniniwala sa Kanyang Aklat at sa mga naunang Aklat ay makatatanggap ng gantimpala nang higit sa isa. Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi, Qur'an, Kabanata Al-Qasas, 28:52-54;
"Yaong sa kanila ay Aming ipinagkaloob ang Kasulatan (ang Tawrah at Injeel) bago pa man ito, sila ay naniwala (sa Qur'an). At nang ito ay bigkasin sa kanila, sila ay nagsabing: "Kami ay naniniwala rito. Tunay nga na ito ay katotohanan mula sa aming Rabb (Panginoon). Katiyakan na kahit noon pa man kami ay nabibilang sa mga Muslim (na sumusuko ng mga sarili sa Allah sa Islam (tulad ni Abdullah bin Salam at Salman Farsi). Sa kanila ay ipagkakaloob ang dalawang gantimpala sapagka't sila ay matiisin, at umiiwas sa kasamaan (sa pamamagitan ng paggawa ng kabutihan), at gumugugol (sa kawanggawa) mula sa anumang bagay na ipinagkaloob sa kanila."
Ang Paniniwala sa Mga Propeta at Sugo ng Allah (ﷻ)
Dapat maniwala bilang Muslim na ang Allah (ﷻ) ay pumili ng mga mabubuting tao mula sa lipon ng sangkatauhan bilang mga Propeta at Sugo na Kanyang ipinadala sa lahat ng nilikha upang magdala ng partikular na batas; upang sambahin at tumalima sa Allah (ﷻ), at magtatag ng Kanyang Relihiyon at mapanatili ang Kanyang Kaisahan (Tawheed). Ipinag-utos sa mga Propeta na ipahayag ang Kanyang mensahe sa sangkatauhan upang walang maipangangatuwiran laban sa Allah[26] (ﷻ) o walang maibibigay ng dahilan sa di-pagsunod pagkaraang naipadala ang mga Sugo. Sila ay nagagalak sa pagtalima sa Allah (ﷻ) at sa Kanyang Paraiso na nakalaan para sa mga taong may paniniwala dito at sa mga kautusan o aral. Sila ay ipinadala bilang tagapagbabala , at nagbigay ng mahigpit na babala sa Poot ng Allah (ﷻ) at sa Kayang Parusa na nakalaan sa mga taong hindi naniniwala sa mga ito at sa mga kautusan o aral. Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi, Qur'an, Kabanata Al-An'aam, 6:48-49;
"At hindi kami magpapadala ng mga Sugo maliban bilang tagapaghatid ng Magagandang Balita at bilang Tagapagbabala. Kaya, sinuman ang naniniwala at gumagawa ng gawang matuwid, sa kanila ay walang (mararanasang) pangamba, o (madaramang kalungkutan). Subali't yaong nagsipagtakwil sa Aming mga Ayat (aral, tanda o babala, at kapahayagan), ang parusa ay darating sa kanila nang dahil sa kanilang kawalan ng pananampalataya (sa kanilang pagtakwil sa Mensahe ni Muhammad, ﷺ)."
Maraming isinugong mga Propeta at Sugo, nguni't walang sinumang nakakaalam sa kanilang bilang kundi ang Allah (ﷻ). Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi, Qur'an, Kabanata Al-Ghaafir, 40:78;
"At tunay nga, na Aming ipinadala ang mga Sugo nang una pa sa iyo (O, Muhammad): ang ilan sa kanila ay Aming ibinalita ang kanilang kasaysayan sa iyo. At ang iba sa kanila ay hindi Namin ibinalita ang kanilang kasaysayan…"
Nararapat paniwalaan na ang lahat ng Propeta at Sugo ay likas na tao at hindi sila hihigit pa sa karaniwang tao. Kung mayroon man silang mga himalang ginawa, ito ay nasa kapahintulutan ng Dakilang Allah (ﷻ). Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi, Qur'an, Kabanata Al-Anbiyaa, 21:7-8;
"At hindi Kami nagsugo bago pa man sa iyo (O Muhammad) maliban na sila ay mga taong katulad mo na Aming pinagpahayagan. Kaya, tanungin mo ang mga mamamayang pinagkalooban ng babala kung ito ay hindi ninyo nababatid. At hindi Namin sila (mga Sugo) nilikha na may katawang hindi kumakain, o di kaya sila ay walang mga kamatayan."
Wala silang katangian na tulad ng mga likas na Katangian ng Allah (ﷻ). Ang mga ito ay hindi makapagbigay ng anumang pakinabang o kabutihan at hindi makapagdudulot ng anumang kapinsalaan. Hindi sila makapamahala ng kahit na ano sa buong sansinuklob o kahit na anong ibig nilang gawin na ikasisiya nila sa mga ito. Wala silang magagawa kung hindi ipahihintulot ng Allah (ﷻ) na mangyari ang anumang bagay. Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi, Qur'an, Kabanata Al-A'raaf, 7:188;
"Sabihin mo (O Muhammad) "Ako ay walang kapangyarihan upang ito ay makapagdulot ng kabutihan o kapinsalaan sa aking sarili maliban sa kapahintulutan ng Allah. Kung ako man ay mayroong kaalaman tungkol sa Al-Ghaib, marahil ako ay naglaan para sa aking sarili nang masaganang yaman, at marahil walang anumang kasamaan ang maaaring sumaling sa akin. (Subali't, ang katotohanan nito) Ako ay isa lamang tapapagbabala, at isang tagapaghatid ng Magagandang Balita para sa mga taong nananampalataya. …'"
Kung ang isang tao ay naniniwala lamang sa ilan at hindi pinaniniwalaan ang lahat ng Sugo at Propeta, siya ay nagkasala ng 'Kufr'' (kawalan ng pananampalataya) at siya ay itinuturing bilang isang taong lumisan sa relihiyon ng Islam. Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi, Qur'an, Kabanata An-Nisaa, 4:150-151;
"Katotohanan, yaong mga hindi nananampalataya sa Allah at sa Kanyang mga Sugo at nagnanais magbigay ng pagtatangi sa Allah at ng Kanyang mga Sugo na nagsasabing: “Kami ay naniniwala sa ilan (sa mga Sugo) subali’t tinatanggihan (namin) ang iba,” at (sila’y) nagnanais tumahak sa pagitang landas (ng paniniwala at kawalan ng paniniwala).[27] Ang katotohana’y sila ay hindi (tunay na) mga Mananampalataya. At Aming inihanda sa mga Kafirun ang isang kahiya-hiyang parusa.
5. Kabilang sa lipon ng mga Sugo ay ang mga tinatawag na "Ulul-A'zam" o sila ang mga may 'Matibay na Kalooban'. Sila yaong mga matatag na Sugo sa kanilang mga mamamayan na may katapatan at katiyagaan sa kanilang layunin. Kabilang sa hanay na ito sina Noah (Nuh), Ibraheem (Abraham), Musaa (Moises), Eisaa (Hesus) at si Muhammad, nawa'y purihin at itampok ng Allah (ﷻ) ang pagbanggit sa kanila at sila ay iligtas at maging ang kanilang pamilya sa anumang pagkukulang at pangalagaan sila mula sa anumang kasamaan'.
Ang unang sugo sa mga ito ay si Noah (u). Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi, Qur'an, Kabanata An Nisaa, 4:163;
"Katotohanan, Aming ipinadala ang Kapahayagan sa iyo (O Muhammad) katulad ng Aming pagpapadala ng kapahayagan kay Nuh (Noah) at sa mga Propeta pagkaraan niya. Amin (ding) ipinadala ang Kapahayagan kina Ibrahim (Abraham), Ishaq (Isaak), Ya’qub (Hakob), at Al-Asbat [ang mga supling ng labindalawang anak ni Hakob], Eissa (Hesus), Ayyub (Job), Yunus (Jonah), Harun (Aaron), at Sulaiman (Solomon); at kay Dawud (David) ay Aming ibinigay ang Zabur (Psalmo)."
Si Muhammad (ﷺ) ay siyang sagka at panghuling sugo at wala nang sugo na darating pa pagkaraan niya (ﷺ) hanggang sa Huling Sandali. Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi, Qur'an, Kabanata Al-Ahzaab, 33:40;
"Si Muhammad ay hindi ama ng sinuman sa inyong mga kalalakihan, nguni't Siya ang Sugo ng Allah at huli sa (kawing ng) mga Propeta. At ang Allah ang lagi nang Ganap na Maalam sa bawa't bagay."
Ang relihiyon ni Propeta Muhammad (ﷺ) ay ang katipunan o kabuuan ng mensahe ng Allah (ﷻ) para sa sangkatauhan, at ito ang nagpawalang-bisa sa mga naunang mga relihiyon. Ito ang ganap at pinakahuling relihiyon ng katotohanan na nararapat sundin at ito ay mamamalagi hanggang sa Huling Sandali.
Sino si Propeta Muhammad (ﷺ)?
Ang kanyang buong pangalan ay Muhammad bin[28] Abdullah bin Abdul-Muttalib bin Haashim (ﷺ), at ang kanyang 'kunyah'[29] ay Abdul-Qaasim. Siya ay mula sa tribu ng Qureish na ang mga ninuno ay nagmula kay 'Adnaan'. Si 'Adnaan' (u) ay mula sa mga anak ni Ismael (u), ang Propeta ng Allah at anak ni Abraham (u), ang 'Khaleel'[30] ng Allah (ﷻ). Ang Propeta (ﷺ) ay nagsabi;
"Katotohanang hinirang ng Allah ang tribu ng Kinaanah nang higit kaysa ibang tribu ng mga Anak ni Ismaael; Pinili Niya ang Quraish nang higit mula sa tribu ng Kinaanah; at pinili Niya ang Banu Haashim higit kaysa sa mga ibang angkan ng Quraish; at hinirang Niya ako mula sa Banu Haashim." (Iniulat ni Imam Muslim)
Natanggap niya (ﷺ) ang unang rebelasyon mula sa Allah (ﷻ) noong siya ay may apat-napung taong gulang at siya (ﷺ) ay nanirahan ng labing tatlong taon sa Makkah sa pagpapalaganap ng Kaisahan (Tawheed) ng Allah (ﷻ). Pagkaraan, nang siya ay humayo at nag-ibang bayan patungong Madeenah at siya ay nagpalaganap ng Islam sa mga naninirahan doon at ito ay kanilang tinanggap nang buong puso. At doon ipinahayag ang kabuuan ng pagbabatas (ang Qur'an). Nasakop niya (ﷺ) ang Makkah pagkaraan ng walong taon ng kanyang pag-likas sa Madeenah at siya (ﷺ) ay namatay sa gulang na animnaput-tatlo, matapos na maipahayag sa kanya ang kabuuan ng Qur'an. Ang buong pagbabatas ng relihiyon ay ipinahayag nang ganap na walang kakulangan, at tinanggap ang Islam ng lahat ng mga Arabo.
Ang Mga Mabubuting Bunga ng Paniniwala sa Mga Sugo at Propeta
1) Ating lubos na mauunawaan ang habag at pagmamahal ng Allah (ﷻ) para sa Kanyang mga alipin, sa dahilang nagpadala Siya (ﷻ) ng mga Sugo at Propeta upang ipaghayag ang Kanyang Relihiyon at sila ay nagbigay ng tunay na halimbawa kung papaano isakatuparan ang tamang pamumuhay bilang alipin at kung paano ipalaganap ang katotohanan ng kanilang mensahe.
2) Ating lubos na makikilala ang mga tapat at tunay na Mananampalataya mula sa ibat-ibang paniniwala sa dahilang tungkulin ng bawa't Mananampalataya na pag-aralan at maniwala sa mga ibang Propeta at Sugo na nakatala sa kanilang mga aklat.
3) Ating paniwalaan ang kani-kanilang Propeta at Sugo tulad ng paniniwala natin sa huling dumating na Propeta at Sugo ng Allah (ﷺ) na si Muhammad (Nawa'y purihin at itampok ng Allah (ﷻ) ang pagbanggit sa kanya) at silang yumakap sa Islam ay makatatanggap ng dalawang gantimpala.
Ang Paniniwala sa Huling Araw
Nararapat paniwalaan na ang buhay sa mundong ito ay may hangganan o may katapusan. Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi; Qur'an, Kabanata Ar-Rahmaan, 55:26;
"Ang lahat ng anumang naririto (nasa kalupaan) ay maglalaho."
Kapag naisin ng Allah (ﷻ) na ang mundong ito ay magwakas, ipag-uutos ng Allah (ﷻ) sa Anghel Israafeel (u) na kanyang hipan ang tambuli o trumpeta. Magkagayon, ang lahat ay mamamatay. Pagkatapos ay Kanyang ipag-uutos na kanyang muling hipan ito, at ang lahat ng tao mula sa kanilang libingan ay bubuhaying muli sa mismong sariling katawan, mula sa kapanahunan ni Adan (u). Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi, Qur'an, Kabanata Az-Zumar, 39:68;
"At kung ang Tambuli ay hihipan, at lahat ng nasa mga kalangitan at lahat ng nasa kalupaan ay maglalaho, maliban sa kanya na ninais ng Allah. At muling hihipan sa ikalawang pagkakataon, at pagmasdan! Sila ay magsisitindig, na nakatitig (naghihintay)."
Ang Iman (paniniwala) sa Huling Araw ay kinabibilangan ng paniniwala sa lahat ng bagay na ipinabatid ng Allah (ﷻ) at ng Kanyang Sugo (ﷺ) sa atin. Ang mga bagay na ito ay binubuo ng mga sumusunod;
1) Ang Paniniwala Sa Buhay Sa 'Barzakh'; ito ay magsisimula sa oras ng kamatayan ng tao hanggang sa Huling Araw na ang Takdang Oras ay magaganap. Sa panahong nasa Barzakh, ang isang mabuting Mananampalataya ay mabubuhay sa gitna ng kaligayahan at kasiyahan, samantalang ang mga walang pananampalataya ay mapaparusahan. Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi, Qur'an; Kabanata Al-Ghaafir, 40:46;
"Sa Apoy, sila ay isasalab dito, umaga at hapon. At sa Araw na yaon kapag ang (Takdang) Oras ay inihudyat na (ito ay sasabihin sa mga anghel): “Ilagay ninyo ang mga mamamayan ni Fir’awn (Paraon) sa pinakamahapding parusa.[31]”
2) Ang Paniniwala Sa Pagkabuhay Muli. Ito ang araw na bubuhaying muli ng Allah (ﷻ) ang lahat ng kanyang mga nilikha, na walang saplot sa katawan, nakayapak at hindi tuli. Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi, Qur'an, Kabanata At-Taghaabun 64:7;
"Silang Kafirun ay nag-aakala na sila ay hindi bubuhaying muli (sa Araw ng Paghuhukom). “Sabihin mo (O Muhammad) ako ay sumusumpa sa aking Rabb (Panginoon), na katiyakang kayo ay bubuhaying muli: at pagkaraan, sa inyo ay ipagbibigay-alam ang anumang inyong ginawa at yaon ay sadyang napakadali sa Allah.”
3) Ang Paniniwala Sa Araw Ng Pagtitipon. Ang lahat ng nilikha ay titipunin ng Allah (ﷻ) para sa pagsusulit. Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi, Qur'an, Kabanata Al-Kahf, 18:47;
"At (alalahanin) ang Araw na Aming papangyarihin na ang kabundukan ay gumuho (na tulad ng lumulutang na alikabok), at inyong makikita ang kalupaan na tulad ng pinatag na lupa, at sila ay Aming titipunin nang sama-sama upang walang maiwan kahit ni isa."
4) Ang Paniniwala Na Ang Tao Ay Ihaharap Sa Allah (ﷻ) Na Magkakahanay. Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi, Qur'an, Kabanata Al-Kahf, 18:48;
"At sila ay ihaharap sa iyong Rabb (Panginoon) sa mga hanay, (at ang Allah ay magpapahayag); 'Ngayon, katotohanang kayo ay dumating sa Amin na tulad nang unang paglikha Namin sa inyo…"
5) Ang Paniniwala Na Bawa't Bahagi Ng Katawan ng Tao Ay Sasaksi Sa Kanyang Sariling Gawa. Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi, Qur'an, Kabanata Al-Fussilat, 41:20-22;
"Hanggang, kung kanilang marating ito (ang Apoy ng Impiyerno) ang kanilang mga pandinig (tainga) at ang kanilang mga mata, at ang kanilang mga balat ay sasaksi laban sa kanila hinggil sa anumang kanilang palagiang ginagawa. At sila ay mangungusap sa kanilang sariling balat, “Bakit kayo sumasaksi laban sa amin ? Sila (mga balat nila) ay magsasalita: “Sapagka't pinapangyari ng Allah na kami ay magsalita tulad ng lahat ng bagay na pinapangyari Niyang (magkaroon ng kakayahang) magsalita: At Siya ang lumikha sa inyo (sa unang pagkakataon) at sa Kanya (rin), kayo ay ginawang manumbalik. At hindi lamang ninyo ninais na itago ang inyong mga sarili (sa mundo), baka ang inyong mga tainga, at mga mata, at ang inyong mga balat ay sumaksi laban sa inyo; subali’t inyong inaakala na hindi gaano nababatid ng Allah ang lahat ng inyong mga gawa."
6) Ang Paniniwala Sa Pagtatanong. Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi, Qur'an, Kabanata As-Saaffaat, 37:24-26;
"Nguni't, sila ay patigilin, katotohanan, sila ay tatanungin: Ano ang nangyayari sa inyo? Bakit hindi kayo magtulungan sa isa’t isa (na tulad ng ginagawa ninyo noon sa mundo)?” Ahh, nguni't, sa Araw na yaon, sila ay mangayuyupapa."
7) Ang Paniniwala Sa Siraat ('Tulay'), na ang lahat ay tatawid sa ibabaw nito. Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi, Qur'an, Kabanata Maryam, 19:71;
"At walang sinuman sa inyo ang hindi magdaraan (tatawid) sa ibabaw nito (Impiyerno); ito ay nasa kapasiyahan ng iyong Rabb (Panginoon), itinakda na kapasiyahan ng iyong Rabb (Panginoon) na marapat matupad."
8) Ang Paniniwala Sa Timbangan Ng Mga Gawa. Ang Allah (ﷻ) ay mananawagan sa lahat ng tao upang magsulit at bigyan ng gantimpala yaong gumawa ng kabutihan nang dahil sa kanilang Iman (pananampalataya) at pagsunod sa kanilang Sugo, at Kanyang parusahan yaong gumawa ng mga kasamaan. Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi, Qur'an, Kabanata Al-Anbiyaa, 21:47;
"At Aming itatatag ang mga timbangan ng Katarungan sa Araw ng Pagkabuhay Muli, kaya't walang sinuman ang hahatulan ng kawalang katarungan sa anupamang bagay. At kung mayroon mang (gawa) na ang timbang (ay kasingbigat) ng isang buto ng mustasa, ito ay Aming ibibigay. At Kami ay Sapat bilang Tagapagsingil."
9) Ang Paniniwala Sa Pag-abot Ng Talaan At Mga Aklat. Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi, Qur'an, Kabanata Al-Inshiqaaq, 84:7-12;
"Kaya't sinuman ang pagkalooban ng kanyang Talaan sa kanyang kanang kamay. Siya ay tiyak na bibilangan sa pinakamagaan na pagbibilang. At siya ay magbabalik sa kanyang angkan (na kapwa nananampalataya) nang may kagalakan. Nguni't sinuman ang pagkalooban ng kanyang Talaan sa kanyang likuran. Tiyak na kanyang hihilingin (o ipakikiusap) ang sariling kapahamakan (ng kanyang kaluluwa). At (siya ay) papapasukin sa naglalagablab na Apoy (at ipalalasap sa kanya ang hapdi (ng paso) ng pagkasunog."
10) Ang Paniniwala Na Ang Mga Tao Ay Gagantimpalaan Ng Jannah (Paraiso) o Ng Jahannam (Impiyerno) na doo'y mananahan nang walang hanggan. Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi, Qur'an, Kabanata Al-Bayyinah, 98:6-8;
"Katotohanan, silang Kafirun mula sa mga Angkan (na pinagkalooban) ng Kasulatan (Hudyo at Kristiyano) at sa Mushrikun[32], sila ay mamamalagi roon sa Impiyerno, sila ang pinakamasama sa mga nilikha, Katotohanan, silang naniniwala at gumagawa ng mabuti, sila ang pinakamabuti sa mga nilikha. Ang kanilang gantimpala mula sa kanilang Rabb ay ang Paraisong Ad'n (Eden, walang hanggan) na sa ilalim nito ay may mga ilog na umaagos, na kung saan sila ay mananahan doon magpakailanman. Ang Allah ay lubos na masisiyahan sa kanila at sila rin ay masisiyahan sa Kanya. Ito ay (gantimpala) para sa kanya na may takot sa kanyang Rabb."
11) Ang Paniniwala Sa 'Hawd'[33] At Shafaa'h (Pamamagitan) ([Intercession]) at sa lahat ng bagay na ipinahayag ng Sugo ng Allah (ﷺ).
Ang Mga Mabubuting Bunga ng Paniniwala sa Huling Araw
1) Ang magkaroon ng paghahanda sa Huling Araw tulad ng paggawa ng tuluy-tuloy na kabutihan at pagpapaligsahan sa mga ito, pumipigil at iniiwas ang sarili sa paggawa ng mga kasalanan dahil sa takot sa kaparusahan.
2) Ang magbigay ng inspirasyon sa mga Mananampalataya; sapagka't kung sila man ay hindi nagkaroon ng magandang buhay sa mundong ito, sila ay gagantimpalaan ng Allah (ﷻ) nang higit na kaginhawahan at kasiyahan sa Kabilang Buhay.
3) Ang makilala at bigyang pagkakaiba ang mga tapat na Mananampalataya sa mga hindi nananampalataya.
Ang Paniniwala sa 'Qadaa' at 'Qadar[34]'
Nararapat paniwalaan na nababatid ng Allah (ﷻ) ang lahat ng bagay bago pa man likhain ang mga ito at kung ano ang mangyayari o magiging kahihinatnan nila pagkaraan. Magkagayon, nilikha Niya ang lahat ayon sa Kanyang walang hanggang Kaalaman at Kasukatan (anyo, hubog, kulay, kalagayan at iba pa). Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi, Qur'an, Kabanata Al-Qamar, 54:49;
"Tunay na Aming nilikha ang lahat ng bagay na may kaukulang Qadar (tadhana na itinakda sa lahat ng bagay bago pa man sila likhain at ito ay nakatala sa Al-Lauh Al-Mahfouz, ang Iniingatang Talaan ng mga Gawa)."
Lahat ng pangyayaring naganap sa nakaraan, ang mga nangyayari sa kasalukuyan at ang mga mangyayari sa hinaharap ay ganap na nababatid ng Allah (ﷻ) bago pa man ito naganap. Pagkaraan, nilikha Niya ang lahat ng may buhay ayon sa Kanyang Kapahintulutan at Kasukatan. Ang Sugo ng Allah (ﷺ) ay nagsabi;
"Ang isang tao ay hindi itinuturing bilang Muslim maliban na siya ay maniwala sa Qadar, ang mabuti at masamang kinahinatnan. Dapat niyang malaman na anuman ang nangyari sa kanya ay nakatakda at hindi ito maiiwasan o malalagpasan (samakatuwid, sadyang nakatakdang mangyari para sa kanya), at anuman ang kanyang (inaakalang) nalagpasan o naiwasan ay sadyang hindi nakatakda na mangyayari sa kanya." (Inilahad ni Tirmidhi)
Ang Paniniwala sa Qadar ay nangangahulugan ng Paniniwala sa apat na sumusunod;
1) Ang maniwala na lubos na nababatid ng Allah (ﷻ) ang lahat ng bagay na nangyayari at ang Kanyang Kaalaman ay nakapalibot sa lahat ng bagay at walang nakalingid sa Kanya (ﷻ) kailanman.
2) Ang maniwala na naitala na ng Allah (ﷻ) ang lahat ng bagay na mangyayari at ito ay pinangangalagaan at iniingatan sa 'Al-Lawh Al-Mahfuz' (Ang Iniingatan Talaan). Ang Propeta (ﷺ) ay nagsabi;
"Ang unang nilikha ng Allah ay ang Panulat, at sinabi dito, "Ikaw ay magsulat…" at sumagot, 'Ano ang aking isusulat?' "Isulat mo ang lahat ng mangyayari hanggang sa Araw ng Pagkabuhay Muli." (Iniulat ni Abu Dawood)
3) Ang maniwala na walang pangyayari ang magaganap sa mga kalangitan o maging sa kalupaan maliban na ito ay sa Kapahintulutan ng Allah (ﷻ) at anuman ang hindi Niya pinahintulutan ay hindi magaganap o mangyayari.
4) Ang maniwala na ang Allah (ﷻ) ang Siyang lumikha sa lahat ng bagay. Walang ibang Manlilikha bukod sa Kanya, o walang ibang Rabb (Panginoon) bukod sa Kanya[35] (ﷻ).
Ang paniniwalang ito ay hindi sumasalungat sa katotohanan na ang isang tao ay nararapat na magpunyagi upang makamtan niya ang kanyang minimithi. Upang maipaliwanag ito, kung ang isang tao ay nagnanais na magka-anak, kinakailangan niyang gawin ang mga bagay na nararapat upang makamtan niya ang kanyang minimithing layon; tulad halimbawa na siya ay dapat na mag-asawa. Pagkaraang magawa niya ang lahat ng nararapat gawin, siya ay maaaring pagkalooban ng anumang kanyang nais o hindi. Sa ganitong dahilan, ang tao ay makapag-iisip na kung ano ang kanyang ginawa upang makamtan ang kanyang minimithing layunin, ito ay hindi sapat o tunay na dahilan bagkus ang katuparan ng minimithing layunin ay nasa kapahintulutan ng Allah (ﷻ). At ang tunay na katuparan ng ating mga layunin ay nakapaloob sa Takda ng Allah (ﷻ). Ang Propeta (ﷺ) ay nagpaliwanag nang magtanong ang kanyang mga Sahaabah;
"'O Sugo ng Allah, ang mga Ayat (talata) ng Qur'an na aming binibigkas at ang aming mga panalangin at ang mga gamot na aming iniinom para sa aming lunas ay magpapabago ba sa Qadar ng Allah? Siya ay sumagot, 'Ang mga ito ay mula sa Takda (Qadar) ng Allah.'" (Iniulat ni Hakim)
Ang Mga Mabubuting Bunga ng Paniniwala sa Qadaa at Qadar
1) Higit na maging matibay at matatag ang pagtitiwala sa Allah(ﷻ) (sa pag-asang makamtan ang mga minimithi) pagkaraang magampanan ang lahat ng pamamaraan.
2) Matututong tanggapin nang buong puso ang anumang nangyayari at ito ang nagbibigay ng kapanatagan sa puso at kasiyahan ng kaluluwa. Walang maiiwang bagabag, pag-alaala at kalungkutan na madarama sa anumang maging bunga ng mga pangyayari. Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi, Qur'an, Kabanata Al-Hadeed, 57:22-23;
"Walang sakuna (o masamang pangyayari) ang magaganap sa mundong ito at maging sa inyong mga sarili, maliban na ito ay nauna ng naitala sa Aklat ng Tadhana (Al Lauh Al Mahfuz) bago pa Namin pahintulutang ito ay maganap. Katotohanan, ito ay sadyang magaan sa Allah[36]. Upang kayo ay hindi maghinagpis sa mga bagay na hindi ninyo nakamtan, gayon din naman, huwag ipagyabang ang (mga biyayang) ipinagkaloob sa inyo. Hindi ninanais ng Allah ang mga mayayabang (at nagmamagaling)."
3) Magiging madaling maglaho ang anumang nadaramang sakit na dulot ng mga sakuna o masasamang pangyayari. Ang Propeta Muhammad (ﷺ) ay nagsabi;
"Ang malakas na Mananampalataya ay higit na minamahal ng Allah kaysa sa isang mahinang Mananampalataya bagama't ang bawa't isa ay may kabutihan. Ikaw ay maging masigasig sa anumang bagay na may pakinabang at hanapin ang tulong ng Allah at huwag maging pabaya sa paggawa. At kung may pinsalang dumating sa iyo, huwag mong sabihin ang, 'kung ginawa ko sana ang ganito, walang nangyaring di-maganda'. Datapwat sabihin ang: 'Ito ang Takda (Qadaar) ng Allah, na anuman ang nais Niyang mangyari ito ay magaganap (Qadarullah wa maa shaa fa'al),' sa katotohanan, ang salitang 'kung o sana' ay magbubukas sa daan ng Satanas." (Iniulat ni Muslim #2664)
4) Nadaragdagan ang gantimpala at nababawasan ang kasalanan. Ang Propeta (ﷺ) ay nagsabi;
"Walang Muslim na napapagod, nagkakasakit, nababagabag, nag-aalala o nababalisa, nalulungkot, at hindi inaalintana ang tinik na nakakatusok sa kanya maliban na ang mga ito ay nakababawas ng kasalanan." (Iniulat ni Imam Bukhari)
Ang paniniwala sa Qadar ay hindi tulad ng iniisip ng iba na nagtitiwala (o umaasa) sa Allah (ﷻ) nguni't hindi nagsisikap o nagtatangkang tuparin ang mga pamamaraan sapagka't ang Propeta ng Allah (ﷺ) ay sumagot sa isang taong nagtanong sa kanya (ﷺ);
"'Hahayaan ko na lamang ba na di-nakatali ang aking kamelyo at magtiwala na lang ako sa Allah? Ang sabi ng Propeta, 'Itali mo at magtiwala ka sa Allah.'" (Saheeh ibn Hibbaan)
Ang Pangangailangan ng Ikalawang Pagsaksi ('Muhammad (ﷺ) ay Sugo ng Allah')
1) Ang maniwala na siya ay isang Sugo, at siya ang pinakamabuti at huli sa kawing ng mga Sugo, at wala ng Sugo pang darating pagkaraan niya. Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi, Qur'an, Kabanata Al-Ahzaab, 33:40
"Si Muhammad ay hindi ama ng sinuman sa inyo, datapwa't siya ang Sugo ng Allah at Sagka (Huli) sa lahat ng mga Propeta…"
2) Ang maniwala na siya ay walang (nagawang) pagkakamali sa mga aral na kanyang ipinalaganap mula sa Allah (ﷻ). Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi, Qur'an, Kabanata An-Najm, 53:3-4;
"At hindi siya nagsabi (ng anuman) nang ayon sa kanyang sariling hangarin (tungkol sa Relihiyon). Ito ay isa lamang Inspirasyon (Kapahayagan) na ipinahayag sa kanya."
At para sa mga pangyayari sa mundong ito, siya ay tao lamang, at siya ay nagsasagawa ng Ijtihaad[37] sa kanyang mga paghatol. Ang Propeta Muhammad (ﷺ) ay nagsabi;
"Katotohanan ako ay isang tao lamang. Maaaring ang isa sa mga nagtatalo ay maghabol ng kanyang karapatan at lumapit sa akin na dumadaing, at sapagka't higit na mahusay ang pananalita ng kanyang katunggali, maaari ako ay nakapagbigay ng pagkiling sa paghatol ko. Sinuman ang nabigyan ng pagkiling samantalang nalalaman niyang siya ay mali, ang anumang kanyang tinanggap na hindi makatuwiran ay bahagi lamang ng Impiyerno, kaya't hayaan niyang tanggapin o hindi tanggapin ito." (Iniulat ni Imam Muslim)
3) Ang maniwala na siya ay isang Sugo para sa lahat ng nilikha, sa mga jinn at sa mga tao, hanggang sa Huling Oras. Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi, Qur'an, Kabanata Saba, 34:28;
"At ikaw (O Muhammad) ay hindi Namin isinugo maliban bilang Tagapaghatid ng Magagandang Balita at Tagapagbabala sa lahat ng Sangkatauhan, subali't karamihan sa tao ay hindi nakababatid (nito)."
4) Ang sumunod sa lahat ng ipinag-uutos ng Propeta Muhammad (ﷺ) at ang maniwala sa lahat ng kanyang sinabi o iniulat, at lumayo o umiwas sa kanyang mga ipinagbabawal at babala. Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi, Qur'an, Kabanata Al-Hashr, 59:7
"…Kaya't inyong kunin (o sundin) ang anumang iparating (o ipinag-utos) ng Sugo (ang Propetang si Muhammad), at anumang ipagbawal niya sa inyo, ito ay inyong iwasan…"
5) Ang tumalima at panghawakan ang Sunnah ng Propeta na walang pagdaragdag o pagbabawas (pagbabago) rito. Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi, Qur'an, Kabanata Al-Imraan, 3:31;
"Sabihin mo (O Muhammad sa sangkatauhan): “Kung (tunay nga na) inyong minamahal ang Allah, samakatuwid, sumunod kayo sa akin (tanggapin ang kaisahan ng Allah at sundin ang (mensahe ng) Qur’an at Sunnah14), kayo ay mamahalin ng Allah at patatawarin (Niya) ang inyong mga kasalanan. At ang Allah ay lagi nang Mapagpatawad, ang Maawain.”
Ano ang Dapat Gawin Pagkaraan ng Pagpapahayag ng 'Shahaadatain'?
Pagkatapos magpahayag ng Shahaadatain, ang mga sumusunod ay nararapat gawin nang ayon sa Sunnah ng Propeta Muhammad (ﷺ);
1) Iminumungkahi ang ganap na paliligo (Ghusl) at pagkatapos ay nararapat na magsagawa ng 'Salaah' ng dalawang rak'ah (yunit). (Sa isang Hadeeth) iniulat na si Thumaamah Al-Hanafi na nabihag (noong siya ay hindi pa Muslim) at ang Propeta ay palagiang nagtutungo sa kanya at nagsasabing;
"'Ano ang iyong masasabi, O Thumaamah?' Sinabi niya; 'Kung pagpasiyahan mo na ako ay iyong patayin, ang iyong pagpatay ay tama lamang, (nararapat) sapagka't ako ay pumatay, nguni't kung pakakawalan mo ako, ikaw ay nagpalaya ng isang taong marunong tumanaw ng utang na loob at mapagpasalamat, at kung kailangan mo ang kayamanan, ibibigay ko ang anumang iyong kahilingan.' Ang mga kasamahan ng Propeta ay minabuti ang pagtubos bilang bihag, kaya sila ay nagsabi; 'Ano ang ating mapakikinabangan kung siya ay ating patayin?' Sa huli, nagpasiya ang Propeta na palayain si Thumamaah, at dahil dito tinanggap niya ang Islam. Pinakawalan siya ng Propeta at ipinadala sa binakurang Hardin ni Abu Talha at siya ay sinabihan na maligo nang lubos. At siya ay nagsagawa nang buong paliligo at nag-Salaah ng dalawang rak'ah, at sinabi ng Propeta na; 'Ang inyong bagong kapatid sa Islam ay matapat." (Iniulat ni Ibn Khuzaimah)
Paano Isinasagawa ang Ghusl (Ganap na Paliligo) ?
· Ang Layunin (Niyyah), dapat magkaroon ng layunin (sa puso) ang isang taong magsasagawa ng Ghusl (ganap na paliligo) upang padalisayin ang sarili mula sa maruming kalagayan[38], maging ito man ay sa kalagayang Janaabah (pagkaraang makipagtalik sa asawa), sa pagkakaroon ng buwanang regla o mula sa pagdurugo sanhi ng panganganak (para sa mga kababaihan).
· Ang Pagsambit ng 'Bismillah', kailangang sabihin ang 'Bismillah' (ako ay magsisimula sa Ngalan ng Allah).
· Ang Paghuhugas ng mga kamay at paglinis ng dumi sa mga maseselang bahagi ng katawan.
· Ang Pagsasagawa ng 'Wudoo[39]' (ablution) tulad ng paglilinis na kinakailangan sa Salaah. Maaari niyang hugasan ang kanyang mga paa sa huling bahagi ng pagsasagawa ng Ghusl.
· Ang Pagbuhos ng tubig sa ulo ng (kahit na) tatlong sandakot (tabo) at gamitin ang mga daliri upang dumaloy nang maayos ang tubig sa lahat ng ugat ng kanyang buhok at maging malinis pati ang anit nito.
· At pagkatapos ay magbuhos ng tubig sa buong katawan (at haplusin ito) simula sa kanang bahagi (bago sa gawing kaliwa). Kailangan ang pag-iingat at tiyakin na makaabot ang tubig sa lahat ng bahagi ng katawan (tulad ng kili-kili, tainga, pusod at mga lukot na balat (sa mga taong matataba) na humaharang sa tubig upang makaabot ang lahat ng balat). At hugasan ang mga paa kung hindi pa ito ginawa sa pagsasagawa ng Wudoo (bago mag-Ghusl). Si Aa'ishah (t) ay nag-ulat;
"Kapag ang Propeta ay nagsasagawa ng Ghusl sanhi ng pagtatalik, una niyang hinuhugasan ang kanyang mga kamay, pagkaraan siya ay magbubuhos ng tubig sa kanang kamay para gamitin ng kaliwang kamay sa paghuhugas ng maselang bahagi ng katawan. Pagkaraan nito, siya ay magsasagawa ng 'Wudoo' tulad ng pagsasagawa niya para sa pagdarasal (As'Salaah), at pagkatapos siya ay kukuha ng tubig at ihahagod sa anit upang ang tubig ay dumaan sa mga ugat ng kanyang buhok sa pamamagitan ng kanyang mga daliri at sa huli huhugasan niya ang kanyang mga paa." (Iniulat ni Imam Muslim)
Ang Ghusl ay kinakailangang isagawa sa mga sumusunod na kalagayan;
1) Sa paglabas ng semilya sanhi ng pagnanasang sekswal, o ng panaginip at ng ibang mga kalagayang tulad nito.
2) Pagkatapos ng pagtatalik ng mag-asawa kahit walang lumabas na semilya.
3) Pagkatapos ng buwanang pagdurugo (regla ng babae).
4) Pagkatapos ng pagdurugo mula sa panganganak (ng babae).
Ang 'Wudoo'
Ang pagsasagawa ng 'Wudoo' ay kailangan bago mag-alay ng As-Salaah. Ang Propeta (ﷺ) ay nagsabi;
"Walang tinatanggap na Salaah kung walang paglilinis (Wudoo)." (Iniulat ni Imam Muslim)
At sinabi ng Allah (ﷻ), Qur'an, Kabanata Al-Maaidah, 5:6;
"O kayong Mananampalataya! Kung kayo ay maglayong magsagawa ng Salaah, hugasan[40] ang inyong mga mukha, mga kamay (braso) hanggang mga siko, haplusin ng basang kamay ang inyong mga ulo at hugasan ang inyong mga paa hanggang (sa hugpong ng) bukung-bukong…"
Ang pagsasagawa ng 'Wudoo' ay tulad ng pagkakaulat ni Homraan, ang alipin ni Uthmaan bin 'Affaan (t) na nagsabi;
"Nakita ko si 'Uthmaan' na nagsagawa ng Wudoo. Nagbuhos ng tubig sa kanyang mga kamay ng tatlong ulit, at nagmumog ng bibig at naglinis ng ilong, hinugasan ng tatlong ulit ang mukha, hinugasan ang kanang kamay hanggang sa itaas na bahagi ng siko ng tatlong ulit, hinugasan ang kaliwang kamay hanggang sa itaas na bahagi ng siko ng tatlong ulit, hinaplos nang minsanan ng basang kamay ang ulo, hinugasan ang kanang paa ng tatlong ulit at saka ang kaliwang paa ng tatlong ulit, at sinabi; 'Nakita ko ang Propeta na ginawa niya ang pag-Wudoo na tulad ng ginawa ko,' at sinabi rin niya; 'Sinuman ang nagsagawa nang ganito, katulad ng pagsasagawa ko ng Wudoo, at pagkatapos ay magdasal ng dalawang rak'ahs na walang inaalalang iba, patatawarin ng Allah ang lahat ng kanyang kasalanan.” (Iniulat ni Imam Bukhari)
Ang Pagsasagawa Ng Wudoo Ayon Sa Pagkakasunud-sunod
1) Niyyah. Ang Niyyah (layunin) ay kinakailangan bago magsagawa ng 'Wudoo' upang linisin ang sarili sa mga mumunting dumi. Ang patunay na kailangang magkaroon ng layunin (Niyyah) ay mula sa pananalita ng Propeta (ﷺ):
"Ang lahat ng mabubuting gawain ay batay sa layunin, at ang isang tao ay mabibigyan ng gantimpala ayon sa kanyang nilayon…" (Iniulat ni Imam Bukhari)
2) Bismillah. Ang pagbanggit ng 'Bismillah' (Sa Ngalan ng Allah), bago magsimulang mag-'Wudoo'. Ang Propeta (ﷺ) ay nagsabi:
"Walang pagdarasal (na tinatanggap) sa isang hindi nagsagawa ng Wudoo, at walang Wudoo sa isang hindi nagsabi ng 'Bismillah'". (Iniulat ni Abu Dawood)
3) Kailangang hugasan ang mga kamay ng tatlong ulit sa simula ng 'Wudoo', batay sa 'Hadeeth' ni Aws bin Aws Ath-Thaqafi (t) na nagsabi;
"Nakita ko ang Propeta ng Allah na naghugas ng kamay ng tatlong ulit sa pagsagawa ng 'Wudoo'." (Iniulat ni Imam Ahmad)
4) Kailangang magmumog ng bibig at linisin ang ilong sa pamamagitan ng pagsinghot ng tubig (nang dahan-dahan) mula sa kanang kamay at pagsingha na papalabas ang tubig sa pamamagitan ng kaliwang kamay.
5) Kailangang hugasan ang mukha ng tatlong ulit. Ang bahagi ng mukha ay magmula sa nuo hanggang sa ilalim ng baba (kasama ang mga balbas) at hanggang sa gilid ng mga tainga.
6) Kailangang hugasan ang mga kamay mula sa dulo ng mga daliri hanggang sa taas na bahagi ng siko, simula sa kanang kamay at isunod ang kaliwang kamay. Kung may nakasuot na relo o singsing, ito ay nararapat na alisin upang ganap na maraanan ng tubig ang balat sa ilalim ng mga ito.
7) Kailangan ang paghaplos ng mga basang kamay sa ulo nang minsanan. Ang paghaplos ng basang mga kamay sa buhok ay mula sa harap hanggang sa likod at pabalik ding paghaplos. Isinalaysay ni Abdullah Ibn Zaid (t),
"Inihaplos ng Propeta ang kanyang basang dalawang kamay sa kanyang ulo mula sa harap hanggang sa likod. Nagsimula siya sa itaas ng nuo at hinaplos hanggang sa itaas ng batok at ibinalik (na paghaplos din) hanggang sa bahaging pinagmulan." (Iniulat ni Ibn Khuzaimah, sa kanyang Saheeh)
8) Kailangang linisin ang mga tainga sa pamamagitan ng basang hintuturo (sa loob ng tainga) at ang pagkuskos sa labas ng tainga sa pamamagitan ng hinlalaki. Si Ibn Abbaas (t) ay naglarawan ng pagsasagawa ng Wudoo ng Propeta (ﷺ) ng ganito;
"Hinaplos niya ang kanyang ulo at (nilinis ang) mga tainga nang minsanan." (Abu Dawud)
Sa ibang salaysay, sinabi niya;
"Pagkatapos ay hinaplos niya ang kanyang ulo at ipinasok ang kanyang hintuturo sa loob ng kanyang mga tainga. Nilinis niya ang labas ng tainga sa pamamagitan ng hinlalaki at ang loob naman ay sa pamamagitan ng hintuturo." (Abu Dawud)
9) Kailangang hugasan ang mga paa ng tatlong ulit mula sa dulo ng mga daliri hanggang sa bukung-bukong. Si Abu Hurairah (t) ay nagsalaysay na nakita ng Propeta ang isang tao na hindi naghugas ng mga sakong at sinabi sa kanya;
"Kasawian sa mga sakong sa Impiyerno." (Iniulat ni Imam Muslim)
10) Ang pagsasagawa ng 'Wudoo' ay nararapat gawin ayon sa pagkakasunud-sunod tulad ng nabanggit sa itaas. Hindi maaaring gawing pasalungat ang pagkakasunud-sunod na paglilinis sa mga bahagi ng katawan. Tulad ng mga nabanggit sa 'ayat' (talata) ng Qur'an, ipinag-utos ng Allah (ﷻ) na dapat gawin ang 'Wudoo' ayon sa itinalagang pagkakasunud-sunod nito.
11) Kailangang isagawa ang Wudoo nang tuluy-tuloy at nasa itinalagang pagkakasunud-sunod nito bago matuyo ang huling bahagi ng katawan na hinugasan. (Hindi dapat hayaang matuyo ang hinugasang bahagi bago hugasan ang susunod na bahagi ng katawan) Sa isang Hadeeth, inilahad na;
"Nakita ng Propeta na hindi nabasa ang kaunting bahagi ng paa (na kasinglaki ng isang dirham) ng isang taong nagdarasal. Sa sandaling iyon pinagbilinan ng Propeta na ulitin ang 'Wudoo' nito at muling magsagawa ng Salaah (magdasal ulit)[41]." (Iniulat ni Abu Dawud)
Kailangang alisin muna ang anumang dumi sa mga bahagi ng katawan na huhugasan sapagka't ito ay maaaring makasagabal sa pagdaiti ng tubig sa balat, tulad ng pintura o anumang tulad nito.
Kailangang laging malinis at nasa kalagayan na 'Wudoo'. Ang mga sumusunod ay nagpapawalang-bisa ng 'Wudoo'; ang pag-ihi, pagdumi, pag-utot, paglabas ng semilya dahil sa pagnanasang sekswal, ang pagdurugo bilang hudyat ng buwanang regla (bago ang tunay o oras ng pagregla), sa sandaling hinawakan ang maselang bahagi ng katawan na walang nakasapin o hadlang, kapag nakatulog nang mahimbing at kung kumain ng karne ng kamelyo.
Ang 'Tayammum' o Paglilinis Nang Walang Tubig
Kung walang tubig na maaaring gamitin sa pagsasagawa ng 'wudoo' o 'ghusl', o kaya ay may pangyayaring humahadlang sa paggamit ng tubig, tulad ng maysakit o kaya ay hindi maaaring gumamit ng tubig sanhi ng kakulangan nito at mayroong higit na paggagamitan nito, ipinapahintulot ang pagsasagawa ng 'Tayammum'. Ang 'Tayammum' ay gumaganap bilang pamalit ng tubig sa paglinis mula sa maruming kalagayan. Katulad ng simula ng 'Wudoo' o 'ghusl', nararapat lamang na mayroong maliwanag na layunin at ang pagbanggit ng 'Bismillah' sa pagsasagawa nito tulad ng mga sumusunod;
1) Idampi sa malinis na lupa o buhangin ang dalawang palad ng kamay na nakaunat ang mga daliri.
2) Pagkatapos, ihaplos nang minsan ang mga palad sa mukha.
3) At ihaplos ng minsan ang mga palad sa mga braso hanggang sa pulso (una sa kanan at isunod ang kaliwa).
Ang 'As-Salaah' (Pagdarasal)
Pagkaraang magpahayag ng 'Shahaadah', isang tungkulin ang magsagawa ng pagdarasal (As-Salaah) ng limang ulit, sapagka't ito ang gulugod ng relihiyon, na kung ito ay hindi isinasagawa ng isang tao ang kanyang pagiging Muslim ay hindi maisasaalang-alang na ganap. Ang Propeta ay nagsabi; (nagbigay ng paghahalintulad ng relihiyon at sa kamelyo);
"Ang haligi ng Relihiyon ay ang Islam (ang Shahaadatain); na ang gulugod nito ay ang Salaah (Pagdarasal), at ang pinakamataas na bahagi nito, ay ang Jihad (pagkikipaglaban sa Landas ng Allah)[42]." (Iniulat ni Haakim)
Ang As-Salaah ay isang kataga na binubuo ng mga salita at gawa na nagsisimula sa pamamagitan ng pagbanggit ng 'takbeer' (pagbigkas ng 'Allahu Akbar', ibig sabihin, 'Ang Allah ay Dakila') at nagtatapos sa pagsabi ng 'tasleem' (As-Salaamu A'laykum wa Rahmatullaah).
Ang Mga Mabubuting Bunga ng Pagsasagawa ng As-Salaah
Kapag naitatag at napanatili ang pagsasagawa ng pagdarasal (Salaah), ito ay magdudulot ng mga sumusunod:
1) Ang Kasiyahang pang-espirituwal. Ang Salaah ay nagpapanatili ng ugnayan sa Allah (ﷻ) at ng Kanyang alipin. Ito ay isang sarilinan at tuwirang pakikipag-ugnayan sa Kanya, ang pagsusumamo nang may katapatan at buong pagpapakumbaba sa Kanya.
2) Ang Kapayapaan sa puso, at katahimikan. Ang Propeta Muhammad (ﷺ) ay nagsabi:
"Ang kaligayahan ko ay ang mahalin ang babae, at ang pabango at ang As-Salaah ay kasiyahan ng aking mga mata." (Mustadrak Al-Haakim)
3) Pinipigil ng Salaah ang isang tao mula sa paggawa ng lahat ng uri kasamaan, mga mahahalay at malalaswang gawain. Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi, Qur'an, Kabanata Al-Ankaboot, 29:45;
"Bigkasin mo (O Muhammad) ang anumang inspirasyon (ng Qur'an) na ipinahayag sa iyo, at magsagawa ng As-Salaah[43]; sapagka't ang Salaah ay pumipigil mula sa gawaing Al Fahsha at gawaing Munkar at ang pag-alaala (pagpuri) sa Allah ay higit na dakila. At ang Allah ay nakababatid kung ano ang inyong mga ginagawa."
4) Pinatitibay ng Salaah ang buklod ng pagmamahalan at pagkakaisa ng mga Muslim. Pinapawi at tinatakpan ang hidwaang panlipunang namamagitan sa kanila, sila ay sama-sama at magkakatabing nakatayo, bata at matatanda, mayaman at dukha, at nag-aral man o di-nag-aral. Lahat ng tao ay pantay-pantay, buong kababaang-loob na nasa harapan ng Allah (ﷻ), sa isang direksyon (ng Qiblah[44]), at sila ay sabay-sabay sa pagbigkas at pagganap sa mga rituwal ng pagsamba.
Ang Mga Takdang Oras ng As Salaah
Tungkulin ng mga Muslim ang pagdarasal ng limang ulit sa maghapon at gabi. Ang mga lalake ay nararapat magdasal nang sama-sama sa Masjid, maliban kung sila ay mayroong mabuting dahilan upang lumiban patungong Masjid, at ang mga babae ay higit na nararapat magdasal sa kani-kanilang bahay.
Ang Talaan ng As Salaah
Pangalan at Uri ng Salaah | Bilang ng Rak'ahs | Ang Oras | Bilang ng Sunnah ng Salaah[45] | |
1 | Dhuhr (Tanghali) Tahimik ang pagdarasal. | 4 | Nagsisimula ito pagkaraan ng ilang sandali matapos ang tanghaling tapat hanggang ang anino ng bagay o tao ay kasing-laki mismo ng kanyang taas (sukat). | 4 na rak'ahs bago ang Salatul-Dhuhr at 2 rak'ahs pagkatapos. |
2 | 'Asr (Hapon) Tahimik ang pagdarasal | 4 | Nagsisimula sa oras ng pagtatapos ng Dhuhr at nagtatapos bago lumubog ang araw. | Wala. |
3 | Maghrib (Takipsilim) Malakas ang pagdarasal | 3 | Nagsisimula kapag lumubog na ng ganap ang araw at nagtatapos kapag nawala na ang pulang kulay ng takipsilim. | 2-rak'ahs pagkatapos ng pagdarasal |
4 | 'Ishaa' (Gabi) Malakas ang pagdarasal | 4 | Nagsisimula ito pagkatapos ng oras ng Maghrib at nagtatapos sa unang busilak ng liwanag sa umaga. | 2-rak'ahs pagkatapos ng pagdarasal |
5 | Fajr (Bukang Liwayway) Malakas ang pagdarasal | 2 | Nagsisimula sa paglitaw ng bukang liwayway at nagtatapos bago sumikat ang araw. | 2-rak'ahs bago ang pagdarasal. |
Ang Sugo ng Allah (ﷺ) ay nagsabi:
"Ang oras ng Salat-ud'Dhuhr ay nagsisimula kapag ang araw ay bumababa mula sa kainitan (o katanghaliang tapat) nito hanggang ang anino ng tao ay maging kasing-laki ng kanyang taas hanggang hindi pa inaabutan ng oras para sa Salat-ul'Asr. Ang (iminumungkahing) oras ng Salat-ul' Asr ay hanggang ang araw ay magsimulang maging kulay dilaw (ang sinag nito at sa ganitong kalagayang, ang pagdarasal ay Makrooh[46]) Ang oras ng Salat-ul Maghrib ay nananatili hanggang ang kulay-pulang sinag sa alapaap ay maglaho. At ang oras ng Salat-ul-Isha ay nananatili hanggang sa hatinggabi, at ang oras ng Salat-ul-Fajr ay kapag ang liwanag ng bukang liwayway ay lumitaw hanggang ang araw ay magsimulang sumikat. Kung ang araw ay magsimulang tumaas, samakatuwid, umiwas sa pagdarasal sapagka't ito ay sumisikat sa pagitan ng dalawang sungay ng Satanas. (Iniulat ni Imam Muslim)
Ang Mga Pangunahing Patakaran ng 'Salaah'
Dapat malaman na ang 'Salaah' ay mayroong mga pangunahing patakaran, na kung ito ay hindi naisakatuparan, ang Salaah ay walang kabuluhan. Ito ay ang mga sumusunod;
1) Ang pagdarasal sa tamang oras.
2) Ang paglilinis mula sa mga maliliit o pangunahing karumihan. Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi, Qur'an, Kabanata Al-Maaidah, 5:6;
"O kayong Mananampalataya! Kung kayo ay maglayong magsagawa ng Salaah, hugasan[47] ang inyong mga mukha, mga kamay (braso) hanggang sa mga siko, haplusin ng basang kamay ang inyong mga ulo at hugasan ang inyong mga paa hanggang (sa hugpong ng) bukung-bukong. Kung kayo ay nasa kalagayan ng Janaba (pagkatapos ng pakikipagtalik) gawing dalisay ang inyong mga sarili (sa pamamagitan ng Ghusl [paliligo ng buong katawan])."
3) Kailangan ang katawan ay malinis mula sa anumang karumihan. Ang Propeta Muhammad (ﷺ) ay nagsabi;
"Mag-ingat kayong marumihan ng inyong pag-ihi, sapagka't ang karamihan sa mga napaparusahan sa libingan ay sanhi ng kanilang kawalang ingat sa pag-ihi." (Iniulat ni Daraqutni)
Panatilihing malinis ang kasuotan mula sa anumang dumi (tulad halimbawa ng tilamsik ng ihi, ang di-kaaya-ayang amoy nang dahil sa hindi maayos na paghuhugas pagkaraan ng tawag ng kalikasan). Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi;
"At maglinis ng iyong kasuotan." (Qur'an, Kabanata Al-Muddathir, 74:4)
Kailangang tiyakin na malinis ang lugar na pagdarasalan. Sa isang 'Hadeeth', naiulat na may isang 'Bedouin' na umihi sa tabi ng Masjid, at sa gayong ginawa, haharapin sana siya ng mga tao at pigilin, datapwa't sinabi ng Propeta (ﷺ):
"Hayaan siya at buhusan ng isang salok ng tubig ang kanyang pinag-ihian, sapagka't kayo ay napag-utusan na gawing magaan ang mga bagay at hindi upang maging mabigat." (Iniulat ni Imam Bukhari)
4) Ang pagtakip sa 'Awrah'[48]. Sa mga kalalakihan, ang bahagi ng Awrah ay mula sa pusod hanggang sa ilalim ng tuhod. Nguni't sa pagdarasal ang dalawang balikat ay kasama. At sa mga kababaihan, ang Awrah ay buong katawan, nguni't sa pagdarasal, maaaring hindi takpan ang mukha at mga kamay. Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi, Qur'an, Kabanata, Al-A'raaf, 7:31;
"O mga anak ni Adan! Maglagay ng palamuti (sa pamamagitan ng malinis na kasuotan), (sa oras ng pagdarasal)…"
5) Kailangang humarap sa (dakong gawi ng) Qiblah. Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi, Qur'an, Kabanata Al-Baqarah, 2:144;
"Katotohanan! Aming natanaw ang pagbaling ng iyong mukha sa dakong kalangitan (O Muhammad). Tunay na ikaw ay Aming ibabaling sa isang Qiblah (dakong pook ng pagharap sa Salaah [pagdarasal]) na magbibigay kasiyahan sa iyo, kaya’t iyong ibaling ang iyong mukha sa dakong kinaroroonan ng Masjid Al Haram (sa Makkah). At kahit saan man kayo naroroon, humarap sa dakong ito (sa Salaah [pagdarasal])."
Ang babaing may buwanang regla o may pagdurugo mula sa panganganak ay hindi maaaring magdasal hanggang hindi humihinto ang kanyang dugo. Pagkaraan ng pagdurugo, nararapat siyang maligo nang ganap (Ghusl) bago magsimulang magdasal, at magsagawa ng 'wudoo' sa bawa't 'Salaah' kung ito (Wudoo) ay nasira na. Ang mga nakaligtaang pagdarasal sa panahon ng pagdurugo ay hindi na kailangang bayaran pa.
Ang Paglalarawan ng Pagsasagawa ng 'Salaah'
1) Kailangan ang pagsasagawa ng 'wudoo' sa pamamagitan ng paggamit ng malinis na tubig, tulad ng ipinag-utos ng Allah (ﷻ); Qur'an, Kabanata Al-Maa'idah, 5:6;
"O kayong mga Mananampalataya! Kung kayo ay maglayong magsagawa ng Salaah, hugasan ang inyong mga mukha, mga kamay (braso) hanggang mga siko, haplusin ng basang kamay ang inyong mga ulo at hugasan ang inyong mga paa hanggang (sa hugpong ng) bukung-bukong…"
2) Kailangan ang pagharap ng kanyang buong katawan sa gawing kinaroroonan ng 'Qiblah', sa direksyon ng Ka'bah na may layunin (Niyyah) sa kanyang puso kung anong partikular na 'Salaah' ang dapat niyang isagawa. Hindi ito binibigkas nang malakas.
3) Kailangan ang pagbigkas ng 'Takbeerat-ul-Ihraam' sa pamamagitan ng pagsabing 'Allahu Akbar' (ang Allah ay Dakila). Habang binibigkas ang mga ito, ituon ang paningin sa dakong lugar ng pagpapatirapaan, kasabay ng pagtaas ng kanyang mga kamay na kapantay o katapat ng kanyang mga balikat o mga tainga, na ang mga palad ay nakaharap sa direksiyon ng 'Qiblah'.
4) Ilagay ang mga kamay sa dibdib, nakapatong ang kanang kamay sa kanyang kaliwang kamay na nakatapat sa hugpungan ng pulso at sabihin ang pambungad na panalangin (Du'aa-ul-Istiftaah):
"Subhaanak-Allahumma wa bi hamdika, wa tabaraak-Asmuka, wa ta'aala jaddukka wa laa ilaaha ghayruka."… Ang kahulugan ay:
"O Allah, Ikaw ay malayo sa lahat ng kakulangan (o kapintasan), Luwalhati sa Iyo, at lahat ng papuri ay nauukol sa Iyo. Pinagpala ang Iyong Pangalan, at Dakila ang Iyong Kapangyarihan at walang dapat sambahin maliban sa Iyo."
Pagkatapos sabihin ang;
"A'ooddhu billaahi min ash-Shaytaan ir-Rajeem. Bismillaah ir-Rahmaan ir-Raheem."… Ang kahulugan ay:
"Ako ay nagpapakupkop sa Allah laban sa isinumpang Satanas, sa Ngalan ng Allah, ang Mahabagin, ang Maawain."
Magsimulang bigkasin (o basahin) ang 'Surah Al-Faatihah', at pagkatapos ay sundan ito ng pagsasabi ng 'Aameen', at ito ay binibigkas nang malakas sa mga dasal na malakas (Fajr, Maghrib at Ishah) at binibigkas nang tahimik sa mga dasal na tahimik. Pagkaraan nito, dapat na bumasa o bumigkas ng ibang 'Surah' (kabanata) mula sa Qur'an.
5) Pagkatapos ng pagbigkas o pagbasa, nararapat na yumuko ('Rukoo'), at bago ang pagyuko, sabihin ang ;
"Allahu Akbar"… Ang kahulugan ay: "Ang Allah ay Dakila"
Nararapat niyang itaas ang kanyang mga kamay hanggang sa balikat o kapantay ng kanyang mga tainga. Pagkatapos ay yumuko (Rukoo) at tiyakin na magkapantay ang likod at ang ulo. Sa pagkakayukong ito, ang mga kamay ay nakahawak sa mga tuhod na tukop ng mga daliri, pinananatiling malayo ang mga siko sa tagiliran ng katawan. Sa ganitong katayuan, nararapat sabihin nang tatlong ulit ang;
"Subhaana Rabbiy-al-adheem"… Ang kahulugan ay:
"Kaluwalhatian sa aking Rabb (Panginoon), ang Kataas-taasan (Sadyang malayo sa anumang kakulangan.)"
6) Tumayo sa pagkakayuko (mula sa Rukoo) kasabay ng pagtaas ng mga kamay kasing-pantay ng balikat o tainga at magsabi ng;
"Sami'Allahu liman Hamidah."…Ang kahulugan ay:
"Dinidinig ng Allah ang sinumang pumupuri sa Kanya."
Maging siya man ay nagdarasal ng mag-isa o siya ang namumuno (Imam) sa pagdarasal, nararapat niyang sabihin ito.
Pagkaraan na siya ay ganap nang nakatayo mula sa pagkayuko, dapat niyang sabihin ang;
"Rabbanaa wa lak-al-Hamd."… Ang kahulugan ay:
"Aming Rabb (Panginoon), ang lahat ng Papuri ay nauukol lamang sa Iyo."
Kung siya ay nagdarasal sa likod ng Imaam[49], ang dapat niyang sabihin ay habang tumatayo ang;
"Rabbanaa wa lak-al-Hamd."… Ang kahulugan ay:
"Aming Rabb (Panginoon), ang lahat ng Papuri ay nauukol lamang sa Iyo."
Ipinapayo na ilagay ang mga kamay sa ibabaw ng dibdib tulad ng naunang pagtayo bago ang 'Rukoo'.
7) Pagkatapos ay ang pagpapatirapa (Sujood), at sabihin ang;
"Allahu Akbar."… Ang kahulugan ay: "Ang Allah ay Dakila."
Hindi niya dapat itaas ang mga kamay (na pantay ang mga balikat o mga tainga). At magpatirapa, na nakalapat sa sahig o lupa ang nuo, ilong, ang dalawang palad, ang mga tuhod at ang mga daliri ng mga paa. Ang mga daliri ng mga kamay at mga paa ay nararapat nakaharap sa direksiyon ng 'Qiblah'. Ang mga daliri ng mga kamay ay dapat magkakadikit at hindi dapat nakaladlad nang hiwa-hiwalay. Kailangan malayo ang mga siko mula sa kanyang tagiliran ng katawan. Hindi dapat nakadikit ang mga tuhod sa tiyan, at hindi dapat nakadikit ang mga hita sa mga binti (ng paa), hindi dapat nakadaiti ang mga siko at mga kamay sa lupa, at sa gayong kalagayan, sabihin ng tatlong ulit ang;
"Subhaana Rabbiy-al-A'laa"… Ang kahulugan ay:
"Kaluwalhatian sa aking Rabb (Panginoon), ang Kataas-taasan (at sadyang malayo sa anumang kakulangan)."
Sa ganitong kalagayan (Sujood), mas mainam ang pagsusumamo at pagluhog nang mataimtim[50] sa Allah (ﷻ), sapagka't ang sabi ng Propeta (ﷺ);
"Sa kalagayan ng 'Rukoo', purihin nang labis ang inyong Rabb (Panginoon), at sa 'sujood' na katayuan, magsumamo nang maraming ulit hanggang kaya ninyo, sapagka't (ito ang kalagayan na) malaki ang pag-asa na ito ay Kanyang tanggapin." (Iniulat ni Imam Muslim)
8) Mula sa 'Sujood' na kalagayan, iangat ang ulo at sabihin ang 'Allahu Akbar', at hindi na itinataas ang mga kamay habang sinasabi ito. Sa pagkakaupo, ang mga daliri ng kaliwang paa ay nakaturo sa kanan at itukod ang mga daliri ng kanang paa na nakaharap sa direksiyon ng 'Qiblah', ilagay ang mga palad sa mga hita at tuhod at sabihin ng tatlong ulit ang;
"Rabbighfir li"… Ang kahulugan ay:
"O Rabb (Panginoon), patawarin Mo ako."
Karagdagan nito, maaaring magsabi ng;
"Allahuma-aghfir li, warhamni, wahdini, warzuqni, wa 'aafini, wajburni."
Ang kahulugan ay:
"O Allah, patawarin Mo ako, kahabagan Mo ako, tulungan Mo ako, patnubayan Mo ako, biyayaan Mo ako at pagalingin at palakasin Mo ako sa aking kahinaan."
9) Pagkatapos nito, isagawa ang pangalawang 'Sujood' (pagpapatirapa) at sabihin ang 'Allahu Akbar' na hindi itinataas ang mga kamay. At sabihin at gawin ang ginagawa sa unang 'Sujood'.
10) Pagkatapos, iangat ang ulo (mula sa Sujood) at marahang tumayo mula sa 'Sujood' (pagkapatirapa) habang sinasabi ang 'Allahu Akbar' na hindi itinataas ang mga kamay at habang tumatayo maaaring umalalay ang mga kamay o tuhod sa pagtayo.
Ang ikalawang 'Rak'ah' (yunit) ay isinasagawa katulad ng ginawa sa unang 'Rak'ah', ang pagbigkas o pagbasa ng Surah Al-Faatihah mula sa Qur'an.
11) Kung ang isinasagawang pagdarasal (Salaah) ay binubuo ng dalawang 'Rak'ah', tulad ng 'Fajr', 'Jumu'ah' o 'Eid', pagkatapos ng ikalawang 'Sujood', nararapat na upuan ang kaliwang paa at ang kanang paa naman ay hayaang nakatuwid sa lapag o lupa. Ipatong ang mga kamay sa mga hita (ang kanang kamay sa kanang hita at ang kaliwang kamay ay sa kaliwang hita) at bigkasin o basahin sa mahinang tinig ang Tashahhud (Una at Huling Bahagi) habang ang kanang hintuturo ay nakaturo sa 'Qiblah', bilang tanda ng 'Tawheed' (Kaisahan ng Allah):
Unang Bahagi ng Tashahhud
"At-tahiyyaatu lillaahi, was-salawaatu, wat-tayyibaatu, as-Salaamu 'alayka 'ayyuhan-Nabiyyu, wa rahmatullaahi wa barakaatuh. As-Salaamu 'alaynaa wa 'alaa 'ibaad-illahh-is-saaliheen. Ash-hadu an laa ilaaha ill-Allah, wa ashhadu anna Muhammadan 'abduhu wa rasooluh.
Ikalawang Bahagi ng Tashahhud
Allahumma salli 'alaa Muhammad wa 'alaa Aali Muhammad kamaa sallayta 'alaa Ibraheem, wa 'Aala Ibraheem innaka Hameedum-Majeed. Wa baarik 'alaa Muhammad wa 'alaa Aali Muhammad kamaa baarakta 'alaa Ibraheem, wa 'alaa Aali Ibraheem, innaka Hameedum-Mujeed."
Ang kahulugan ay:
Unang Bahagi ng Tashahhud
"Ang lahat ng mga salita na papuri at pagluwalhati at ang lahat ng pagdarasal at mga gawang pagsamba at mga dalisay na pananalita at katangian ay nauukol lamang sa Allah. Nawa'y itaas ng Allah ang pagbanggit sa iyo , O Propeta. At nawa'y ang katiwasayan at kapayapaan ay ipagkaloob sa atin at sa lahat ng matutuwid na alipin ng Allah. Ako ay sumasaksi na walang ibang diyos na dapat sambahin maliban sa Allah, at ako ay sumasaksi na si Muhammad ay Sugo ng Allah.
Ikalawang Bahagi ng Tashahhud
O Allah, itampok Mo si Muhammad at ang mga tapat na tagasunod ni Muhammad, katulad ng pagtampok Mo kay Ibrahim at ang mga tapat na Tagasunod ni Ibrahim. Ikaw ang kapuri-puri, ang Maluwalhati. O Allah, pagpalain mo si Muhammad at ang mga tapat na tagasunod ni Muhammad, tulad ng pagpapala Mo kay Ibrahim at mga tapat na tagasunod ni Ibrahim. Ikaw ang Kapuri-puri, ang Maluwalhati.
Pagkatapos sabihin nang mahina ang mga sumusunod, pagpapakupkop sa Allah (ﷻ) mula sa apat na bagay;
"Allaahumma innee a'udhu bika min 'adhaabi jahannam, wa min 'adhaab-il-qabr, wa min fitna il-mahyaa wal-mamaat, wa min fitna il-maseeh id-Dajjaal."
Ang kahulugan ay:
"O Allah ako ay nagpapakupkop sa Iyo mula sa parusa ng Impiyerno, sa parusa ng Libingan, sa mga Pagsubok sa Buhay at Kamatayan at mula sa pagsubok ng Masihid-Dajjal (Bulaang Kristo)."[51]
Sa kalagayang ito, maaaring magsumamo at manalangin sa Allah (ﷻ) ng kahit na anumang nais at hangarin ang mga mabubuting bagay sa mundong ito at sa Kabilang Buhay[52].
12) Sa pagtatapos, nararapat na gawin ang Tasleem sa pamamagitan ng pagbaling ng mukha sa kanan at sabihin ang ;
"As-Salaamu 'alaykum wa Rahmatullaah."…Ang kahulugan ay :
"Sumainyo nawa ang Kapayapaan, Kaligtasan at Habag ng Allah."
At pagkatapos ay ibaling ang mukha sa kaliwa at sabihing muli ang 'Tasleem'; "As-Salaamu 'alaykum wa Rahmatullaah."
13) Ang inilarawan sa itaas ay ang pagdarasal na binubuo ng dalawang 'rak'ah'. Kung nagdarasal ng Maghrib o 'Asr o 'Dhuhr' o kaya ay 'Ishaa', pagkatapos sabihin ang Unang Bahagi ng Tashahhud, (Ash-hadu an laa ilaaha ill-Allah wa ash-hadu anna Muhammadan 'Abduhu wa Rasooluhu), kailangang tumayong muli para isagawa ang ikatlong Rak'ah (para sa Salatul Maghrib) at hanggang sa ika-apat na 'Rak'ah' (para naman sa Salatul-'Asr o Salatul-'Dhuhr' o Salatul-'Ishaa'). Sa pagtayo (sa ikatlong Rak'ah), laging itaas ang mga kamay kapantay ng balikat o katapat ng mga tainga at sabihin ang 'Allahu Akbar'. Tulad ng ginawa noong una, ang mga kamay ay dapat na nasa tapat ng dibdib, at nakapatong ang kanang kamay sa kaliwang kamay, at bigkasin o basahin ang 'Surah Al-Faatihah'. Dapat niyang gawin ang tulad ng naunang ginawa sa mga naunang mga Rak'ah (ayon sa pagkakasunud-sunod), at pagkaraan ay umupo para bigkasin ang kabuuan ng 'Tashahhud' (ang una at ikalawang bahagi nito), at bigyang wakas ang pagdarasal sa pamamagitan ng 'Tasleem'.
Ang Mga Kusang-Loob na Salaah (As-Sunan-ur-Rawaatib);
Mayroong mga Salaah na tinatawag na 'as-Sunan-ur-Rawaatib', na sa pagsasagawa nito ay mayroong karagdagang gantimpala na matatamo at nagbibigay ng daan upang tumaas ang katayuan ng isang tao sa Paraiso. At sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga ito, napupunan ang ating pagkukulang sa mga itinakda o ubligadong Salaah (Fard) pagdarasal na nakatala sa naunang mga pahina nito sa itaas (Talaan ng 'Mga Oras ng Salaah').
Ang Mga Oras na Ipinagbabawal ang Salaah
Ang mga kusang-loob na pagdarasal ay maaaring isakatuparan sa anumang oras maliban sa mga partikular na oras na ipinagbabawal ang pagdarasal na sinabi mismo ng Allah (ﷻ) at ng Kanyang Sugo (ﷺ). Ito ang mga sumusunod:
1) Pagkatapos ng pagdarasal ng 'Fajr' hanggang sa pagtaas ng sinag ng araw na ang sukat nito ay tulad ng isang sibat[53].
2) Sa pagsapit ng tanghaling tapat hanggang sa pagbaba nito.
3) Pagkatapos ng pagdarasal ng 'Asr hanggang sa paglubog ng araw.
Ang 'Zakaah'
Isa sa mga tungkulin ng Muslim ay ang pagbabayad ng 'Zakaah' (itinakdang Kawanggawa) sa mga karapat-dapat na makatanggap nito. Ang Zakaah ay isa sa mga karapatan ng Allah (ﷻ) na ipinatutupad sa mga Muslim bilang tulong na dapat ipamahagi sa kanilang mga kapatid na nangangailangan upang sila ay makaiwas sa kahihiyan ng paghingi o pagpapalimos at sa gayon, kanilang mapanatili ang kanilang marangal na pamumuhay. Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi, Qur'an, Kabanata Al-Bayyinah, 98:5;
"At sila ay hindi napag-utusan maliban na sila ay sumamba (lamang) sa Allah, maging matapat sa pananampalataya sa Kanya, maging matuwid at magsagawa ng Salaah (pagdarasal), at magbigay ng Zakaah (kawanggawa), ito ang tunay (at tuwid) na pananampalataya."
Ang Zakaah ay itinakda at ipinag-utos nang may kaakibat na mga mahahalagang Kaalaman at Kadahilanan. Ang mga sumusunod ay kabilang sa mga ito;
1) Ang Zakaah ay isang paraan na ginagawang dalisay ang kaluluwa ng mga mayayamang Muslim at inilalayo sila sa pagiging gahaman, ganid, maramot at upang sila ay hindi mabulid sa pagmamahal sa panandalian at makamundong buhay.
2) Ang Zakaah ay isang paraan na ginagawang dalisay ang kaluluwa ng mga mahihirap mula sa poot at paninibugho na maaaring maramdaman nila laban sa mga mayayaman. Subali't nang dahil sa pagsasakatuparan ng Zakaah, nakikita ng mga mahihirap ang paglingap na ginagawa ng mga mayayaman sa kanila at nadarama nila na isinasakatuparan nila ang ipinag-uutos ng Allah (ﷻ) sa pamamagitan ng patuloy na pagmamalasakit at magandang pakikitungo sa kanila.
3) Ang Zakaah ay nagbibigay ng magandang pagkakataon sa mga Muslim na paunlarin ang kanilang mabubuting pag-uugali tulad ng pagbibigay ng kawanggawa, at higit na nagpaparaya sa kapwa nang higit sa mismong sarili.
4) Ang Zakaah ay isang paraan ng pagpawi ng kahirapan mula sa pamayanan ng mga Muslim at inilalayo sila sa anumang masasamang gawain tulad ng pagnananakaw, pagpatay at ang mga gawaing paglabag laban sa dangal ng mga tao. Ito ay nagdudulot ng ibayong sigla sa diwa ng pagdadamayan at pagkakapatiran sa buhay sa pamamagitan ng pagsasakatuparan ng mga ipinag-uutos ng Islam at ng mga pangangailangan ng pamayanang Muslim sa kabuuan.
5) Ang pagbibigay ng Zakaah ay isang paraan ng pagpapalaganap ng Islam sa buong mundo. Sa pamamagitan nito, nakikita ng mga di-Muslim ang kagandahan ng Islam at umaasang ito ay kanilang tatanggapin at isabuhay.
Ang Mga Pangunahing Patakaran ng 'Zakaah'
1) Ang Itinakdang Pamantayan o Nisaab. Kung ang mga ari-arian o yaman ay umaabot sa itinakdang pamantayang halaga o 'Nisaab' na ang halaga nito ay katumbas ng walumpot limang (85) gramo ng ginto, samakatuwid, ito ay sumasaklaw sa pamantayang itinakda ng Zakaah batay sa batas ng Islam.
2) Ang Paglagpas ng Isang Taon. Kung ang mga ari-arian ng Muslim ay umabot sa 'Nisaab' sa loob ng isang taon, samakatuwid, ang pagbabayad ng Zakaah ay nararapat na tuparin.
Ang Mga Taong Karapat-dapat Tumanggap ng 'Zakaah'
Binanggit ng Dakilang Allah (ﷻ) sa Qur'an yaong mga taong karapat-dapat tumanggap ng Zakaah, Kabanata At-Tawbah, 9:60;
"As-Sadaqah (ang Kawanggawa) ay para lamang sa mga Fuqara (dukha) at Al-Masakin (maralita) at yaong mga kawaning naglilikom (ng kawanggawa) at sa mga taong ang mga puso ay malalapit (sa Islam); at sa pagpapalaya ng mga bilanggo at sa mga may pagkakautang; at sa Landas ng Allah (Mujahideen na nakikipaglaban) at sa mga Naglalakbay (na nawalan ng kakayahang magpatuloy sa paglalakbay); isang tungkulin sa Allah. At ang Allah ay Lubos na Maalam, ang Tigib ng Karunungan."
Ang Mahahalagang Puna
1) Walang Zakaah na dapat bayaran sa mga ari-ariang ginagamit sa sarili, tulad ng bahay, mga muwebles o kasangkapan, mga sasakyan at mga alagang hayop na sinasakyan (tulad ng kabayo, asno at iba pa).
2) Walang Zakaah na dapat bayaran sa mga paupahang ari-arian tulad ng mga auto, bahay o apartment, tindahan at sa mga tulad nito. Ang binabayarang Zakaah ay yaon lamang bayad sa paupahan, kasama ang iba pang ari-ariang umabot sa pamantayan (Nisaab) ng Zakaah at nanatili sa kanya bilang kanyang pag-aari sa loob ng isang taon.
Ang Sawm (Pag-aayuno) sa Buwan ng 'Ramadhan'
Kailangang mag-ayuno ang isang Muslim sa buwan ng Ramadhan, sa bawa't taon. Nararapat na umiwas sa lahat ng bagay na makasisira sa pag-aayuno, tulad ng pagkain, pag-inom at pakikipagtalik ng mag-asawa mula sa oras ng pagtawag o hudyat ng 'Salatul-Fajr' hanggang sa pagtawag o hudyat ng pagsapit ng 'Salaatul-Maghrib' bilang tanda ng pagtalima o pagsunod sa kautusan ng Allah (ﷻ). Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi, Qur'an, Kabanata Al-Baqarah, 2:183;
"O kayong Mananampalataya (mga Muslim)! Ang (pagsasakatuparan ng) Sawm[54] (pag-aayuno) ay ipinag-uutos sa inyo katulad ng ipinag-utos sa mga nauna sa inyo upang kayo ay maging Muttaqun[55] ..."
Ang layunin ng pag-aayuno ay hindi lamang nakatuon sa pagpipigil sa mga makamundo at mga pagnanasa ng katawan na nakakasira sa pag-aayuno, bagkus, higit sa lahat, nararapat ding umiwas sa mga bagay na makababawas (ng gantimpala) sa panahon ng pag-aayuno tulad ng pagsisinungaling, paninirang puri, pang-aalipusta, pandaraya, at mga kasuklam-suklam na asal. Dapat tandaan na tungkulin ng mga Muslim ang pag-iwas sa lahat ng mga hindi magandang gawain at pagsasalita sa lahat ng oras kahit hindi pa sa buwan ng Ramadhan, nguni't higit sa buwan na ito, katulad ng sinabi ng Propeta (ﷺ):
"Hindi kailangan ng Allah ang pag-iwas sa pagkain at inumin (ang pag-aayuno) ng isang Muslim kung ito ay hindi umiiwas sa mga maling gawain at mga salita." (Iniulat ni Imam Bukhari)
Maraming mga dahilan at mga makabuluhang kaalaman kung bakit ipinatupad ang pag-aayuno, tulad ng mga sumusunod;
1) Ang pag-aayuno ay isang banal na pagsasanay sa mga Mananampalataya, na ang kanyang kaluluwa ay nagsasagawa ng 'Jihad[56]' laban sa mga masasamang hangarin at pagnanasa.
2) Ang pag-aayuno ay nagpapatatag sa kaluluwa ng isang Muslim upang ito ay mangibabaw laban sa lahat ng mga nakakasakit na pananalita at mga gawain. Ang Propeta (ﷺ) ay nagsabi:
"Kung ang isa sa inyo ay nag-aayuno, hindi siya dapat magsalita ng masasama at hindi siya dapat humiyaw o manigaw, at kung siya ay inaaway, nararapat niyang sabihin na, 'Tunay! na ako ay taong nag-aayuno'. (Iniulat ni Imam Bukhari)
3) Sa oras ng pag-aayuno, mapagtatanto at madarama ng isang tao ang hirap na dinaranas ng kanyang mga kapatid sa mga panahon ng paghihikahos at ito ang nagtutulak sa kanya upang tuparin ang mga karapatan, at maging maawain at matulungin sa kanila. At sa gayon, maipagkakaloob niya ang mga pangunahing pangangailangan at kapakanan nito nang dahil sa pagmamahal at pagsunod sa Dakilang Allah (ﷻ).
Ang Mahahalagang Puna
Hindi pinahihintulutan ang pag-aayuno sa babaeng dinatnan ng buwanang regla o ang isang babaing dumaranas ng pagdurugo sanhi ng panganganak hanggang ang mga ito ay makalipas. Sa oras na ang pagdurugo ay mawala, dapat siyang maligo nang ganap bago magsimulang isagawa ang mga nakaligtaang mga araw ng pag-aayuno. Kung ang isang tao ay maysakit o naglalakbay, siya ay maaaring hindi mag-ayuno sa araw na iyon, datapwa't nararapat niyang bayaran ito sa mga darating na araw[57].
Ang Hajj (Paglalakbay sa Makkah)
Ang pagsasagawa ng Hajj ay isang tungkulin ng isang Muslim minsan sa kanyang tanang buhay. Ang Hajj ay isang banal na paglalakbay sa Banal na Tahanan ng Allah (ang Ka'bah) upang magsagawa ng mga itinakdang rituwal sa mga partikular na pook at partikular na oras. Ang haliging ito ng Islam ay isang takdang tungkulin at nararapat gampanan ng lahat ng mga Muslim, lalake man o babae, na nasa tamang pag-iisip at tamang gulang, (mula sa gulang ng pagbibinata o pagdadalaga) at may sapat na kakayahang pangkalusugan at pananalapi. Sa isang Muslim na may sapat na pananalapi nguni't may karamdaman na sadyang humahadlang sa kanyang pagsasagawa ng Hajj, siya ay maaaring magtalaga ng isang tao upang magsagawa ng Hajj para sa kanya. Datapwa't kung ang kanyang nakalaang gugugulin ay sapat lamang sa kanilang mga pang-araw-araw na pangangailangan, hindi sapilitan sa kanya ang pagsasagawa ng Hajj. Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi, Qur'an, Kabanata Al-Imraan, 3:97;
"Dito (ay matatagpuan) ang mga malilinaw na Ayat (mga palatandaan—kabilang rito) ang Maqam[58] ni Ibrahim (Abraham). At sinumang humayong pumasok dito ay kanyang makakamtan ang kaligtasan. At ang Hajj sa Tahanan (Kaba’ah) ay isang tungkulin (na dapat gampanan) ng sangkatauhan sa Allah, yaong may kakayahang gumugol (ng kanilang paglalakbay). At sinuman ang magtakwil (tungkol dito), samakatuwid, ang Allah ay walang pangangailangan ng anuman sa sinuman sa Kanyang mga nilikha ('Alamin) (sangkatauhan, Jinn at lahat ng nilikha).
Maraming mga makatuwirang kaalaman at kadahilanan kung bakit ipinag-uutos ang Hajj, ang mga ilan sa mga ito ay ang mga sumusunod;
1) Upang madagdagan ang kanyang mga mabubuting gawa nang dahil sa kanyang tapat na pagsunod at pagtalima sapagka't ang pagsasagawa ng Hajj na tinanggap ng Allah (ﷻ) ay walang anupamang gantimpala maliban ang pagpasok sa Jannah (Paraiso). Ang Propeta ng Allah (ﷺ) ay nagsabi;
"Ang 'Umrah[59]' na sinundan pa ng iba ay pumapawi ng mga maliliit na kasalanan na nagawa sa pagitan ng mga ito (Umrah) at ang gantimpala ng katanggap-tanggap na Hajj ay walang iba kundi ang Jannah (Paraiso)." (Iniulat ni Imam Bukhari)
2) Upang maipadama ang pagkakaisa ng mga Muslim, sapagka't ang Hajj ay siyang pinakamalaking Islamikong pagtitipon. Ang mga Muslim sa buong mundo ay nagkakatipun-tipon sa isang lugar at oras, tumatawag (dumadalangin at nagsusumamo) sa iisang Rabb (Panginoon), nakasuot ng isang anyo ng kasuotan at nagsasagawa ng isang pamamaraan ng mga rituwal o seremonya. Hindi makikita rito ang pagkakaiba ng mga mayayaman o mahihirap, ang may pinag-aralan o wala, at ang puti at itim (na balat), at ang Arabo o hindi Arabo. Ang lahat ay sama-sama sa harap ng Allah (ﷻ); walang pagkakaiba sa kanila maliban ang antas ng kabanalan (Taqwaa). Ang Hajj ay isang pagdiriwang ng mga Muslim na nagbibigay-diin sa diwa ng Pagkakapatiran ng lahat ng mga Muslim at ang pagkakaisa ng kanilang layunin, mithiin at damdamin.
3) Ito ay isang pagsasanay pang-espirituwal na nagtuturo sa isang tao upang magsikap sa pangkatawan at pananalapi na dapat gugulin sa Landas ng Allah (ﷻ) at ang pagpupunyagi para sa Kanyang Kasiyahan.
4) Ito ay paglilinis sa mga kasalanan at kamalian. Ang Propeta Muhammad (ﷺ) ay nagsabi;
"Sinuman ang nagsakatuparan sa tungkuling Hajj sa tahanan (ang Ka'bah) at hindi nagsagawa ng mga malalaswang salita at hindi gumawa ng anumang kasalanan, siya ay babalik na tila isang batang bagong silang (na walang bahid ng kasalanan)."
Ang Pagsasagawa ng 'Hajj'
Ang Hajj ay may tatlong uri at ang mga ito ay mayroong kanya-kanyang natatanging mga rituwal na dapat gampanan. Ang pinakamagandang uri ay ang tinatawag na 'Tamattu', na kung saan ang Hajj at 'Umrah ay isinasagawa nang magkahiwalay at magkasunod sa banal na panahon ng Hajj. Ito ay isinasakatuparan ayon sa mga sumusunod;
1) Kailangang nasa kalagayan ng 'Ihraam'[60] mula sa 'Meeqaat'[61] bago ang ika-8 ng 'Dhu'l-Hijjah. Nararapat na bigkasin ang pagpasok sa kalagayan ng 'Ihraam' sa pagsabi ng;
"Labbayk-Allahumma 'Umratan mutamitti'an bihaa ilal-Hajj." Ang kahulugan ay:
"Narito ako O Allah, bilang pagtugon sa Iyong panawagan upang isagawa una ang 'Umrah at susundan ng Hajj." (magkahiwalay)
2) Pagdating sa Makkah, magsagawa ng 'Tawaaf'[62] sa palibot ng Ka'bah[63] at magsagawa ng Sa'ee para sa 'Umrah, pagkatapos ahitin o paiksian ang buhok. Ang mga babae ay nararapat na paiksian lamang ang buhok (hindi aahitin) na kasinghaba ng ikatlong bahagi ng daliri.
3) Sa ika-8 araw ng Dhul-Hijjah, na tinatawag na araw ng 'Tarwiyah', kinakailangan ang pagpasok o pagsuot ng Ihraam sa oras ng 'Duhaa'[64], mula sa lugar na kanyang kinalalagyan. Pagkaraan nito siya ay dapat na magtungo sa Minaa, at doon siya ay magdarasal para sa Salatul-Dhuhr, 'Asr, Maghrib at Ishaa (tulad ng isang naglalakbay, ang pagdarasal ay pinaiikli), nguni't hindi maaaring pagsamahin ang mga ito[65].
4) Kinabukasan, ang ika-9 ng Dhul-Hijjah, ito ang 'Araw ng Arafah', sa pagtaas ng araw, nararapat na lumisan mula sa Minaa patungong 'Arafah. Sa pagdating ng oras ng Dhuhr, kailangan magdasal ng Dhuhr at 'Asr, na tig-dadalawang rak'ahs, sa magkasunod na pagdarasal. Pagkatapos ng dasal, mas mainam na gugulin ang oras at panahon sa pag-alaala at pagbanggit sa Ngalan ng Allah (ﷻ), magsumamo at manalangin nang buong pagpapakumbaba. Humingi at hangarin mula sa Allah (ﷻ) ang lahat ng nais na nakataas ang mga kamay at nakaharap sa Qiblah.
5) Sa oras ng paglubog ng araw sa 'Araw ng Arafah', kailangang umalis mula sa Arafah patungong 'Muzdalifah'. Pagdating sa lugar na ito, magdasal para sa Maghrib at Ishaa, pagsamahin at magkasunod ang pagdarasal na may dalawang Rak'ah ang Ishaa. Kailangang magpalipas ng magdamag sa lugar na ito (Muzdalifah at pagdating ng oras ng Salatul Fajr, gawin ang pagdarasal sa pinakamaagang oras nito at pagkatapos kinakailangan gugulin ang panahon sa paggunita at pagsusumamo sa Allah (ﷻ) hanggang sumapit ang buong liwanag sa kalangitan.
6) Nguni't bago ang sikat ng araw, kailangang lumisan mula sa Muzdalifah patungong Minaa. Pagdating doon, dapat siyang bumato ng pitong maliliit na bato sa 'Jamrat-ul-Aqabah[66]' habang sinasabi ang 'Allahu Akbar' sa bawa't paghagis ng bato. Ang mga bato ay kasing laki ng isang butil ng gisantes.
7) Pagkatapos nito, ang pagkatay sa dalang hayop at ang pag-ahit o pagpapaiksi ng kanyang buhok. Ang pag-ahit ay mas mabuti sa lalaki nguni't sa babae ang pagpapaiksi lamang ng buhok na kasing haba ng ikatlong bahagi ng kanyang daliri (hindi maaaring ahitin ang buhok ng babae).
8) Pagkaraan nito, maaari na siyang lumabas sa kalagayan ng 'Ihraam', nguni't siya ay mananatili pa ring sa maliit na yugto ng 'Ihraam'. Maaari na siyang magbihis ng karaniwang damit at gumawa ng lahat na maaring gawin ng karaniwang tao maliban sa pakikipagtalik sa kanyang asawa.
9) Pagkaraan nito, nararapat na tumuloy sa Makkah at magsagawa ng 'Tawaaf' at Sa'ee para sa Hajj. Sa sandaling matapos ito, siya ay kailangang bumalik sa Minaa at dito niya dapat gugulin ang gabi ng ika-labing isa at ika-labing dalawa ng 'Dhul-Hijjah. Sa mga araw niya dito, dapat siyang pumukol o bumato ng pitong bato (maliit) sa mga 'Jamaraat' (talusok o haligi) na nagsasabi ng 'Allahu Akbar' sa bawa't pukol (ng bato). Ang pagbato ay dapat magsimula kapag ang araw ay pababa na mula sa kanyang taluktok. Nararapat siyang magsimulang bumato sa maliit na 'Jamaraat' at pagkatapos ay isusunod ang malaki hanggang sa pinakamalaki.
10) Sa ika-labing dalawa ng Hajj, pagkaraan niyang bumato sa mga 'Jamaraat', maaari niyang lisanin ang Minaa o maaari din siyang magpalipas ng gabi doon at babato parin sa mga 'Jamaraat' sa ika-labing tatlong araw ng Hajj. Itinatagubilin na ang pagbato ay tinataon sa oras ng pagbaba ng araw mula sa kaitaasan nito, at ito ang pinakamainam at ipinagkakapuri.
11) Kung ang isang tao ay may layunin ng bumalik sa kanyang pamamahay, dapat siyang tumuloy sa Makkah para magsagawa ng 'Tawaaf Al-Wadaa'. Ang 'Tawaaf' na ito ay hindi tungkulin sa mga babaeng may buwanang regla o ang dumaranas ng pagdurugo sa panganganak. Pagkatapos nitong 'Tawaaf Al-Wadaa' , dito nagwawakas nang ganap ang kabuuan ng pagsasagawa ng Hajj.
Ang Ibadah (Pagsamba) sa 'Allah' (ﷻ)
Mga kapatid, dapat nating malaman na ang pagsamba ay tungkulin ng lahat ng mga Muslim na may tamang pag-iisip at may tamang gulang. Ang pagsasagawa ng mga haligi ng Islam ay daan sa pagpasok sa Paraiso pagkaraan ng habag ng Allah g habag ng Allah,lam)nggap to apag ang araw ay pababa na mula sa kanyang taluktok. (ﷻ). Ang Propeta (ﷺ) ay nagsabi sa isang 'bedouin' na nagtanong sa kanya;
"'O Propeta ng Allah', sabihin mo kung ano ang tungkuling ipinag-uutos ng Allah sa akin sa larangan ng pagdarasal (Salaah)'. Siya ay sumagot; 'Ang limang beses na pagdarasal, maliban kung nais mong magsagawa pa ng karagdagang kusang loob na pagdarasal.' Siya ay nagtanong ulit;'Sabihin mo kung ano ang tungkuling ipinag-uutos ng Allah sa akin sa larangan ng pag-aayuno'. Ang Propeta ay sumagot; 'Ang mag-ayuno sa buwan ng Ramadhan, maliban kung nais mong magsagawa ng kusang-loob at karagdagang pag-aayuno'. Siya ay nagtanong ulit; 'Sabihin mo (O Propeta ng Allah) kung ano ang tungkuling ipinag-uutos sa akin ng Allah sa larangan ng 'Zakaah'. (Ang nag-ulat) ay nagsabi na; 'ipinaliwanag ng Propeta ang mga batas tungkol dito. Ang 'bedouin' ay nagsabi; 'Sa Ngalan Niya (ng Allah) na nagbigay ng parangal sa iyo, hindi ako gagawa ng mga kusang-loob at karagdagang mga gawain, datapwa't hindi ako mag-iiwan ng kahit ano sa mga tungkulin na ipinag-uutos sa akin ng Allah'. Ang Propeta ng Allah ay nagsabi; 'Siya ay magtatagumpay (papasok sa Paraiso) kung totoo (at gagawin niya) ang kanyang sinabi.'" (Iniulat ni Imam Bukhari)
Ang Mga Pansarili at Panlipunang Bunga ng Pagsamba sa Allah(ﷻ)
1) Ang mga Mananampalataya ay magtatamo ng kaligayahan at tagumpay sa buhay dito sa mundo at sa Kabilang Buhay. Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi, Qur'an, Kabanata Al-A'laa, 87:14-15;
"Katotohanan, magtatagumpay ang sinumang nagpapakadalisay. At nakaaalaala (at nagbibigay papuri) sa Ngalan ng kanyang Rabb at (siya ay) nananalangin."
2) Magtatamo ng lakas pisikal at ispirituwal kung lagi nang nakikipag-ugnayan nang taimtim at tapat sa Allah (ﷻ). Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi; Qur'an, Kabanata An-Nahl, 16:128;
"Katotohanan, Ang Allah ay nasa panig ng mga may (taglay na) Taqwa (takot) sa Kanya (tumutupad ng kanilang tungkulin sa Kanya) at (siya ay kasama ng mga Muhsin (mapaggawa ng kabutihan)."
3) Ang tulong ng Allah (ﷻ) ay iginagawad sa mga Mananampalataya at ginagawang matatag ang kanilang pamamahala at pamumuhay sa daigdig. Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi, Qur'an, Kabanata Al-Hajj, 22:40-41;
"Katotohanan, itataguyod (tutulungan) ng Allah yaong nagtataguyod (tumulong) sa Kanyang Landas. Tunay nga na ang Allah ay Ganap na Malakas, ang Ganap na Makapangyarihan. Silang (mga pinuno ng pamayanang Muslim) na kapag sila ay pinagkalooban ng kapangyarihan (mamahala) sa (mga) lupain, (sila ay) nag-uutos ng (pagsasagawa ng) As-Salaah, pagbabayad ng Zakah at sila ay nag-uutos ng gawaing Al Ma'ruf (kabutihan) at nagbabawal ng gawaing Al-Munkar (kasamaan). At sa Allah ang hantungan ng lahat ng pangyayari (o gawain)."
4) Pinatitibay ang ugnayan ng mga magkakapatid, ang kanilang pagtutulungan, ang bigkis o pagmamahalan at ang katiwasayan at kapayapaan sa pagitan ng bawa't tao sa Islamikong pamayanan. Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi, Qur'an, Kabanata At-Tawbah, 9:71
"Ang mga Mananampalataya, mga kalalakihan at mga kababaihan ay Auliya (tagapagtaguyod, tagapagtanggol) ng bawa't isa, sila ay nag-uutos ng Al Ma'ruf (lahat ng uri ng kabutihan) at nagbabawal ng Al Munkar (lahat ng uri ng kasamaan) at sila ay nagsasagawa ng As-Salaah, at nagbibigay ng Zakah at sumusunod sa Allah at sa Kanyang Sugo. Ang Allah ay magbibigay ng Kanyang Habag sa kanila. Katotohanan, ang Allah ay Ganap na Makapangyarihan, Tigib ng Karunungan."
5) Makakamtan ang patnubay at ang tagumpay na ang Allah (ﷻ) lamang ang nagkakaloob. Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi, Qur'an, Kabanata Al-Anfaal, 8:29;
"O kayong mga Mananampalataya (mga Muslim)! Kung kayo ay maging masunurin at may (taglay na takot) Taqwa sa Allah, ipagkakaloob Niya sa inyo ang Furqan (ang pamantayan ng paghatol sa pagitan ng katotohanan at kamalian), at papawiin sa inyo ang inyong mga kasalanan, at patatawarin kayo; at ang Allah ay Siyang Nagmamay-ari ng Dakilang Biyaya."
6) Makakamtan ang kasaganaan ng panustos mula sa Allah (ﷻ) at magbibigay ng lunas sa lahat ng mga kahirapan. Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi, Qur'an, Kabanata At-Talaaq, 65:2-3;
"…At sinuman ang mangamba sa Allah at panatilihin ang kanyang tungkulin sa Kanya, Siya ang magbibigay sa kanya ng lunas sa lahat ng kahirapan. At ipagkakaloob Niya sa kanya mula (sa panggagalingan) na hindi niya napag-aakala…"
7) Ang pagpaparami ng gantimpala mula sa pagsamba at ito ay nabibilang kabayaran ng mga kasalanan. Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi, Qur'an, Kabanata At-Taghaabun, 64:9;
"(At tandaan) sa Araw na kayo ay Kanyang pagsasama-samahin (lahat) sa Araw ng Pagtitipon, yaon ang Araw ng Taghabun[67] (kawalan sa Kafirun sapagka’t sila ay itatapon sa Impiyerno at kapakinabangan sa mga Mananampalataya sapagka’t sila ay paroroon sa Paraiso). At sinuman ang manalig sa Allah at gumawa ng mga kabutihan, ang kanyang mga kasalanan ay papawiin Niya at siya ay tatanggapin sa mga Hardin (ng Paraiso) na sa mga ilalim nito ay may mga ilog na umaagos at doon, sila ay mananahan magpakailanman; at yaon ang Dakilang Tagumpay."
Ang Mga Kautusan ng Islam
Mga kapatid, hanapin ang landas ng inyong pakikipag-ugnayan sa lipunan at sa iba pa batay sa mga aral at tagubilin (Sunnah) ng Propeta (ﷺ).
"Umiwas sa mga bagay na ipinagbabawal at kayo ay magiging mabuting Mananampalataya, ikasiya at tanggapin nang buong puso ang anumang panustos na ipinagkaloob ng Allah at kayo ay magiging pinakamayaman sa lahat ng tao, maging mabuti at matapat sa inyong mga kapit-bahay at kayo ay magiging tunay na Mananampalataya, hangarin ninyo sa iba ang ninanais ninyo sa inyong sarili at kayo ay magiging tunay na Muslim at huwag lumabis sa pagtawa, sapagka't ang labis na pagtawa ay nagiging sanhi ng kamatayan ng puso (pagkakaroon ng sakit sa puso)."
At sinabi rin ng Propeta (ﷺ):
"Ang tunay na Muslim ay siya na ang kanyang kapwa Muslim ay ligtas mula sa (pananakit ng) kanyang dila at kamay, at ang tunay na 'Muhaajir'[68] ay siyang tumalikod (umiwas) sa lahat ng ipinagbabawal ng Allah". (Iniulat ni Imam Bukhari)
Ang Islam ay naglalayong magtatag ng isang maayos na lipunan na pagmumulan ng mga taong nagpapakita ng pagmamahalan, pagdadamayan, awa at tunay na sumusunod sa 'Sunnah' ng Propeta (ﷺ);
"Ang mga Mananampalataya sa kanilang pagmamahal, pagmamalasakitan at mabuting damdamin sa bawa't isa ay tila isang katawan, na kung may karamdaman ang isang bahagi nito ang buong katawan ay nakadarama ng pananakit, nilalagnat at hindi makatulog." (Iniulat ni Imam Muslim)
Ang Islam ay nagpapatnubay sa bawa't mabuti at nagpapaalaala sa kanila na umiwas sa bawa't kasamaan. Ipinag-uutos ng Islam ang mga sumusunod;
1) Ipinag-uutos na maniwala sa 'Tawheed' ng Allah (ﷻ) (ang Kaisahan ng Allah) at ipinagbabawal ang mag-akibat ng iba pa (Shirk) bukod pa sa Kanya (ﷻ) sa pagsamba. Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi, Qur'an, Kabanata, An-Nisaa, 4:116;
"Katotohanan! Ang Allah ay hindi nagpapatawad (sa kasalanan) nang pagbibigay ng mga katambal sa pagsamba sa Kanya, datapuwa't Siya ay nagpapatawad sa ibang mga kasalanan maliban pa rito sa sinumang Kanyang naisin. At sinuman ang magtakda ng anuman (sa pagsamba sa Kanya bukod pa) sa Allah, tunay nga na siya ay napaligaw sa kamalian."
Ang Propeta (ﷺ) ay nagsabi;
"Iwasan ang pitong malalaking kasalanan." Sila ay nagtanong, 'O Propeta ng Allah, ano ang mga ito?', Siya ay sumagot, 'Ang pagtambal (Shirk) ng iba sa pagsamba sa Allah, ang nagsasagawa ng karunungang itim (Sihr), ang pagpatay sa mga ipinagbabawal ng Allah ng walang pahintulot, ang pagtanggap ng Riba'a patubuan o interes, ang paglustay o pagkamkam sa mga kayamanan ng mga ulila, ang pagtalikod (paglayo mula) sa labanan sa panahon ng digmaan at ang pagparatang sa mga Mananampalatayang babae na malayo sa pagsasagawa ng mga mahahalay na bagay."
2) Ipinag-uutos ang mabuting pakikitungo sa ibang tao at ipinagbabawal ang paglustay ng kayamanan, tulad ng pagpapatubo, pandaraya, pagnanakaw, pagkamkam ng mga pag-aari ng iba o ng mga bagay na tulad nito. Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi, Qur'an, Kabanata An-Nisaa, 4:29;
"O kayong Mananampalataya! Huwag kamkamin ang mga ari-arian ng bawa’t isa sa inyo nang labag sa katarungan maliban na ito ay isang kalakalan sa pagitan ninyo, nang may pahintulot sa isa’t isa. At huwag patayin ang inyong mga sarili (o di kaya ay magpatayan sa isa’t isa). Katiyakan, ang Allah ay Maawain sa inyo.[69]"
3) Ipinag-uutos ang katarungan at pagkapantay-pantay at ipinagbabawal ang lahat ng uri ng pang-aapi o paniniil laban sa ibang tao. Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi, Qur'an, Kabanata An-Nahl, 16:90;
"Katotohanan, ang Allah ay nag-uutos ng Al-Adl (katarungan at pagsamba sa Allah lamang) at Ihsan (pagsasagawa ng inyong mga tungkulin sa Allah nang may kataimtiman at katapatan), nang ganap para sa (kasiyahan) ng Allah at naaayon sa Sunnah ng Sugo ng Allah at magbigay ng tulong sa mga kamag-anak at ipagbawal ng Al Fasha (mga makasalanang gawa tulad ng pangangalunya at iba pang malalaswang pakikipag-ugnayan) at Al Munkar (mga makasalanang gawain ukol sa kawalan ng pananalig sa Allah at Al Baghy (lahat ng uri ng pang-aabuso at pang-aapi). Kayo ay Kanyang binigyan ng babala upang sakali kayo ay magbigay pansin (o pagpapahalaga sa kautusan)."
4) Ipinag-uutos ang pakikipagtulungan sa kabutihan at makatarungang gawain at ipinagbabawal ang pakikipagtulungan sa paggawa ng kasamaan. Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi, Qur'an, Kabanata Al-Maaidah 5:2;
"Magtulungan kayo sa isa't isa sa (diwa ng) Birr[70] (gawang kabutihan) at Taqwa[71] (kabanalan, pagmamahal at takot sa Allah). Subali’t huwag kayong magtulungan sa isa’t isa sa (gawaing) makasalanan at (gawang) pagsuway. At magkaroon ng Taqwa (takot) sa Allah. Katotohanan, ang Allah ay mahigpit sa pagpaparusa."
5) Ipinag-uutos ang pangangalaga ng buhay at ipinagbabawal ang pagpatay at ipinagbabawal din maging ang pakikipagtulungan o pakikipagsabwatan dito maliban kung ito ay makatuwiran. Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi, Qur'an, Kabanata Al-Maaidah 5:32;
"Sanhi niyaon, ipinag-utos Namin sa Angkan ni Israel na sinuman ang nakapatay ng isang tao na hindi naman nauukol sa ganting kabayaran ng pagkakapaslang at ng paghahasik ng kaguluhan sa kalupaan-ito ay katumbas na rin ng pagpatay niya sa buong sangkatauhan, at sinuman ang nagligtas ng isang buhay, ito ay katumbas ng pagliligtas niya sa buhay ng buong sangkatauhan. At tunay ngang dumating sa kanila ang Aming mga Sugo nang may dalang malinaw na katibayan at palatandaan, (nguni’t) sa kabila niyaon, marami sa kanila ang patuloy na lumalagpas sa hangganan (sa pamamagitan ng mga gawang makasalanan) sa kalupaan[72]."
Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi rin, Qur'an, Kabanata An-Nisaa 4:93;
"At sinumang sadyang pumatay ng isang Mananampalataya, ang kanyang kabayaran ay Impiyerno na doon (siya ay) mananahan. At ang Poot at Sumpa ng Allah ay mapapasakanya. At isang matinding parusa ang inihanda para sa kanya."
6) Ipinag-uutos ang mabait na pakikitungo sa mga magulang at ipinagbabawal ang pagsuway sa kanila. Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi, Qur'an, Kabanata Al-Israa, 17:23-24;
"At ang iyong Rabb (Panginoon) ay nag-utos na wala kang dapat sambahin maliban sa Kanya. At ikaw ay maging masunurin sa iyong mga magulang. Kung ang isa sa kanila o silang dalawa ay kapwa sumapit na sa katandaan ng iyong buhay, huwag kang mangusap sa kanila ng salitang kawalang-galang at huwag silang sigawan bagkus sila ay inyong tawagin sa (kalugud-lugod na) paraang marangal. At iyong ibaba para sa kanila ang diwa ng pitagan at kababaang-loob sa pamamagitan ng Habag, at magsabi: "O Aking Rabb (Panginoon)! Igawad Ninyo sa kanila ang Inyong Habag sapagka't sila ang nangalaga sa akin nang ako ay musmos pa."
7) Ipinag-uutos na pangalagaan ang ugnayang kamag-anakan at ipinagbabawal ang pagputol o pagsira ng ugnayan. Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi, Qur'an, Kabanata Muhammad, 47:22-23;
"Kaya, kung sakali’t ipagkatiwala sa inyo ang karapatang maging pinuno kayo ba ay maghahasik ng mga kabuktutan sa kalupaan at sirain ang ugnayang pagkamag-anakan[73]!? Sila yaong mga isinumpa ng Allah upang sila ay gawing mistulang mga bingi at bulag sa kanilang mga paningin."
At ang Propeta Muhammad (ﷺ) ay nagsabi tungkol dito;
"Ang sinumang pumutol ng ugnayang pagkakamag-anakan at pagkakapatiran ay hindi makakapasok sa Paraiso."
8) Ipinag-uutos (at ipinag-aanyaya) ang pag-aasawa. Ang Propeta Muhammad (ﷺ) ay nagsabi;
"O mga kabataan (binata), kung sinuman ang may kakayahang mag-asawa, nararapat niyang gawin ito, dahil pinapanatili nito ang kalinisan at nagpapababa sa kanyang paningin (sa mga ipinagbabawal na bagay). At kung sinuman ang walang kakayahang sa pag-aasawa, dapat siyang mag-ayuno, sapagka't ito ang kanyang pananggalang (sa tukso)."
Mahigpit na ipinagbabawal ang pangangalunya at sodomiya (ugnayang sekswal ng kapwa lalaki) at ang anumang bagay na nag-aakay o nagbibigay ng daan para sa gawaing iyon. Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi, Qur'an, Kabanata Al-A'raaf, 7:33;
"Sabihin mo (O Muhammad) (Nguni't) ang mga bagay na sadyang ipinagbabawal ng aking Rabb ay ang Fawahish (lahat ng uri ng kasalanan, kalaswaan at bawal na pakikipagtalik [maging ito man ay ginawang hayag o tago], mga di-makatuwirang pang-aalipusta, at pagtatambal ng iba sa Allah [sa pagsamba]) na hindi naman Niya binigyang karapatan (o kapahintulutan) ito, at ang pagsasabi ng mga bagay tungkol sa Allah na wala naman kayong (ganap na) kaalaman.
9) Ipinag-uutos ang pangangalaga sa mga ari-arian o kayamanan ng mga ulila at ang pag-aasikaso nang mabuti sa kanila, at ipinagbabawal ang pagkamkam o paglustay sa kanilang mga ari-arian nang walang karapatan. Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi, Qur'an, Kabanata An-Nisaa, 4:10;
"Katotohanan, yaong mga lumalamon (kumakamkam) ng ari-arian ng mga ulila nang di makatarungan, lumamon lamang sila ng apoy sa kanilang mga tiyan[74]. At sila ay susunugin sa naglalagablab na Apoy!"
Ipinagbabawal ang pang-aapi at pagmamalupit sa mga ulila. Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi, Qur'an, Kabanata Ad-Duhaa, 93:9;
"Kayat huwag mong pakitunguhan ang ulila nang may pang-aapi."
10) Ipinag-uutos na maging matapat sa pagpapahayag o pagsaksi at ipinagbabawal ang pagsisinungaling maging ang isa lamang sa mga ito. Ang Propeta (ﷺ) ay nagsabi;
"Nais ba ninyong malaman ang tatlong pinakamalaking kasalanan? Sinabi nila, 'Tunay nga o Propeta ng Allah.' Ang sinabi niya, 'Ang pagbibigay ng katambal sa pagsamba sa Allah (Shirk), at ang walang galang sa kanyang mga magulang'. Siya ay nakahilig (nang sinasabi niya ang mga ito), nang siya ay umupong matuwid at sinabi niya, '…at ang pagsaksi nang walang katotohanan.' (Ang nag-uulat) ay nagsabi, 'Siya ay nagpatuloy sa pagsasalita at inulit ang mga ito, hanggang nais na sana namin na siya ay magtigil."
11) Ipinag-uutos na dapat tuparin ang anumang ipinangako at isinumpang kasunduan at ipinagbabawal ang pagsisinungaling sa kanyang panunumpa (Al-Yameen Al-Ghamoos) ito ay ang sinasadyang pagsisinungaling upang maalis ang karapatan ng iba. Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi, Qur'an, Kabanata Al-Imraan, 3:77;
"Katotohanan, yaong ipinagbibili (ipinagpapalit) sa maliit na kapakinabangan, ang halaga ng kasunduan sa Allah at ng kanilang mga panunumpa, sila ay walang (makakamtang) bahagi sa Kabilang Buhay. At ang Allah ay hindi mangungusap sa kanila at hindi (rin) titingin sa kanila sa Araw ng Pagkabuhay Muli. At sila ay hindi padadalisayin (mula sa kasalanan), at sa kanila (ay ipalalasap) ang mahapding parusa.[75]"
12) Ipinag-uutos sa mga tao na pangalagaan ang kanilang sarili at ipinagbabawal ang pagpapatiwakal, kahit na ito ay tuwiran man o di-tuwiran, tulad ng paglulong sa mga bawal na gamot, sigarilyo at mga iba pang makabagong gamot na napatunayang ito ay nagdudulot ng mapaminsalang karamdaman. Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi, Qur'an, Kabanata An-Nisaa, 4:29-30;
"… At huwag patayin ang inyong mga sarili (o di kaya ay magpatayan sa isa’t isa). Katiyakan, ang Allah ay Maawain sa inyo.[76] At sinuman ang nagkasala sa pamamagitan ng paglabag (sa mga batas ng Allah) at kawalang-katarungan, sila ay Aming itatapon sa Apoy. At ito ay sadyang madali para sa Allah."
13) Ipinag-uutos ang pagsasalita ng katotohanan, pagiging matapat, mapagkakatiwalaan, at ang pagtupad ng pangako. Ipinagbabawal ang pagsisinungaling, pandaraya at ang panlilinlang. Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi, Qur'an, Kabanata Al-Anfaal, 8:27;
"O kayong mga Mananampalataya (mga Muslim)! Huwag ninyong pagtaksilan ang Allah at ang Kanyang Sugo, o huwag sadyaing magtalu-sira sa inyong mga Amanat (ang pagtitiwalang ipinagkaloob sa inyo tungkol sa mga bagay at sa lahat ng tungkulin na ipinag-utos ng Allah na tuparin.)"
14) Ipinag-uutos ang pagmamahalan at pagkakaisa at ipinagbabawal ang paninira sa ugnayan o samahan at lahat ng mga bagay na nag-uudyok ng hidwaan at pagkamuhi, tulad ng pagkakaroon ng sama ng loob, pagkapoot, paninibugho at pagkainggit. Ang Propeta (ﷺ) ay nagsabi;
"Huwag mamuhi sa isa't-isa, huwag mainggit o magkaroon ng panibugho sa isa't-isa at huwag magtakwil o lumayo sa isa't-isa, manapay maging tunay na alipin ng Allah bilang magkakapatid. Hindi nararapat na putulin ang ugnayan ng mga magkakapatid nang higit sa tatlong araw." (Iniulat ni Imam Bukhari)
15) Ipinag-uutos ang pagbibigayan at ipinagbabawal ang pagiging sakim at maramot. Ang Propeta Muhammad (ﷺ) ay nagsabi;
"May dalawang ugali na kinalulugdan ng Allah; ang mabuting pag-uugali at ang mapagbigay, at may dalawang ugali na kinamumuhian ng Allah; ang masamang pag-uugali at ang mga mararamot. Kung nais ng Allah na bigyan ng kabutihan ang isang tao, ginagawa siya bilang daan upang makatulong sa mga pangangailangan ng ibang tao." (Iniulat ni Abu Nu'aim Al-'Iraaqi)
16) Ipinag-uutos ang pagtitipid at ipinagbabawal ang pagiging maaksaya at mapaglustay ng salapi sa walang kabuluhang paggugol. Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi, Qur'an, Kabanata Al-Israa, 17:26-27;
"At iyong ipagkaloob sa kamag-anak ang kanilang (kaukulang) karapatan at sa mga Miskin (mga mahihirap na nagpapalimos) at sa mga (kinapos ng panustos na) naglalakbay. At huwag ninyong gugulin (ang inyong kayamanan) nang walang kabuluhan. Katotohanan, ang mapaglustay (nang walang kabuluhan) ay mga kapatid ng mga demonyo at ang demonyo (Satanas) ay lagi nang walang pasasalamat sa kanyang Rabb (Panginoon)."
17) Ipinag-uutos ang pagiging mahinahon at hindi nagkukulang at hindi rin naman nagmamalabis sa Relihiyon (Deen). Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi, Qur'an, Kabanata Al-Baqarah, 2:185;
"… Ang Allah ay naglalayon na gawing magaan ito para sa inyo at hindi Niya ninanais na gawing mahirap ang mga bagay para sa inyo. (Nais lamang Niya) na isakatuparan sa ganap na kaayusan ang mga itinakdang araw ng pag-aayuno at Siya ay inyong luwalhatiin nang dahil sa patnubay na ipinagkaloob sa inyo upang kayo ay (matutong) magpasalamat sa Kanya."
At ang Propeta (ﷺ) ay nagsabi:
"Mag-ingat at iwasan ang pagiging mahigpit o mapagmalabis sa Relihiyon, tunay ang isang bagay na nakasira sa mga nauna sa inyo ay ang pagiging mapagmalabis sa Relihiyon." (Iniulat sa Saheeh ibn Hibban)
18) Ipinag-uutos ang kababaang-loob at ipinagbabawal ang pagmamataas at pagyayabang. Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi, Qur'an, Kabanata Luqmaan, 31:19;
"At maging mahinahon (huwag magpakita ng kagaspangan) sa inyong paglalakad, ibaba ang inyong mga tinig. Katotohanan, ang pinakamagaspang sa lahat ng tinig ay ang atungal ng isang asno."
Ang Propeta Muhammad (ﷺ) ay nagsabi tungkol sa pagmamataas;
"Sinumang may pagmamalaki sa kanyang puso na kahit kasinlaki ng buto ng mustasa ay hindi makakapasok sa Paraiso." Ang isang tao ay nagtanong, 'O Propeta ng Allah, ang mga tao ay nagnanais magsuot ng mga magagandang kasuotan at mga sandalyas.' Ang Propeta ay nagsabi, 'Tunay na ang Allah ay Maganda at minamahal Niya ang magaganda. Ang pagmamataas ay yaong hindi tumatanggap ng katotohanan at ang kanyang pagtingin sa kapwa ay mababa." (Iniulat ni Imam Muslim)
Ang Propeta Muhammad (ﷺ) ay nag-ulat tungkol sa mga taong mapagmalaki sa sarili;
"Sinuman ang kumakaladkad ng kanyang damit sa lupa nang may pagmamalaki, hindi siya titingnan ng Allah sa Araw ng Pagbabangong Muli." (Iniulat ni Imam Bukhari)
19) Ipinag-uutos sa mga tao na magdamayan sa kapwa at hindi dapat ikatuwa ang kalungkutan ng iba. Ang Propeta Muhammad (ﷺ) ay nagsabi;
"Huwag maging masaya sa dinaranas na pighati ng iyong kapatid, maaaring magpakita ng habag ang Allah sa kanya at bigyan kayo ng pagsubok." (Iniulat ni Tirmidhi)
20) Ipinagbabawal sa mga Muslim ang manghimasok sa buhay ng iba kung wala silang kinalaman o kaugnayan tungkol dito. Ang Propeta (ﷺ) ay nagsabi;
"Tunay na isang magandang pag-uugali ng isang Muslim ay ang hindi niya panghihimasok o pakikialam sa ibang wala siyang kaugnayan (o kinalaman)." (Iniulat ni Imam Tirmidhi)
21) Ipinag-uutos ang paggalang sa mga tao at ipinagbabawal ang pang-aalilipusta o panlalait. Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi, Qur'an, Kabanata Al-Hujuraat, 49:11;
"O, kayong Mananampalataya (mga Muslim)! Huwag na ang isang pangkat sa inyo ay alipustain ang isa pang pangkat, maaaring ang huli ay higit na mabuti kaysa sa una. Maging (ang ilan) sa kababaihan ay huwag alipustain ang ibang kababaihan, maaaring ang huli ay higit na mabuti kaysa sa una. Huwag apihin ang isa sa inyo o di kaya’y hamakin (laitin) ang isa sa pamamagitan ng pagtawag ng masakit na palayaw (o taguri). Sadyang napakasamang hamakin (laitin) ang isang kapatid pagkaraang ito ay nagkaroon ng pananampalataya (sa Allah). At sinuman ang hindi nagsisisi, magkagayon, sila yaong (itinuturing na mga) Dhaleem (mapaggawa ng kamalian)."
22) Ipinag-uutos ang pangangalaga nang may paninibugho sa kanilang 'maharims'[77] at ipinagbabawal ang pakikipagtalik sa hindi asawa. Ang Propeta (ﷺ) ay nagsabi;
"May tatlong uri ng tao na hindi makakapasok sa Paraiso; ang isang walang paggalang sa kanyang magulang, ang isang taong hinahayaan ang kanyang asawa (sa gawaing) bawal na pakikipagtalik at ang mga babaing tinutularan ang mga lalaki." (Mustadrak Al-Haakim)
23) Ipinagbabawal ang mga tumutulad sa magkabilang kasarian, sinabi ni Ibn 'Abbaas (t);
"Ang Propeta ng Allah ay isinusumpa ang mga lalaking tinutularan ang mga babae at gayon din ang mga babaing tinutularan ang mga lalaki." (Iniulat ni Imam Bukhari)
24) Ipinag-uutos sa mga tao ang pagpupunyagi sa paggawa ng mabuti sa kapwa, datapwa't ipinagbabawal ang panunumbat sa kanilang ginawang kabutihan. Ang Propeta Muhammad (ﷺ) ay nagsabi;
"Kayo ay binabalaan at iwasan ang panunumbat sa mga ginawa ninyong kabutihan sa kanila, sa katunayan ito ay nagiging sanhi ng kawalan ng pasasalamat (sa ginawan ng buti) at pinapawi nito ang gantimpala (na dapat ay tatanggapin niya nang dahil sa ginawa niyang kabutihan)."
Pagkaraan ang Propeta (ﷺ) ay bumigkas ng Salita ng Allah (ﷻ); (Qur'an, Kabanata Al-Baqarah, 2:264)
"O kayong Mananampalataya (Muslim)! Huwag tulutang mawalang saysay ang inyong Sadaqah (kawanggawa) sa pamamagitan ng pagpapaalala ng iyong kabaitan o (pagyayabang) upang saktan (o sumbatan) ang pinagbigyan, katulad ng taong gumugugol ng kanyang yaman upang makita lamang ng ibang tao at hindi naman naniniwala sa Allah at sa Huling Araw."
25) Ipinag-uutos na huwag mag-isip ng masama sa kapwa at ipinagbabawal ang panunubok at ang paninira sa talikuran. Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi, Qur'an, Kabanata Al-Hujuraat, 49:12;
"O, kayong Mananampalataya (mga Muslim)! Iwasan ang labis na hinala[78]; sapagka't ang ibang panghihinala ay kasalanan. At huwag maniktik, o manirang puri[79] sa isa’t isa. Nais ba ninyong kainin ang laman ng inyong patay na kapatid ? Inyong kasusuklaman ang gayon (na bagay). At matakot sa Allah. Katotohanan, ang Allah ay (Siyang) Tanging Nagpapatawad at tumatanggap ng pagsisisi, ang Maawain."
26) Ipinag-uutos na pangalagaan ang dila sa lahat ng masasamang pananalita at dapat niyang gamitin ito sa mabuti para sa kanyang kabutihan o sa panlipunan, tulad ng pag-alaala sa Allah (ﷻ) at ang pagpayo sa muling pagkakasundo ng mga tao. Gayon din, ipinagbabawal gamitin ang dila sa kasamaan. Ang Propeta (ﷺ) ay nagsabi;
"Ang mga tao ba ay itinatapon sa Impiyerno ng una ang mukha at ilong dahil lamang sa natatamo at inaani ng kanilang dila?" (Iniulat ni Tirmidhi)
27) Ipinag-uutos ang pakikitungo nang mabuti sa mga kapitbahay at ipinagbabawal ang pananakit sa kanila. Ang Propeta (ﷺ) ay nagsabi;
"Isinusumpa ko sa Allah, siya ay hindi tunay na Mananampalataya! Isinusumpa ko sa Allah, siya ay hindi tunay na Mananampalataya! Isinusumpa ko sa Allah, siya ay hindi tunay na Mananampalataya!' At may nagtanong, 'Sino siya o Propeta ng Allah?' (ang inyong tinutukoy). Siya ay sumagot, 'Siya na hindi ligtas ang kanyang kapitbahay mula sa kanyang kasamaan."
28) Ipinag-uutos na piliin ang mga mabubuting kasamahan at ipinagbabawal ang mga masasamang kasamahan. Ang Propeta (ﷺ) ay nagsabi;
"Ang halimbawa ng isang mabuti at masamang kasamahan ay tulad ng isang taong may dala-dalang pabango at ang isang taong panday. Maaaring ang isang taong may dalang pabango ay magbigay o ikaw ay pagbilhan o kaya naman mayroon kang makukuhang nakalulugod o kasiya-siyang amoy. Datapwa't sa isang panday maaaring masunog ang kanyang damit o kaya naman masamang amoy ang makukuha mula sa kanya." (Iniulat ni Imam Al-Muslim)
29) Ipinag-uutos sa mga tao na gumawa ng paraan upang pagkasunduin ang mga taong may hidwaan o hindi nagkakaunawaan at ipinagbabawal ang anumang bagay na magdadala ng poot o galit. Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi, Qur'an, Kabanata An-Nisaa, 4:114;
"Walang (ibinubungang) kabutihan ang kanilang kadalasang mga lihim na usapan, maliban yaong nag-uutos (na magbigay) ng Sadaqah (kawanggawa), o ng gawang matuwid), o ng pagkakasundo ng tao. At sinumang gumawa nito na may layon ng kasiyahan ng Allah, siya ay Aming bibigyan ng malaking gantimpala."
30) Ipinag-uutos sa mga tao na maging matapat sa bawa't isa (sa pagbibigay ng mabuting payo) at ipinagbabawal ang pagkakait ng payo sa mga nagangailangan. Ang Propeta (ﷺ) ay nagsabi;
"'Ang Deen (Relihiyon) ay katapatan.' Kami ay nagtanong, 'Kanino ba, O Propeta ng Allah?' Siya ay sumagot, 'Sa Allah, sa Kanyang Aklat, sa Kanyang Propeta at sa mga pinuno ng pamayanang Muslim at sa kanilang mga mamamayan.'" (Iniulat ni Imam Muslim)
31) Ipinag-uutos sa mga tao ang tumulong sa mga suliranin ng mga Muslim na sila ay nararapat bigyan ng magaang palugit (sa pagbayad ng kanilang utang), at ikubli ang kanilang mga pagkakamali. Ang Propeta (ﷺ) ay nagsabi;
"Sinumang nagpaginhawa sa suliranin ng isang Mananampalataya, pagiginhawahin siya ng Allah sa Araw ng Paghuhukom. Sinuman ang nagpagaan ng anumang bagay sa kahirapan ng isang Muslim (tulad ng pagbayad ng utang ng isang tao), pagagaanin ng Allah sa kanya ang buhay dito at sa kabilang Buhay. At sinumang nagtago sa kasalanan ng isang Muslim, ikukubli din ng Allah ang kanyang mga kasalanan dito sa buhay sa Mundo at sa Kabilang Buhay. Tutulungan ng Allah ang Kanyang alipin habang siya ay tumutulong sa kanilang mga kapatid." (Iniulat ni Imam Muslim)
32) Ipinag-uutos sa mga Muslim na kailangang magkaroon ng pagpaparaya at tibay ng loob sa panahon ng kahirapan at ipinagbabawal ang pangangamba at ligalig. Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi, Qur'an, Kabanata Al-Baqarah, 2:155-157;
At katiyakan, kayo ay Aming susubukan tungkol sa mga bagay na inyong pinangangambahan, gutom, kawalan ng yaman, buhay at ani, subali’t magbigay ng magandang balita sa Sabirun (mga taong matiisin at mapagtimpi sa gitna ng kapighatian). Sila yaong kung nakaranas ng kapighatian ay nagsasabing: “Kami ay sa Allah nagmula at sa Kanya kami ay magbabalik.” Sila yaong ginawaran ng Salawat (pagpapala at kapatawaran) ng kanilang Rabb at ng Kanyang Awa at sila yaong napatnubayan.
33) Ipinag-uutos ang pagpapatawad at pagiging mapagpaumanhin at ang pag-iwas sa isang taong mapaggawa ng kasamaan sa kanya at ipinagbabawal ang paghihiganti at pagpaparusa. Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi, Qur'an, Kabanata Al-Imraan, 3:133-134;
"At humayo (sa landas na maghahatid sa inyo) sa kapatawaran mula sa inyong Rabb, at para sa Jannah (Paraiso) na kasing-lawak ng mga kalangitan at ng kalupaan, na inilaan sa Muttaqun. Yaong mga gumugugol mula sa kanilang yaman sa (panahon ng) kasaganaan at kahirapan, (silang) nagpipigil ng kanilang galit, at nagpapatawad sa tao; tunay na minamahal ng Allah ang mga Muhsin (mga taong mapaggawa ng kabutihan)."
34) Ipinag-uutos na maging maawain at ipinagbabawal ang pagiging malupit at walang pagmamalasakit. Ang Propeta (ﷺ) ay nagsabi;
"Ang Allah (ﷻ) ay nagpapakita ng habag sa mga mahahabagin. Maging mahabagin dito sa mundo at ang Allah (ﷻ) ay magiging mahabagin sa inyo." (Iniulat ni Tirmidhi)
35) Ipinag-uutos na maging mabait at malugod sa bawa't isa at ipinagbabawal ang kalupitan at ang pagiging mahigpit. Ang Propeta (ﷺ) ay nagsabi;
"Walang anumang ginawang kabaitan maliban na ito ay (nagdudulot o) nagbibigay ng ganda at walang anumang bagay na salat sa kabaitan maliban na ito ay may kakulangan." (Iniulat ni Imam Muslim)
36) Ipinag-uutos ang pagsukli ng kabutihan sa kasamaan at ipinagbabawal ang pagganti ng masama sa kasamaan. Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi, Qur'an, Kabanata Fussilat, 41:34;
"Ang mabuting gawa at masamang gawa ay hindi magkatulad. Iwaksi (ang kasamaan) (sa pamamagitan) ng gawang higit na nakabubuti (ipinag-utos ng Allah (ﷻ) sa mga tapat na Mananampalataya na maging matiisin at maging mapagparaya sa mga taong nanakit sa kanila) samakatuwid, katotohanan, siya at kayo na dating magkagalit ay (magiging) tila isang matalik na kaibigan."
37) Ipinag-uutos na ipalaganap ang karunungan o kaalaman at ipinagbabawal ang pagkakait o pagtatago nito. Ang Propeta (ﷺ) ay nagsabi;
"Sinuman ang pinagtanungan ng tungkol sa karunungan at ito ay kanyang ipinagkait, sa Araw ng Pagkabuhay-Muli siya ay ilalagay sa gitna ng Impiyerno." (Iniulat ni Haakim)
38) Ipinag-uutos sa mga Muslim na magpalaganap ng kagandahang-asal at katarungan, at ipagbawal ang mga bisyo at masasamang pag-uugali, nang naaayon sa kanyang kakayahan at antas ng katungkulan. Ang Propeta (ﷺ) ay nagsabi;
"Sinuman sa inyo ang nakakita ng masamang pag-uugali, dapat niyang baguhin ito sa pamamagitan ng kanyang kamay, kung wala siyang kakayahang gawin ito, dapat niyang baguhin ito sa pamamagitan ng kanyang dila, at kung ito ay hindi pa rin niya magawa, dapat niyang kamuhian ito sa kanyang puso, at ito ang pinakamababang antas ng pananampalataya." (Iniulat ni Muslim)
Ang Mga Iba't Ibang Gawain (o Bagay) na Ipinagbabawal ng Islam
1) Ipinagbabawal ang alak at lahat ng mga gamot na nakalalasing at nakalalango o katulad nito, kahiman ito ay kinakain, iniinom, sinisinghot o kaya iniiniksyon. Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi, Qur'an, Kabanata Al-Maa'idah, 5:90-91;
"O kayong Mananampalataya! Ang lahat ng Khamr (inuming nakalalasing) at ang sugal at ang Ansab[80] at ang Azlam (ang paggamit ng palaso upang hanapin ang kapalaran o pagpapasiya) ay mga gawaing kasuklam-suklam mula sa Satanas. Kaya, (mahigpit na) iwasan ang lahat ng ito upang kayo ay magsipagtagumpay. Nais lamang ng Satanas na maghasik ng galit at poot sa pagitan ninyo sa pamamagitan ng Khamr (mga inuming nakalalasing) at sugal at (nais niyang) hadlangan kayo sa pagbibigay-alaala sa Allah at mula sa pagtupad ng Salaah (pagdarasal). Kaya, kung gayon, hindi ba kayo iiwas?
2) Ipinagbabawal ang pagkain ng mga patay na hayop, baboy at lahat ng mga bagay na sinabi ng Allah (ﷻ) sa Qur'an, Kabanata Al-Maa'idah, 5-3;
"Ipinagbabawal sa inyo (bilang pagkain) ang mga: Maytah (patay na hayop, mga hayop na hindi kinatay), dugo, laman ng baboy at ang mga kinatay na hindi sinambit ang Ngalan ng Allah bilang pag-aalay sa iba bukod sa Kanya o di kaya’y kinatay upang ialay sa mga dinadalanginang idolo) o kaya’y pinatay sa pamamagitan ng sakal (bigti) o ng marahas na hampas o pagkahulog o sa pamamagitan ng pagsuwag ng mga (matutulis na) sungay at yaong ibang bahagi nito ay kinain (nilapa) na ng mga mababangis (o ligaw) na hayop maliban na lamang kung ito ay inyong kinatay bago nalagutan ng hininga. At sa (mga hayop din) na kinatay (bilang gamit) sa An-Nusub (dambanang bato). (Ipinagbabawal rin sa inyo) ang paggamit ng palaso (o busog) sa paghahanap ng kapalaran o pasiya…"
3) Sa mga kinakain na sinadyang hindi binabanggit ang Pangalan ng Allah (ﷻ), o kaya ay sinadyang pinatungkol sa iba maliban sa Ngalan ng Allah (ﷻ) sa oras ng pagkatay. Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi, Qur'an, Kabanata Al-An'aam, 6:121;
"(O, kayong Mananampalataya) Huwag kainin ang (laman o karne) ng anuman na ang Pangalan ng Allah ay hindi binanggit (habang kinakatay), katiyakang ito ay Fasq (pagsuway at pagkakasala sa Allah)…"
4) Ang pagkain ng karne ng mga hayop na mayroong mga pangil, tulad ng mga leon, leopardo, lobo at ang mga katulad nito, at gayon din ang mga ibong may mahahabang kuko, tulad ng mga agila, mga palkon, mga lawin at ang mga ibang katulad nito. Sinabi ni Ibn 'Abbaas (t); "Ipinagbabawal ng Propeta ang pagkain ng mga hayop na kumakain ng kanilang kapwa hayop na may pangil, at ang mga ibong may mga mahahabang kuko (na pinansisilo sa kanilang mga biktima)." (Iniulat ni Imam Muslim)
5) Ang mga kinatay na hayop ng iba bukod sa mga Hudyo at Kristiyano ay itinuturing na bulok at ipinagbabawal na kainin. Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi, Qur'an, Kabanata Al-Maa'idah, 5:5;
"Sa araw na ito, pinahintulutan (at ginawang marapat) sa inyo ang mga Tayyibat (lahat ng mabubuti [Halal] na pagkain na minarapat ng Allah bilang pagkain sa inyo) mga laman (karne) ng mga kinatay na pinahintulutang kaining hayop, gatas at mga pagkain mula sa gatas, mga taba, gulay at prutas). Ang mga pagkain (mga kinatay at nakakaing hayop) ng Angkan (na pinagkalooban) ng Kasulatan (Hudyo at Kristiyano) ay pinahihintulutan sa inyo at maging ang inyong (mga pagkain) ay pinahihintulot din sa kanila."
6) Ang lahat ng pagkain at inumin na nakapipinsala sa katawan ng isang tao, tulad ng sigarilyo at mga tulad nito ay ipinagbabawal. Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi, Qur'an, Kabanata An-Nisaa, 4:29;
"At huwag patayin ang inyong mga sarili (o di kaya ay magpatayan sa isa’t isa). Katiyakan, ang Allah ay Maawain sa inyo."
7) Ipinagbabawal ang pagsuot ng seda, ginto at pilak para sa mga lalaki, ang mga ito ay ipinahihintulot sa mga kababaihan lamang. Ang Propeta ng Allah (ﷺ) ay nagsabi; "Ang pagsusuot ng seda at ginto ay ipinahintulot sa mga kababaihan ng aking pamayanan datapwa't ipinagbabawal para sa mga kalalakihan." (Iniulat ni Imam Ahmad)
Ipinahihintulot sa mga lalaki ang pagsuot ng pilak na singsing, sa sinturon at maglagay ng palamuti sa mga sandata.
Ang Mga Piling Du'aa (Panalangin, Pagsusumamo) at Pag-uugali
1) Banggitin ang Pangalan ng Allah (ﷻ) (sa pagsabing 'Bismillah') bago kumain o uminom. Pagkatapos kumain at uminom ay dapat na magpasalamat sa Kanya [sa pamamagitan ng pagsabing 'Alhamdulillah' (papuri at pasasalamat ay para sa Allah (ﷻ)]. Kailangang unang kainin ang nasa inyong harapan (at hindi ang nasa harap ng iba), at gamitin ang kanang kamay kapag kumakain, sapagka't ang kaliwang kamay ay ginagamit sa paglilinis ng mga marurumi (tulad ng maselang bahagi ng katawan pagkatapos gumamit ng palikuran at ibang katulad nito).
Si 'Umar bin Abi Salamah (t) ay nagsabi; 'Noong ako ay bata pa, ako ay nasa hapag-kainan sa loob ng pamamahay ng Propeta ng Allah (ﷺ), at ang aking kamay ay umaabot ng pagkain sa lahat ng pinggan (habang kumakain). Kaya ang Propeta ng Allah (ﷺ) ay nagsabi sa akin;
"O bata, banggitin mo ang Pangalan ng Allah (bago magsimulang kumain), gamitin mo ang kanang kamay at kainin muna ang nasa harapan mo." (Iniulat ni Imam Bukhari)
2) Huwag pintasan ang pagkain, kahit na ito ay hindi nakasisiya o ito man ay nakauumay. Si Abu Hurairah (t) ay nagsabi;
"Ang Propeta ng Allah ay hindi kailanman namintas sa pagkain. Kung nais niya ang pagkain, siya ay kakain at kung ito ay hindi niya nais (ang pagkain) siya ay hindi na lang kakain." (Iniulat ni Imam Bukhari)
3) Ipinagbabawal ang pagpasok sa mga ibang bahay nang walang pahintulot. Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi, Qur'an, Kabanata An-Noor, 24:27;
"O kayong mga Mananampalataya! (mga Muslim) Huwag kayong magsipasok sa mga tahanan maliban sa inyong sariling (tahanan) hanggang kayo ay humingi ng kapahintulutan at batiin yaong nasa loob nito; ito ay higit na makabubuti para sa inyo upang sakali kayo ay (matutong) makaalala."
4) Huwag magpumilit sa paghingi ng pahintulot (nang higit sa tatlong ulit). Ang Propeta (ﷺ) ay nagsabi;
"Ang paghingi ng pahintulot ay hanggang tatlong ulit. Kung kayo ay pinahintulutan, magkagayon kayo ay pumasok, kung walang pahintulot, magkagayon, kayo ay dapat na umalis." (Iniulat ni Imam Muslim)
5) Magbigay ng pagbati sa lahat ng mga Muslim, kahit hindi ninyo kilala (tulad ng pagsabi ng 'As-Salaamu A'laykum), dahil ito ay may dalang pagmamahalan at pagkakapatiran. Ang Propeta ng Allah (ﷺ) ay nagsabi;
"Kayo ay hindi maaaring makapasok sa Paraiso hanggang kayo ay hindi sumasampalataya, at kayo ay hindi magiging tunay na Mananampalataya hanggang hindi kayo nagmamahalan sa isa't isa. Aking sasabihin sa inyo ang isang bagay na kung ito ay inyong gawin, kayo ay magmamahalan sa isa't isa? Magbatian ng 'Salaam' sa bawa't isa." (Iniulat ni Imam Muslim)
6) Kung kayo ay binati ng Salaam, dapat na suklian nang gayon ding pagbati o mas higit na mainam pa roon[81]. Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi, Qur'an, Kabanata An-Nisaa, 4:86;
"At kung kayo ay batiin ng pagbati, sila ay inyong suklian ng pagbati nang higit na mainam (kaysa) rito, o di kaya'y suklian ito nang katumbas na pagbati…"
7) Kung kayo ay makaramdam ng paghihikab, dapat ninyong pigilin ito sa abot ng inyong makakaya. Ang Propeta ng Allah (ﷺ) ay nagsabi;
"Ang paghihikab ay mula sa Satanas. Kung ang isa sa inyo ay nais maghikab, nararapat niyang pigilin ito hanggang makakaya niya. At kung ito ay hindi niya mapigilan at siya ay nakapaghikab nang may ingay tulad ng 'Aahh', ang Shaytaan ay hahalakhak." (Iniulat ni Imam Bukhari)
Kung hindi mapigilan ang paghihikab, dapat niyang takpan ang kanyang bibig ng kanang kamay. Kung ang kaliwang kamay ang gagamitin, dapat gamitin ang likod ng palad at itakip sa bibig.
8) Kapag kayo ay nagbahing, sabihin ang 'Alhamdulillah'. At kung ang ibang Muslim ay nagbahing at nagsabi ng 'Alhamdulillah', nararapat na sagutin ito ng 'Yarhamuk-Allah' (Nawa'y kahabagan ka ng Allah (ﷻ). At kung may sumagot sa iyo ng 'Yarhamuk-Allahu', suklian mo siya ng 'Yahdeekumullah wa yuslihu baalakum' (Nawa'y patnubayan ka ng Allah (ﷻ) at panatilihing mabuti ang iyong kalagayan). Ito ay batay sa salita ng Propeta Muhammad (ﷺ);
"Sinuman ang bumahing, dapat niyang sabihin ang, 'Alhamdulillah', at nararapat tugunin ito ng kanyang mga kapatid o kasama sa pamamagitan ng pagsabing, 'Yarhamuk-Allah', at ang nagbahing ay kailangan niyang suklian ulit ng, 'Yahdeekumullah wa yuslihu baalakum." (Iniulat ni Imam Bukhari)
Kapag ang di-Muslim ay nagsabing, 'Alhamdulillah', dapat suklian lamang siya ng, 'Yahdeekumullah'.
Si Abu Hurairah (t) ay nag-ulat na kapag ang Propeta ng Allah (ﷺ) ay bumahing, tatakpan niya ang kanyang bibig ng kamay o ng kanyang damit at mahina ang kanyang pagbahing.
9) Huwag dumighay sa publiko. Sinabi ni Ibn Umar (t);
"Nang ang isang tao na kasama ng Propeta ng Allah ay dumighay, sinabihan niya na ito nang ganito, 'Pangalagaan mo kami sa iyong pagdighay, sapagka't ang karamihan sa mga nagpapakabusog sa buhay dito ay makalalasap ng pagkagutom nang mahabang panahon sa Araw ng Pagkabuhay-Muli'." (Iniulat ni Tirmidhi)
10) Kapag kayo ay magbibiro, huwag magsasalita ng anumang bagay na nakasasakit, pagmamalabis o pang-aapi sa iba. Ang Propeta ng Allah (ﷺ) ay nagsabi;
"Huwag ipahihintulot na kumuha ng mga bagay mula sa kanyang kapatid (upang siya ay galitin), seryoso man o maging sa pagbibiro." (Iniulat ni Abu Dawud)
Huwag magbiro nang hindi totoo, na siyang nagbibigay-daan sa kasinungalingan upang makapagpatawa lamang. Ang Propeta (ﷺ) ay nagsabi;
"Sumpa sa isang nagsisinungaling sa kanyang mga salita upang makapagpatawa sa mga tao, sumpa sa kanya! sumpa sa kanya!" (Iniulat ni Abu Dawood).
11) Bago matulog, banggitin ang Pangalan ng Allah (ﷻ) at mahiga nang nakatagilid sa kanang bahagi ng katawan. Si Hudayfah ibn al-Yaman (t) ay nagsabi; "Kapag ang Propeta ay mahihiga na upang matulog, siya ay magsasabi ng;
'Bismika amootu wa ahyaa'… Ang kahulugan ay:
"Sa Ngalan Mo (O Allah) ako ay mamamatay at mabubuhay".
At pagkagising, siya ay dapat na magsabi ng;
'Alhamdulillah-illadhi ahyaanaa ba'da maa amaatanaa wa ilayhi-in-nushoor.'
Ang kahulugan ay:
"Lahat ng papuri at pasasalamat ay para sa Allah na Siyang nagbigay buhay pagkaraan (ibinalik tayo mula) sa kamatayan." (Iniulat ni Imam Bukhari)
12) Bago makipagtalik sa inyong asawa, sabihin ang;
"Bismillaah, Allahumma jannibnash-Shaytaan, wa jannib-ish-Shaytaana maa razaqtanaa."…Ang kahulugan ay:
"Sa Ngalan Mo, O Allah, pangalagaan Mo kami laban sa Shaytaan, at pangalagaan Mo ang (supling na) ipagkakaloob Mo sa amin”. (Iniulat ni Imam Bukhari)
At sinabi ng Propeta Muhammad (ﷺ);
"Sinuman ang may hangaring sumiping sa asawa at nagsabi (bago makipagtalik) ng; 'Sa Ngalan Mo, O Allah! pangalagaan Mo kami laban sa Satanas, at pangalagaan Mo ang (supling na) ipagkakaloob Mo sa amin'; at kung ang Allah ay magkakaloob ng anak, ang supling ay di-mapipinsala ng Satanas." (Iniulat ni Imam Bukhari).
Iminumungkahi na hindi dapat ipagsabi ng mag-asawa ang kanilang mga pagtatalik. Ang Propeta (ﷺ) ay nagsabi;
"Katotohanan na ang may pinakamasamang kalagayan sa mga tao sa Kabilang Buhay ay ang mga mag-asawang ipinagsasabi ang kanilang ginawang lihim na pagtatalik."
13) Sa pag-alis mula sa tahanan, ang panalangin ay katulad ng payo ng Propeta (ﷺ);
'Sinuman ang nagsabi ng (bago umalis ng bahay);
"Bismillah, tawakkaltu 'alAllah, laa hawla wa laa quwwata illaa billah."
Ang kahulugan ay:
"Sa Ngalan ng Allah, ako ay nananalig (nagtitiwala at umaasa) sa Allah, walang ibang kapangyarihan o lakas malibang ito ay mula sa Allah.'…
…magkagayon sasabihin sa kanya; ikaw ay pangangalagaan sa lahat ng bagay na iyong gagawin, at ikaw ay kukupkupin (mula sa lahat ng kasamaan), at ang 'Shaytan' ay lalayo at tatalikod sa iyo." (Iniulat ni Tirmidhi)
14) Sa pagdalaw sa mga may karamdaman, ipagdasal ang maysakit tulad ng pag-ulat ng Propeta (ﷺ). Sa kanyang pagdalaw sa mga may-sakit, siya ay mauupo sa gawing ulunan nito at sasabihin nang pitong ulit ang;
"Assalullah al-'Adheem, Rabb ul-'Arsh-'Adheem an yashfik.".Ang kahulugan ay:
"Ako ay nagsusumamo sa Allah, ang Dakila, ang Rabb (Panginoon) ng Dakilang Kaharian at Luklukan, na nawa'y pagalingin ka."
Ang Propeta (ﷺ) ay nagsabi;
"Kung naitakda ng Allah na siya ay mabubuhay nang mahabang panahon, siya ay gagaling sa kanyang karamdaman." (Iniulat ni Ibn Hibban)
15) Sa pagtungo sa palikuran, nararapat pumasok na una ang kaliwang paa at magsabi ng;
"Bismillah Allahumma inni a'oodhu bika min al-kubti wal-khaba'ith."
Ang kahulugan ay:
"Sa Ngalan Mo, O Allah, ako ay nagpapakupkop sa Iyo mula sa mga lalaki at babaing demonyo." (Iniulat ni Imam Bukhari)
Sa paglabas ng palikuran, lumabas na una ang kanang paa at magsasabi ng;
"Ghufraanak."… Ang kahulugan ay:
"Ako ay patawarin Mo[82]." (Iniulat ni Ibn Hibban at ni Ibn Maajah)
Ang Mga Payong Pagkakapatiran
1) Dapat malaman na ang lahat ng mga nakaraang kasalanan ng isang taong yumakap sa Islam nang buong katapatan ay pinatatawad ng Allah (ﷻ). Ang Propeta (ﷺ) ay nagsabi;
"Alam ba ninyo na pinapawi ng Islam ang lahat ng nakaraaan (kasalanan)." (Iniulat ni Imam Muslim)
Higit pa rito, dahil sa kagandahang loob at habag ng Allah (ﷻ), ang lahat ng kasalanang nagawa bago yumakap ng Islam ay pinapalitan ng Allah (ﷻ) bilang magagandang gawain. Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi sa Qur'an, Kabanata Al-Furqan, 25:68-70
"At sila yaong hindi dumadalangin sa ibang ilah (diyos) na itinatambal sa Allah, sila na hindi pumatay ng kapwa-tao na ipinagbabawal ng Allah, maliban sa makatotohanang (makatuwirang) dahilan, at hindi nagkasala ng bawal na pakikipagtalik at sinumang gumawa nito ay makakatanggap ng kaparusahan[83]. Ang parusa ay pag-iibayuhin sa kanya sa Araw ng Pagkabuhay Muli, at siya ay mananatili roon na kadusta-dusta; maliban yaong nagsisi at naniwala at gumawa ng kabutihan; para sa kanila, ay papalitan ng Allah ang kanilang mga kasalanan ng mga mabubuting gawa, at ang Allah ay Laging Nang Mapagpatawad, ang Maawain."
Tunghayan itong magandang balita mula sa Allah (ﷻ). Ang mga taong yumakap sa Islam mula sa mga Angkan (na pinagkalooban) ng Kasulatan (Kristiyano at Hudyo) ay magkakaroon ng dalawang gantimpala nang dahil sa kanilang paniniwala sa kanilang mga Propeta at sa kanilang paniniwala kay Propeta Muhammad (ﷺ) bilang Huling Sugo ng Allah. Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi, Qur'an, Kabanata Al-Qasas, 28:52-54;
"Yaong sa kanila ay Aming ipinagkaloob ang Kasulatan (ang Tawrat at Injeel) bago pa man ito, sila ay naniwala (sa Qur'an). At nang ito ay bigkasin sa kanila, sila ay nagsabing: "Kami ay naniniwala rito. Tunay na ito ay katotohanan mula sa aming Rabb (Panginoon). Tunay nga na kahit noon pa man kami ay nabibilang sa mga Muslim (taong sumusuko ng mga sarili sa Allah sa Islam (tulad ni Abdullah bin Salam at Salman Farsi). Sa kanila ay ipagkakaloob ang dalawang gantimpala sapagka't sila ay matiisin, at umiiwas sa kasamaan (sa pamamagitan ng paggawa ng kabutihan), at gumugugol (sa kawanggawa) mula sa anumang bagay na ipinagkaloob sa kanila."
Ang Propeta ng Allah (ﷺ) ay nagsabi;
"Sinuman ang yumakap sa Islam mula sa dalawang Angkan (na pinagkalooban) ng Kasulatan (mga Hudyo at Kristiyano), sila ay magkakaroon ng dalawang gantimpala. Sila ay tatanggap ng mga karapatan na ating tinatamasa at sila ay nararapat magbigay ng mga karapatan tulad ng ating ipinagkakaloob. At kung sinuman ang tumanggap sa Islam mula sa mga Pagano (bukod sa kanila), ay tatanggap ng kanilang gantimpala, at matatamasa nila ang mga karapatan na ating tinatamasa, at sila ay nararapat magbigay ng karapatan na ating ipinagkakaloob." (Iniulat ni Imam Ahmad)
Kaya, bilang bagong yakap sa Islam, kayo ay magsisimulang mamuhay sa ilalim ng relihiyong Islam na ang inyong talaan ay maputi at malinis, kaya naman iwasan ang mga mali at makasalanang gawain.
2) Ngayong inyong nababatid na ang katotohanan, nararapat na maglaan ng sapat na panahon sa pag-aaral ng inyong Deen (Relihiyon). Ang Propeta ng Allah (ﷺ) ay nagsabi;
"Kung hangarin ng Allah ang kabutihan para sa isang tao, binibigyan Niya ito ng kakayahang maunawaan ang kanyang relihiyon." (Iniulat ni Imam Bukhari)
Maglaan ng sapat na oras sa pag-aaral ng kaalamang nauukol sa 'Aqeedah (Ang Prinsipiyo ng Islamikong Paniniwala), at pagkatapos ay pag-aralan din ang lahat ng mahahalagang kaalaman hinggil sa pang-araw-araw na pamumuhay ng inyong Deen (Relihiyon) tulad ng (Tahara) Paglilinis, (As-Salaah) Pagdarasal at ang mga ibang pangunahing katuruan. Dapat ding matutunan ang mga batas tungkol sa pangangalakal, at paghahanap-buhay, upang sa ganoon ay hindi kayo masadlak sa mga bagay na ipinagbabawal. At nararapat na gawin ang makakaya upang maisaulo ang Aklat ng Allah (ﷻ) (ang Qur'an).
Dapat ninyong maunawaan ang inyong Deen (Relihiyon) batay sa wasto at mapagkakatiwalaang pinagmulan nito– ang Qur'an at 'Sunnah' ng Propeta (ﷺ).
Gawin ninyong huwaran si Propeta Muhammad (ﷺ) at pag-aralan ang kanyang talambuhay upang pamarisan. Kung maaari ay lagi kayong makisama sa mga Maalam na Muslim o sa mga mag-aaral na may tamang kaalaman sa Islam, sila na isinasakatuparan ang anumang kanilang itinuturo.
Dapat malaman na hindi lahat ng nag-aangkin bilang mga Muslim ay tunay na Muslim. Samakatuwid, maging maingat sa sinumang inyong pinagkukuhanan ng kaalaman tungkol sa Islam. Anuman ang inyong nababasa o naririnig ay nararapat na pag-aralang mabuti o isangguni batay sa aral ng Qur'an at Sunnah ng Propeta (ﷺ) (ang Sunnah ay dapat nauunawaan batay sa mga paliwanag ng mga napatnubayang mga naunang mabubuting Muslim). Ang Propeta (ﷺ) ay nagsabi;
"Pinagpapayuhan ko kayo nang may kaakibat na takot (Taqwaa) sa Allah, makinig at sumunod maging sa isang alipin na taga Ethiopia na putol ang paa (kung siya ang inyong maging pinuno). Sa katotohanan, sinuman sa inyo ang mabuhay ng mahabang panahon ay makasasaksi ng mga iba't ibang pagbabago (sa relihiyon). Kaya, dapat na manatili sa aking Sunnah at sa Sunnah ng mga napatnubayang mga Khalifa (pinuno). Humawak nang mahigpit at kumapit sa pamamagitan ng inyong mga bagang (ngiping pang-nguya). At mag-ingat sa mga gawaing Bid'aah (mga gawaing salungat sa aral ng Islam). Sapagka't, katotohanan na ang mga gawaing pagbabago ay Bid'aah (mga gawaing salungat sa aral ng Islam), at bawa't Bid'aah ay (nag-aakay sa) pagkakaligaw (sa patnubay)." (Iniulat ni ibn Hibban at Abu Dawood)
Anuman ang umaayon sa kanyang Sunnah, ito ay dapat kuhanin at sundin, at anuman ang sumalungat ay nararapat na talikdan o iwasan. (Kaya, kung kayo ay nag-aalinlangan ukol sa isang bagay, ito ay dapat na isangguni sa isang mabuti, mapagkakatiwalaan o mapananaligang maalam na Muslim). Ang Propeta ng Allah (ﷺ) ay nagsabi;
"Ang mga Hudyo ay nagkahati-hati sa pitumput-isang (71) sekta, ang isa ay nasa Paraiso at ang pitumpu ay nasa Impiyerno. Ang mga Kristiyano ay nahati sa pitumput-dalawang (72) sekta, ang isa ay nasa Paraiso at ang pitumput-isa ay nasa Impiyerno. Sa ngalan ng Allah, na Siyang may tangan ng kaluluwa ni Muhammad, ang aking 'Ummah' (pamayanan) ay mahahati sa pitumput-tatlong (73) sekta, ang isa ay mapupunta sa Paraiso at ang pitumput-dalawa ay masasadlak sa Impiyerno.', May nagtanong , 'O Propeta ng Allah, sino ang mapupunta sa Paraiso?' Siya ay sumagot, 'Ang Jamaa'ah.[84]" (Iniulat ni ibn Maajah)
3) 'Al-Wala at Al-Barra'. Ito ay nangangahulugan na inyong mahalin at makipag-isa sa mga Mananampalataya at inyong kasuklaman ang mga gawain ng di-Mananampalataya at sila ay ituring mong kaaway. Nguni't hindi ito nangangahulugan na sila ay apihin at labagin o kamkamin ang kanilang karapatan. Huwag mo silang kasuklaman nang dahil lamang sa kanilang pagkatao, kundi dahil sa kanilang kawalan ng pananampalataya at maling paniniwala at sa kanilang pagkakaligaw sa tamang landas. Sa ganitong kalagayan, kailangan mo silang anyayahan at gawin ang lahat ng makakaya upang akayin sila sa tamang landas at upang sila ay mailayo sa Impiyerno. (Sa pamamagitan Da 'wah o pagpapaliwanag sa Islam). Mas higit ang pakikipagkaibigan sa mga Muslim kaysa sa di-Muslim at huwag silang tulungan laban sa mga Muslim. Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi, Qur'an, Kabanata Al-Tawbah, 9:71;
"Ang mga Mananampalataya, mga lalaki at mga babae, sila ay Awliyaa (tagapagtangkilik, kapanalig, kaibigan, tagapangalaga) sa isa't isa…"
4) Dapat malaman na sinuman ang yumakap sa Islam ay nakararanas ng masidhing pang-aapi at nagkakaroon ng di-pagkakaunawaan sa kanilang mga malalapit na kamag-anakan o kaibigan. Alalahanin na ang pagsubok na ito ay nagiging daan upang higit pang umunlad ang ating Iman (paniniwala, pananampalaya at pananalig) nagpapadalisay sa atin mula sa mga kasalanan, at ito ay nagsisilbing isang pagsubok mula sa Allah (ﷻ) upang makita ang ating katapatan sa ating relihiyon. Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi, Qur'an, Kabanata Al-Ankaboot, 29:2-3;
"Inaakala ba ng sangkatauhan na sila ay hahayaan na lamang sapagka't sila ay nagsasabi: 'Kami ay naniniwala', at sila ay hindi isasailalim sa pagsubok? Katotohanan, Aming sinubukan ang mga tao na nauna pa sa kanila, at katiyakang ipakikita ng Allah yaong mga matatapat at katiyakan din na ipakikita ng Allah yaong mga sinungaling (bagaman ganap na nababatid ng Allah ang lahat bago pa sila sinubukan)."
Minsan, ang Propeta (ﷺ) ay tinanong;
"Sino ba ang mga taong binigyan nang higit na pagsubok? Siya ay sumagot, 'Ang mga Propeta, sumunod ang mga mabubuti (kasamahan) at ang mga sumunod sa kanila at ang mga sumunod pa sa kanila. Ang lahat ng tao ay sinusubukan nang ayon sa kanilang antas ng katapatan sa relihiyon, kung ang kanyang paniniwala ay malakas, siya ay susubukan nang mahigpit at kung ang kanyang pananampalataya ay marupok, ang kanyang pagsubok ay mahina din. Ang tao ay lagi nang bibigyan ng pagsubok at pagsusuri hanggang siya ay lumakad sa ibabaw ng mundo nang walang bahid ng kasalanan (mapasakanila ang kapatawaran sa pamamagitan ng pagsubok)." (Iniulat ni Imam Ahmad)
Dapat malaman na sila (mga di-Mananampalataya) ay hindi magsisitigil sa paghimok sa inyo upang kayo ay mag-alinlangan at kanilang laging ipinaaalala ang mga pag-aalinlangan sa inyo. Kaya naman nararapat na kayo ay magtanong sa mga taong maalam upang maglaho at mapawi ang mga pag-aalinlangan, mula sa Qur'an at sa Sunnah.
5) Ang Da'wah (pagpapalaganap sa Relihiyon ng Allah (ﷻ) at ang mga tunay na katuruan mula sa Sunnah. Kayo ay dapat na maalam sa inyong panawagan at pagpapalaganap sa katuruang Islam. Sa ganitong paraan, ang mga alinlangan na inilalahad ng mga kaaway ng Islam ay dagliang maipaliliwanag sa paraang mahusay at matatag. Ang Da'wah (pagpapalaganap ng Islam) ay kailangang batay sa Salita ng Allah (ﷻ), Qur'an, Kabanata An-Nahl, 16:125;
"Anyayahan (ang sangkatauhan, O Muhammad) sa Landas ng iyong Rabb (Panginoon) nang may karunungan (sa pamamagitan ng Qur'an) at kaaya-ayang pakikipagtalakayan, at makipagtalo sa kanila sa paraang makabubuti. Katotohanan, ang iyong Rabb (Panginoon) ay higit na nakababatid kung sino ang napaligaw mula sa Kanyang Landas, at (Lubos) Niyang natatalos yaong mga napatnubayan."
Kailangang gawin ang lahat ng makakayanan upang mailigtas ang iba mula sa Impiyerno, tulad ng pagkakaligtas sa iyo ng Allah (ﷻ) mula rito, at simulan ito sa mga malalapit sa iyo. Dapat laging alalahanin ang Salita ng Propeta (ﷺ);
"Hindi ako isinugo ng Allah upang magpahirap sa mga bagay, bagkus bilang isang guro at upang gawing magaan ang mga bagay." (Iniulat ni Imam Muslim)
Dapat malaman na mayroong malaking biyayang naghihintay mula sa Allah (ﷻ) sa pag-akay sa isang tao upang maging Muslim. Ang Propeta (ﷺ) ay nagsabi kay Ali (t);
"Kapag ang Allah ay nagpatnubay sa pamamagitan mo kahit isang tao lamang (upang maging Muslim), ito ay higit na mabuti kaysa sa (halaga ng) mundo at ng nilalaman nito.
At katiyakan na kayo ay makatatanggap ng gantimpalang tulad ng mga taong napatnubayan sa pamamagitan ng iyong Da'wah (pagpapalaganap ng Islam) na walang kabawasan sa kanilang gantimpala kahit na katiting. Ang Propeta (ﷺ) ay nagsabi;
"Sinuman ang mag-anyaya tungo sa tamang patnubay, siya ay makakatanggap ng karagdagang gantimpalang katumbas ng gantimpala ng mga sumunod sa kanya, na walang kabawasan sa kanilang gantimpala kahit na bahagya lamang. Sinuman ang mag-anyaya tungo sa ligaw na landas, siya ay makakatanggap ng kasalanang tulad ng mga kasalanan ng mga sumunod sa kanya, na walang kabawasan sa kaparusahan (ng mga sumunod) kahit na bahagya lamang." (Iniulat ni Imam Muslim)
Dapat malaman na ang Da'wah (pagpapalaganap at pag-anyaya sa Deen [Relihiyong Islam]) sa mga di-Muslim ay isang tungkulin ng bawa't Muslim, kaya huwag magpabaya sa pagsasakatuparan ng tungkuling ito. Ang Propeta ng Allah (ﷺ) ay nagsabi:
"Ipalaganap sa iba (ang Deen, relihiyong Islam), kahit sa pamamagitan ng isang ayah (talata) lamang." (Iniulat ni Tirmidhi)
Gawin mong mahalin ng mga tao ang relihiyong ng Allah (ﷻ). Ang Propeta (ﷺ) ay nagsabi;
"Magbigay ng magandang balita at huwag maging dahilan upang ang mga tao ay lumayo sa Deen (Relihiyon), gawing magaan ang mga bagay para sa mga tao at huwag gawing mahirap ang mga bagay." (Iniulat ni Imam Muslim)
Dapat mong malaman na ang bunga ng pag-anyaya sa iba para sa Islam ay hindi ninyo pananagutan, dahil ang inyong gawain ay para lamang magpaliwanag at ipakita sa mga tao ang daan ng katotohanan. Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi, Qur'an, Kabanata Ash-Shooraa, 42:52-53;
"At sa gayon, Aming ipinadala sa iyo (O Muhammad) ang Ruh (ang Kapahayagan at Habag) ng Aming Kautusan. Hindi mo nababatid (noon) kung ano ang Aklat o kung ano ang Iman (pananalig). Nguni’t ginawa Namin ito (ang Qur’an) bilang Liwanag na nagbibigay (tanglaw) patnubay sa sinuman sa Aming mga alipin na Aming naisin. At katotohanan, ikaw (O Muhammad) ang umaakay (sa sangkatauhan) tungo sa Tuwid na Landas."
Tungkol sa patnubay sa pagsasakatuparan ng Islam, tanging ito ay nagmumula sa Dakilang Allah (ﷻ). Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi, Qur'an, Kabanata Al-Qasas, 28:56;
"Katotohanan, ikaw (O Muhammad) ay hindi nagpapatnubay sa sinumang iyong naisin, bagkus, ang Allah ang nagpapatnubay sa sinumang Kanyang naisin. At Kanyang nababatid nang lubusan yaong mga napatnubayan."
6) Gawin ang lahat ng makakaya upang makapili ng mga mabubuting kasamahan na maghihikayat at makatutulong sa iyo sa paggawa ng kabutihan, magpapa-alaala at pipigil sa iyo sa paggawa ng kasalanan at magtataguyod o tatangkilik sa buhay mo. Ang Propeta (ﷺ) ay nagsabi;
"Ang halimbawa ng isang mabuti at masamang kasamahan ay katulad ng isang may dalang pabango at ang isang panday. Ang may dalang pabango ay maaaring magkapagbigay sa iyo ng pabango o maaaring ikaw ay bumili o kahit papaano ikaw ay makaaamoy ng bango nito. Nguni't sa isang panday, maaaring masunog niya ang kanyang damit o kaya ikaw ay makaaamoy nang masangsang na amoy mula sa kanya (panday)." (Iniulat ni Imam Bukhari)
7) Mag-ingat upang hindi makagawa ng kalabisan sa Relihiyon. Walang monastisismo (pagtalikod sa makamundong gawain tulad ng pari, madre o hermitanyo) o pagiging panatisismo sa relihiyon. Ang Dakilang Allah (ﷻ) ay nagsabi, Qur'an, Kabanata Al-Baqarah, 2:185;
"….Ang Allah ay naglalayon na gawing magaan ito para sa inyo at hindi Niya ninanais na gawing mahirap ang mga bagay para sa inyo. (Nais lamang Niya) na isakatuparan sa ganap na kaayusan ang mga itinakdang araw ng pag-aayuno at Siya ay inyong luwalhatiin nang dahil sa patnubay na ipinagkaloob sa inyo upang kayo ay (matutong) magpasalamat sa Kanya."
Si Anas bin Malik (t) ay nagsabi;
"May tatlong taong nagtungo sa pamamahay ng mga asawa ng Propeta na nagtanong tungkol sa pagsasagawa ng pagsamba ng Propeta. Nang kanilang napag-alaman, inisip nilang ito ay magaan para sa kanila at sinabi nila; 'Sino tayo kung ihambing sa Propeta, sa katotohanan pinatawad na siya ng Allah (ﷻ) sa kanyang mga nakaraang kasalanang nagawa at sa hinaharap.' Ang isa sa kanila ay nagsabi, 'Ako ay magdarasal sa buong magdamag.' Ang isa naman ay nagsabi; 'Ako ay mag-aayuno araw-araw nang walang patlang,' at ang isa naman ay nagsabi, 'Ako ay lalayo sa mga babae at hindi mag-aasawa.' Nang ang Propeta ng Allah ay dumating (at napag-alaman ang mga ito) ay nagsabi, 'Kayo ba ang nagsabi ng ganito?' 'Sa Ngalan ng Allah (ﷻ), tunay na ako ang may higit na takot sa Allah (ﷻ), at ako ang higit na maingat mula sa inyo, nguni't ako ay nag-aayuno at kumakain, ako ay nagdarasal at natutulog, at ako ay nag-asawa. Sinuman ang tumahak nang lihis sa aking Sunnah, siya ay hindi nabibilang sa akin'." (Iniulat ni Imam Bukhari)
Sa kabilang dako, walang dapat mangyaring kompromiso o mga di-makatwirang kaluwagan sa Deen (Relihiyon) ng Allah ﷻ. Ang Propeta (ﷺ) ay nagsabi;
"Pagkatiwalaan ninyo ako sa aking ipinag-uutos sa inyo. Katotohanan, ang mga nauna sa inyo ay napinsala dahil sa kanilang (lagi nang) pag-aalinlangan, pagtatanong at pagsalungat sa kanilang mga Propeta. Kung pinagbawalan ko kayo mula sa isang bagay, kayo ay lumayo nang ganap mula dito, at kung pinag-utusan ko kayong gumawa ng isang bagay, gawin ang lahat ng inyong makakayanan." (Iniulat ni Imam Bukhari)
8) Marami kayong makikitang mga Muslim na hindi nakatutupad sa kanilang mga tungkulin at hindi umiiwas sa mga ipinagbabawal ng Deen (Relihiyon). Hindi nila tinutupad ang kanilang tungkulin sa pagpapalaganap ng Islam (Da'wah). Sila ay nagkakaiba tungkol dito. Ang iba ay tumutupad sa kanilang tungkulin sa ganap na pamamaraan kaysa sa iba. Isa sa dahilan ay ang pagpupumilit ng Shaytaan na iligaw ang mga anak ni Adan. Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi, Qur'an, Kabanata As-Saad, 38:82;
"Ang Satanas [Iblis]) ay nagsabi: “Sa pamamagitan ng Inyong kapangyarihan, katiyakan, na silang lahat ay aking ililigaw (mula sa tuwid na landas),"
Siya (Iblis) ay nagbanta na gagawin niya ang lahat ng kanyang makakayanan upang iligaw ang sangkatauhan (ang mga anak ni Adan). Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi, Qur'an, Kabanata Al-A'raaf, 7:11-18;
"At tunay nga, na kayo ay Aming nilikha at pagkaraan, kayo ay Aming binigyan ng hubog (marangal na hubog ng tao), at pagkaraan, Aming sinabi sa mga anghel, “Kayo ay magpatirapa kay Adan” at sila ay nagpatirapa nguni't hindi ang Iblis (ang Satanas), siya ay tumangging mapabilang sa (hanay ng) mga nagpatirapa. (Ang Allah ay) Nagsabi: “Ano ang pumipigil sa iyo (O Iblis) at (bakit) ikaw ay hindi nagpatirapa, nang ikaw ay Aking pag-utusan?” Siya (Iblis) ay sumagot: “Ako ay nakahihigit sa kanya (kay Adan), ako ay Iyong nilikha mula sa Apoy, samantalang siya ay Iyong nilikha mula sa putik (lamang).” (Ang Allah ay) Nagsabi: “O (Iblis) ikaw ay bumaba mula rito (sa Paraiso), hindi (marapat) para sa iyo na ikaw ay maging mapagmataas dito. Kaya, ikaw ay lumayas sapagka't ikaw ay nabibilang sa mga kaaba-aba.” (Ang Iblis ay) nagsabi: “Itulot sa akin ang (sandaling) palugit hanggang sa (pagsapit ng) Araw na sila (mga tao) ay ibabangon (sa Araw ng Pagkabuhay Muli).” (Ang Allah ay) nagsabi:“Ikaw ay kabilang sa mga binigyan ng (sandaling) palugit.” (Ang Iblis ay) Nagsabi :"Sapagka't ako ay Iyong hinayaang mapaligaw, katiyakan ako ay maghihintay na nakaabang laban sa kanila (sa mga tao) sa Iyong matuwid na landas. “At pagkatapos ako ay darating sa kanila mula sa kanilang harapan at sa kanilang likuran, mula sa kanilang kanan at mula sa kanilang kaliwa at hindi Mo matatagpuan ang karamihan sa kanila na mapagpasalamat.” (Ang Allah ay) Nagsabi (sa Satanas [Iblis]) ikaw ay lumayas mula rito (sa Paraiso) na hamak at kinamuhian. Sinuman sa kanila (sa sangkatauhan) ang sumunod sa iyo, katiyakang Aking pupunuin ang Impiyerno mula sa inyong lahat."
Huwag kayong panghinaan ng loob at mawalan ng pag-asa sa pagsasagawa ng inyong tungkulin sa pagpapalaganap (Da'wah) sa Deen (Relihiyon) ng Allah (ﷻ), manapa'y ituring na ito ay malaking inspirasyon upang gawin ang lahat ng makakayanan sa pagpapalaganap ng Deen (Relihiyon) ng Allah (ﷻ).
9) Ipakita sa pag-uugali ang mga Islamikong kaugalian at kaasalan sa pang-araw-araw na pamumuhay; tulad ng pagtulong sa mga nangangailangan kakilala man siya o hindi at ang pakikipag-usap sa iyong mga kapatid nang masaya at may ngiti sa labi. Ang Propeta (ﷺ) ay nagsabi;
"Ang pagngiti sa iyong mga kapatid ay itinuturing na isang kawanggawa, ang pag-anyaya sa paggawa ng mabuti at ang pagbabawal ng masama ay isang kawanggawa, ang pagtulong at pagturo ng daan sa mga naliligaw ay isang kawanggawa, ang paglingap sa mga bulag o may mahinang paningin ay isang kawanggawa, ang pag-alis ng tinik o bato sa dinaraanan ay isang kawanggawa, at ang paglagay ng tubig sa inuming lalagyan ng iyong kapatid ay isang kawanggawa." (Saheeh ibn Hibbaan)
Ang inyong mga pananamit at lahat ng inyong mga gamit ay dapat malinis. Ang isang Muslim ay nararapat na laging malinis, sapagka't ang inyong Deen (Relihiyon) ay Deen ng kalinisan. Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi, Qur'an, Kabanata Al-A'raaf, 7:31;
"O mga anak ni Adan! Maglagay kayo ng palamuti (sa pamamagitan ng pagsusuot ng malinis na damit), habang nagdarasal…"
Binibigyan-diin ng Islam na ang Muslim ay may pagkakaiba sa ibang relihiyon at pag-uugali. Ang Propeta Muhammad (ﷺ) ay nagsabi;
"Linisin ninyo ang inyong mga bakuran, sapagka't ang mga Hudyo ay hindi naglilinis ng kanilang mga bakuran." (Iniulat ni Al-Jaami)
Gawin ang lahat ng makakaya sa paggawa ng mga kabutihan, tulad ng pagbibigay ng kawanggawa, pagsasagawa ng mga kusang-loob na pagdarasal at iba pang uri ng gawaing pagsamba.
Kapag ang isang Muslim ay nagsasagawa ng mga nabanggit na kabutihan (sa itaas), ito ay nagsisilbing isang uri ng paglalarawan ng di-tuwirang Da'wah sa mga ibang Muslim na walang pagpapahalaga at walang pagmamalasakit sa kanilang Deen. Ito ay isa ring pagbibigay ng Da'wah sa mga di-Muslim sapagka't nagiging mapag-usisa sila sa mga magagandang aspetong nakikita nila sa pagsasakatuparan mo ng Islam. Sa gayon, sila ay nagkakaroon ng sigla o sigasig na mapag-alaman ang mga aral ng Islam.
Pakitunguhan nang maayos at mabuti ang inyong mga kamag-anak at huwag putulin ang ugnayang pangkamag-anakan kahit na sila ay laban sa inyong pagiging Muslim. Ang inyong ugnayan ay dapat na higit na maganda kaysa noong dati upang sa gayon ay kanilang maibigan ang inyong pamamaraan ng buhay (ang pagiging Muslim) sa ngayon at sila ay magiging malapit sa Islam. Kanilang mababatid na ang inyong pag-uugali ay higit na mabuti kaysa noon. Si Asmaa' (t) ay nagsabi;
"Ang aking ina, na isang pagano sa panahon ng Propeta ng Allah, ay dumalaw sa akin, kaya tinanong ko ang Propeta ng Allah; 'Ang aking Ina ay nagnanais na makipagkita sa akin. Dapat ko bang ipagpatuloy ang aming ugnayan?' Siya ay sumagot; 'Oo, kailangan mong pangalagaan ang ugnayan ninyong mag-ina." (Iniulat ni Imam Bukhari)
10) Dapat malaman na ang hamon sa pagitan ng kabutihan at kasamaan ay mananatili hanggang sa Huling Araw. Ang kahinaan ng mga Muslim at ang lakas na pang-materyal ng mga di-Mananampalataya, ang pagkaminorya ng mga Muslim at ang pagdami ng mga di-Mananampalataya, ang sinasabing kawalang-kaunlaran ng buhay ng mga Muslim at ang pag-unlad ng mga di-Mananampalataya, ang pagiging mahina ng mga Muslim at ng pagiging malakas at may karangalan ng mga di-Mananampalataya; wala sa mga ito ang palatandaan na ang Islam ay walang katotohanan. Ito ay bunga lamang ng mga pagkukulang ng mga Muslim sa pagsasakatuparan ng mga alituntunin at kautusan ng kanilang Rabb (Panginoon) at ang kanilang pagtalikod sa pagsasagawa ng mabuti at ang pagkalimot sa pagtawag sa Allah (ﷻ). Si 'Umar ibn Al-Khattaab (t) ang pangalawang Khalifa (namumuo) ay nagsalaysay na si Propeta ng Allah (ﷺ) ay nagsabi;
"Tayo ay mga mamamayang pinarangalan ng Allah ﷻ at binigyan ng lakas sa pamamagitan ng Islam. Kung tayo ay maghanap ng karangalan sa ibang pamamaraan, tayo ay hihiyain ng Allah ﷻ. Ang katotohanan ay dapat sundin sapagka't ito ang dahilan ng pagkakalikha Niya sa Paraiso at Impiyerno, at Siya ay nangako na Kanyang pupunuin ang bawa't isa nito (ng tao at jinn)."
11) Tandaan mga kapatid na tayo ay nasa huling panahon (ang Huling Araw ay nalalapit na), at bawa't taon na lumilipas, tayo ay lalong napapalapit sa wakas ng mundo at ang Oras ay malapit ng maganap. Ang Propeta (ﷺ) ay nagsabi;
"Ang aking sarili at ang Oras ay naitatag tulad nitong dalawa, at itinaas na magkadikit ang kanyang hintuturo at ang kanyang gitnang daliri." (Iniulat ni Imam Bukhari)
Sinabi ng Propeta ang kalagayan ng Islam (at ang mga Muslim) sa panahon na iyon, at sinabi;
"Ang Islam ay nagsimula bilang isang kakaibang bagay, at ito ay babalik na kakaiba tulad nang una. Kaya naman ito ay magandang balita sa mga dayuhan." (Iniulat ni Imam Muslim)
Ang pagkakaroon ng maraming tagasunod ay hindi katibayan bilang patunay ng isang sistema o pamamaraan. At sinabi ng Propeta (ﷺ);
"Magandang balita sa mga dayuhan! Magandang balita sa mga dayuhan! Magandang balita sa mga dayuhan!' May nagtanong; 'Sino ang mga dayuhan, O Propeta ng Allah? Siya ay sumagot, 'Sila yaong mga mabubuting tao sa gitna ng maraming masasamang tao. Ang mga taong sumusuway ay higit na marami kaysa sa mga taong masunurin." (Iniulat ni Imam Ahmed)
Ipinaliwanag din niya ang kalagayan ng mga Muslim kung ano ang magiging kahihinatnan ng mga taong gumagawa at tumatahak sa kanyang Deen (Relihiyon), at kung ano ang ibat-ibang itinakdang paghihigpit at pagbabawal na kanilang kinahaharap sa pagsasakatuparan ng kanilang Relihiyon, maging ito man ay pangpisikal at pang-kaisipan. Ang Propeta Muhammad (ﷺ) ay nagsabi;
"Ipag-utos ang kabutihan at ipagbawal ang kasamaan, datapwa't kung inyong makita na ang kasakiman ay sinunod, at sinundan ng pagnanasa, at ang buhay ng mundong ito ay nagdudulot ng kasamaan sa mga tao, na ang mga tao ay nasisiyahan sa kanilang mga sariling haka-haka, magkagayon, nararapat na maging matatag sa sarili at hayaan yaong nag-aanyaya sa mga tao nang kabutihan sapagka't pagkaraan mo ay magkakaroon ng mga araw na ang pagiging matiisin sa kanila ay katulad ng pagsakmal ng mainit na uling. At ang isang taong gumagawa ng mabubuting gawain mula sa kanila ay makatatanggap ng gantimpalang katumbas ng limampung taong gumagawa ng gayong gawain." (Saheeh ibn Hibban)
Ipinaalam ng Propeta at sinabi na kung ang 'Araw ng Pagbabangong-Muli' ay malapit na, ang Deen (relihiyon) ay unti-unti mawawala hanggang ito ay tuluyan nang maglaho. Walang taong nagsasabi ng 'Laa ilaaha ill-Allah' ang mananatili sa ibabaw ng mundo at ang mga taong pinakamasama lamang ang matitira, kaya sa sandaling iyon ay kanilang madarama ang (pagsapit ng) Huling Oras.
Sa isang mahabang Hadeeth, si Nawwaas ibn Sam'aan (t) ay naglahad ng kasaysayan ng Dajjaal (ang Bulaang-Kristo), ang pag-akyat sa langit ni Eessa ibn Maryam (Hesukristou), at ang pagdating ng 'Ya'ooj at Ma'jooj' (Gog & Magog) na nagsasabing;
"…pagkatapos ang Allah ay magpapadala ng mabuti at dalisay na hangin na kukuha sa kanila mula sa ilalim ng kanilang mga kili-kili. Kukunin nito ang lahat ng mga Mu'min (mga ganap na mabubuting Muslim) at ang mga karaniwang Muslim, at ang mga pinakamasamang tao lamang ang maiiwan. Sila ay makikipagtalik sa harap ng mga tao na tulad ng mga asno at ang (hudyat ng Takdang) Oras ay darating sa kanila." (Iniulat ni Imam Muslim)
12) Dapat nating malaman na ang lahat ng mga pangyayari (o gawa) ay mahahatulan batay sa paraan ng kanilang nilayon. Kaya naman laging magsumamo (manalangin) sa Allah (ﷻ) na nawa'y gawing matatag ang ating pananampalataya sa Islam at nawa'y kunin tayo ng Allah (ﷻ) na nasa mabuting kalagayan sa Huling Araw. Samakatuwid, kailangang tiyakin ng bawa't isa sa atin na ang ating mga salita at mga gawa ay para lamang sa Allah (ﷻ), at nawa'y ang lahat ng gawain natin ay alinsunod sa Kanyang mga alituntunin, at gugulin natin ang mga nalalabing panahon sa pagsasagawa ng mga gawaing kinalulugdan at kinasisiyahan ng Allah (ﷻ). Dapat nating bilangin ang lahat ng ating pagkakautang bago dumating ang Oras ng Pananagutan at nararapat din na makita ng Allah (ﷻ) ang mga bagay na Kanyang ipinag-uutos sa ating buhay at hindi ang mga bagay na Kanyang ipinagbabawal.
Dinadalangin ko sa Allah (ﷻ) na nawa'y lagi Niya tayong gabayan at gawing maging matatag sa pagsunod sa Kanyang Deen (Relihiyon) at nawa'y ipagkaloob Niya sa atin ang wakas ng buhay sa kalagayan ng isang mabuting Muslim. Ameen.
Paunawa mula sa mga Tagasalin ng Tagalog:
"Ang mga isinaling talata mula sa Banal na Qur'an at sa mga Hadith at Sunnah ng Sugo ng Allah (ﷺ) ay mga pawang paliwanag ng mga tagasalin na inaakalang pinakamalapit sa pagpapakahulugan. Ang mga orihinal na Salita ng Allah (ﷻ) (ang Qur'an) at ang mga Hadith at Sunnah ng Propeta (ﷺ) ay makikita lamang sa mga orihinal na Arabik na pagkasulat."
Nawa'y tanggapin ng Dakilang Allah ang aming hamak na pagsisikap at patawarin kami sa aming mga pagkakamali." Ameen
الحمد لله رب العالمين
وصلى الله وسلم على نبينا محمد وآله وسلم
Lahat ng Papuri at pagsamba ay nauukol lamang sa Allah, ang Rabb (Panginoon) ng mga Daigdig at nawa’y purihin at itampok ng Allah ang pagbanggit sa Kanyang Propeta (ﷺ) at ang kanyang pamilya at iligtas siya mula sa anumang kasamaan.
Kung nais ninyong tumanggap ng anumang kaalaman tungkol sa Islam huwag mag-atubiling makipag-ugnayan sa amin:
1) Email: [email protected]
[1] Hadeeth Qudsi: ay isang Hadeeth na isinalaysay ng Propeta (ﷺ) na nagmula mismo sa Allah (ﷻ). Ang Hadeeth ay katagang tumutukoy sa lahat ng tradisyon, aral, pananalita at mga gawain na ginawa at sinasang-ayunan ng Huling Propeta na si Muhammad, (ﷺ)
[2] Jinn: Sila ay mga nilikha ng Allah (ﷻ) mula sa apoy na walang usok. At sila ay mayroong din kalayaang katulad ng tao upang guamwa ng mabuti at masama. Sila ay mayroong sariling ginagalawang daigdig na hindi nakikita ng tao.
[3] Shahaadatain: Ang literal na kahulugan ay ang 'dalawang panunumpa o pagsasaksi' sa pananampalataya.
[4] Tawheed: Ito ang konsepto ng Kaisahan ng Allah (ﷻ).
[5] Ang konseptong ito ay tinatawag na 'Tawheed ar-Ruboobiyyah' o ang Kaisahan ng Allah (ﷻ). Ito ang mga paniniwalang walang ibang Tagapaglikha, Tagapagkaloob, Tagapanustos at ang Nagmamay-ari ng lahat kundi ang Allah (ﷻ).
[6] Ang konseptong ito ay tinatawag na 'Tawheed al-Uloohiyyah' o ang Kaisahan sa pagsamba sa Allah (ﷻ). Ang paniniwalang ito ay ang pagtuon ng pagsamba lamang sa Allah (ﷻ) at wala ng iba.
[7] Ang konseptong ito ay ang "Tawheed al-Asmaa' wa Sifaat" na ang kahulugan ay ang Allah (ﷻ) lamang ang nagtataglay ng magagandang Pangalan at Katangian, na walang katulad o di-maaring ihambing at walang kagaya sa mga ito.
[8] Ang Allah (ﷻ) ay mayroong 99 na pangalan. Isinalaysay ni Abu Hurayrah: "Ang Allah (ﷻ) ay mayroong 99 na pangalan; at sinuman ang naniwala sa kahulugan ng mga nito at umasal nang ayon sa mga ito, siya ay makapapasok sa Paraiso; at ang Allah (ﷻ) ay Isa (Witr) at Kanyang minamahal ang Witr." Sahih Bukhari, vol 8, Hadith Bilang 419.
[9] Kufr. Ito ay pagtakwil sa katotohanan at kawalan ng pananampalataya o paniniwala sa mga haligi ng Islamikong Pananampalataya: ang paniniwala sa Allah(ﷻ) bilang Nag-iisang Diyos na dapat sambahin, ang paniniwala sa Kanyang mga Anghel, ang paniniwala sa Kanyang mga Sugo at Propeta, ang paniniwala sa mga Kasulatan o Kapahayagan, ang paniniwala sa Araw ng Pagkabuhay Muli o Paghuhukom, at ang paniniwala sa Qadar (Tadhana). Ang isang tao na nagkasala ng Kufr ay tinatawag na Kafir (o sa pangmaramihang bilang: Kafirun o Kuffar)
[10] Hindi sapat na malaman at paniwalaan ng isang tao nang may Katiyakan ang Shahaadah. Bagkus, ito ay nararapat niyang tanggapin sa pamamagitan ng pagbigkas nito, at tanggapin niya na siya ay nagnanais na maging isang tunay na Muslim.
[11] Hindi sapat na malaman ng isang tao kung ano ang ibig sabihin ng Shahaadah na may katiyakan at ito ay tinanggap at nanumpa ng hayagan. Higit pa dito kinakailangan ang kanyang mga gawa at asal ay alinsunod sa mga patakaran ng Shahadaah.
[12] Muhsin: taong gumagawa ng kabutihan. Ibig sabihin, siya ay makatuwiran sa lahat ng bagay at ginagawa niya lamang ito para sa Allah (ﷻ) at alinsunod sa itinuro at pamamaraan ng Propeta (ﷺ). Sa iniulat na ito ng Allah (ﷻ), kaalinsabay ang paggawa ng kabutihan ng pagtalima o pagsuko. At sa pagkakataon ito lamang naintindihan o nakaunawa ng pinagkakatiwalaang pahayag… ang Shahaadah.
[13] Kahit na ang isang tao ay nagpapakita bilang isang matapat (sa panglabas na anyo) ay maaaring ang kanyang puso ay taliwas sa kanyang mga ginagawa (bilang kawalan ng paniniwala), tulad ng isang mapagkunwari.
[14] Maaaring ang isang tao ay ginagawa ang lahat ng mga alituntunin ng mga naunang kondisyon ng Shahadaah, ngunit maaari din siyang sumamba pa sa iba maliban sa Allah (ﷻ), tulad ng pag-hingi ng tulong sa mga patay at iba pa. Magkagayon, hindi pa dalisay ang kanyang pananampalataya sa Allah (ﷻ).
[15] Shirk. Ito ay pagsamba sa mga diyos-diyosan tulad halimbawa ng mga rebulto, santo at santa, propeta, mga anghel, mga larawan o mga bagay na nasa kalawakan tulad ng araw, bituin, at planeta.
[16] Sa Sahih Bukhari, itinala ayon kay Adi na ang Sugo ng Allah (ﷺ) ay nagsabi: “Matakot sa Apoy, kahit sa pamamagitan lamang ng kalahating bahagi ng datiles ay magkawanggawa, at kahit man lamang sa pamamagitan ng isang mabuting salita.” At maging sa Sahih Muslim, siya (Adi) ay nagsalaysay mula sa Sugo ng Allah (ﷺ) na nagsabi: “Huwag maliitin ang anumang gawang kabutihan, kahit man ito ay pagbibigay ng inuming tubig sa lalagyan ng sinumang humahanap ng maiinuman, o kaya ang pagtanggap sa iyong kapatid na may kaaya-ayang (ngiti) sa mukha.” Sahih Muslim vol 4 Hadith Bilang 2026
[17] Ang mga Propeta at maging ang mga anghel ay hindi kailanman tinanggihan ang pagiging alipin ng Allah (ﷻ). Hindi kailanman nila nilisan ang pagsamba sa Allah (ﷻ). Ito ay sadyang taliwas sa mga tao ngayon na nagiging suwail at nawawalan ng pasasalamat sa Dakilang Lumikha sa kabila ng mga panustos na Kanyang iginagawad sa kanila. Ang lalo pang kalapastanganang ginagawa nila ay sumasamba sila sa mga diyus-diyusan katulad ng mga idolo, rebulto, buntala, anito, tao, santo, santa, propeta, ispiritu atbp. Ang mga ganitong tao ay titipunin ng Allah (ﷻ) sa Araw ng Paghuhukom upang litisin.
[18] Kung inyong mapapansin, kapag ang Anghel Gabriel (u) ay nasa anyong tao, ang pantukoy na ginagamit ay "si" (Si Anghel Gabriel) ngunit kung siya ay nasa kanyang likas na anyo, ang pantukoy na ginagamit ay "ang" (Ang Anghel Gabriel). Ito ay upang bigyan ng pagitan o kaibahan ang kanyang kalagayan sa anyong tao o sa likas niyang anyo.
[19] Jannah: Ang Paraiso. Ang Walang Hanggang Tahanan na nakalaan lamang para sa mga Mananampalataya.
[20] Sunnah: Ang mga kaugalian at pamamaraan ng buhay ni Propeta Muhammad (ﷺ).
[21] Kafirun- Sa pananaw ng Islam, ang “Kafir” (isahan) ay may isang kahulugan, yaong taong tumatanggi at nagtatakwil sa katotohanan. Kaya, ang Kafirun o Kuffar (maramihan) ay mga taong walang paniniwala, pananampalataya, at pananalig sa Allah (ﷻ) at sa mga Batas na ipinahayag Niya. Sila ay mga taong nagtakwil sa Kaisahan ng Allah, hindi kumikilala sa Allah (ﷻ) bilang Tanging Isang Diyos na karapat dapat pag-ukulan ang Pagsamba, at hindi tinanggap ang Kapahayagan ng Qur’an at pinabulaanan ang pagiging tunay na Propeta ni Propeta Muhammad (ﷺ).
[22] Al Muttaqun (pang-maramihan) o Muttaqi (isahan) - sila ang mga banal na tao na umiiwas sa kasalanang Shirk (pagsamba sa mga nilikhang bagay maging ito man ay anghel, propeta, rebulto, imahen, bituin, at iba pang ginagawang diyos). Ang Muttaqun ay larawan ng tunay na nananampalataya sa Nag-iisang Diyos. Sila ay larawan ng kabutihan sa lahat ng aspeto ng kanilang pamumuhay. Ang kanilang pag-uugali, kilos, pananalita, kalooban at kaisipan ay malilinis. Sila ay mga tapat na nananampalataya sa Allah (ﷻ na handang ipagkaloob ang kanilang buhay, yaman at panahon upang ipagtanggol ang kanilang pinagpalang relihiyon. Sila ang mga taong walang kinatatakutan maliban ang Diyos na Lumikha sa lahat-ang Allah (ﷻ.)
[23] Ayat-ito ay isang salita sa wikang arabik na kadalasan ay tumutukoy sa mga tanda, kapahayagan, aral batas, at babala na ipinahihiwatig ng Allah (ﷻ) sa tao upang magkaroon ng pagkakataong mag-isip, unawain at magnilay-nilay sa lahat ng oras. Maraming mga palatandaan o tanda na maaaring makita sa ating mga sarili at maging sa kapaligiran na nagbibigay pahiwatig na mayroong isang Makapangyarihang Diyos na dapat nating pag-ukulan ng pagsamba. Bukod sa mga tanda, mayroon ding mga aral na isinasalaysay sa atin upang maging pamantayan natin sa pagtahak sa landas ng buhay. Ang mga kapahayagan at batas naman ay nauukol sa mga banal na kasulatan na ipinagkatiwala sa mga Propeta at Sugo upang magbigay patunay tungkol sa katotohanan ng pagkakaroon ng Isang Diyos na Siyang nagbigay buhay sa atin kalakip ng tamang pamamaraan ng buhay upang sa gayon makamtan ng bawa’t tao ang magandang buhay pagkaraan ng kamatayan at ang mga babala upang maiwasan ang anumang kapahamakan hindi lamang sa makamundong buhay kundi higit sa lahat ang walang hanggang hantungan ng Impiyerno.
[24] Noong una, bilang patnubay sa sangkatauhan (sa panahong yaon), ipinahayag ang Tawrat ni Moises (u) at ang Injeel ni Issa (Hesus, u) at pagkaraan nito, dumating ang Qur’an bilang huling patnubay ng Allah (ﷻ) sa buong sangkatauhan. Kaya, ang Qur’an ay tinawag ding Furqan sapagka't ito ang nagsisilbing pamantayan o saligan sa pagitan ng katotohanan at kamalian.
[25] Shaytaan; Satanas: Siya ay isang Jinn na tinawag na Iblees. Siya ay sumuway sa kagustuhan ng Allah (ﷻ) para magpatirapa sa harap ni Adan (u), na dahil sa kanyang di-pagtalima siya ay isinumpa magpakailanman. Sa pagkakataong yaon, siya ay humingi ng palugit sa Allah (ﷻ) at nabigyan siya ng pagkakataon para gawin ang lahat ng makakayang hikayatin ang mga tao at maisama niya sila sa Impiyerno.
[26] Hindi nila maikatuwiran at sabihin na:
"…O aming Rubb (Panginoon)! Bakit hindi Kayo nagsugo sa amin ng isang Sugo? Disin sana'y susundin naming ang Inyong Ayat (mga Talata ng Qur'an) at mapapabilang kami sa mga sumasampalataya!" (Qur'an, Kabanata Al-Qasas, 28:47)
[27] Ito ay isang babala sa mga mga Hudyo at Kristiyano, na tinaguriang “Angkan (na pinagkalooban) ng Kasulatan” sa Banal na Qur’an. Sila’y naniniwala sa ilang Propeta at tinatanggihan ang iba. Ang mga Hudyo ay naniniwala sa mga Propeta maliban lamang kay Hesus (u) at Muhammad (ﷺ) Ang mga Kristiyano naman ay naniniwala sa mga Propeta subali’t kanilang itinatakwil ang panghuli sa mga Sugo at Propeta na si Muhammad (ﷺ). Sinumang magtakwil kahit sa isa lamang sa mga Propeta ng Allah ay katunayang hindi naniniwala sa kanilang lahat, sapagka’t isang kinakailangan sa sangkatauhan ang maniwala sa lahat ng Propeta at Sugong ipinadala ng Dakilang Lumikha – Allah, ﷻ. Sinumang magtakwil sa isa man sa mga Propeta dahil sa inggit, pagkiling at personal na kapritso, ipinakikita lamang niya na ang kanyang paniniwala sa ibang Propeta ay hindi totoo bagkus isang gawaing sumusunod lamang sa pagnanais at kapritso. Ang susunod na talata’y matutunghayan na sila’y hindi tunay na Mananampalataya at dahil dito’y ang kanilang kahihitnatnan ay Impiyerno.
[28] Bin (pl.) Banu: 'ang anak ni...' o (pl.) 'ang mga anak ni…'
[29] Kunyah: (palayaw)
[30] Khaleel: ang hinirang na mahal ng Allah (ﷻ).
[31] Itinala ni Imam Ahmad (t) na isinalaysay ni Ibn ‘Umar (t) na sinabi ng Sugo ng Allah, (ﷺ) na: “Kapag ang isang tao ay namatay, ipakikita sa kanya ang kanyang kalagayan (sa Paraiso o sa Impiyerno) umaga at gabi; kung siya ay kabilang sa mga tao ng Paraiso, samakatuwid, siya ay isa sa kabilang sa Paraiso, at kung siya ay kabilang sa Impiyerno, samakatuwid, siya ay isa sa kabilang sa Impiyerno. Ito ang sasabihin sa kanila, “ito ang inyong magiging kalalagyan hanggang kayo ay ibabangong sa Araw ng Pagkabuhay Muli.” Ahmad 2:114, Muslim 4:2199, Tafsir Ibn Kathir vol 8 pahina bilang 485.
[32] Mushrikun. Sila ay kinabibilangan ng mga pagano, mga taong nang-iidolo, mga taong sumasamba sa mga diyos-diyusan tulad halimbawa ng pagsamba nila sa mga Propeta, anghel, rebulto, santo at santa, estatuwa, o maging ang satanas at tinatawag ding Mushrikun ang mga taong walang paniniwala sa Kaisahan ng Allah.
[33] Hawd: Ito ay isang Bukal o Lawa na ipinagkaloob ng Allah (ﷻ) kay Propeta Muhammad (ﷺ) na sinuman ang uminom dito nang minsanan, ay hindi na mauuhaw pa magpakailanman.
[34] Qadaa at Qadar: Ang Kahihinatnan o Kapalaran. (Ginamit ang orihinal na salitang Arabic upang mapanatili ang tunay na kahulugan sapagka't ang pagsalin nito sa ibang wika ay nagkakaroon ng ibang pakahulugan mula sa nagsalin nito). Ang Qadar (kahihinatnan sa pangkalahatang pananaw o kahulugan) samantalang ang Qadaa (kahihinatnan sa partikular na kahulugan o pananaw). Halimbawa ng Qadar: ang lahat ay mamamatay. Ang halimbawa naman ng Qadaa: bagamat sa pangkalahatang kahulugan na ang lahat ay mamamatay, mayroong namang partikular o kanya-kanyang paraan ng kamatayan ang bawa't isa. Ang Qadaa ng isang tao ay maaari siyang mamatay sa pamamagitan ng aksidente, o ng sakit o ng pagkahulog.
[35] 'Rawdat-un-Nadiyyah' Sharh 'Aqeedat-il-Waasitiyyah' p. 352-353
[36] Isinalaysay ni Ibn Abbas: Minsan ako ay nasa likuran ng Sugo ng Allah (ﷺ) at sinabi niya: “O, batang lalaki, ikaw ay aking tuturuan ng ilang salita:
(a). Maging matapat at masunurin ka sa Allah ﷻ (tanging Siya lamang ang dapat sambahin), alalahanin ang Allah ﷻ tuwina, sundin ang Kanyang mga ipinag-uutos. Ikaw ay Kanyang ililigtas sa anumang uri ng kasamaan at ikaw ay Kanyang pangangalagaan sa lahat ng aspeto ng iyong buhay.
(b). Maging matapat at masunurin sa Allah ﷻ, iyong matatagpuan ang Allah (ﷻ) na malapit sa iyo. (Kanyang diringgin ang iyong mga panalangin.)
(k) Kung ikaw ay magsumamo, magsumamo sa Allah ﷻ.
(d) Kung ikaw ay humanap ng tulong, hanapin ang tulong mula sa Allah ﷻ.
(e) Dapat mong malaman na kung ang lahat ng tao ay magsama-sama upang ikaw ay magkaroon ng kapakinabangan sa isang bagay, hindi nila magagawang bigyan ka ng kapakinabangan maliban kung ano ang itinakda sa iyo. At kung sila ay magsama-sama upang ikaw ay bigyan ng pinsala, hindi nila magagawang ikaw ay pinsalain maliban kung ano ang itinakda ng Allah ﷻ sa iyo. Ang mga panulat ay tumigil sa pagsulat (mga Banal na Tadhana) At ang tinta sa papel (Aklat ng Tadhana) ay natuyo na.” Ang Hadith na ito ay naitala ni At Tirmidhi.
[37] Ijtihad: Sa kaugnayan pang-Relihiyon, ito ang pagsusumikap na umunawa sa paggawa ng pansariling pagpapasiya (batas) at paghahanap ng mga patotoo.
[38] Kalagayan ng Karumihan (Impurity): ang kalagayan ng isang tao pagkaraang nakagawa ito ng partikular o likas na gawain. May dalawang uri ito; ang mga pangunahin at mga mumunting karumihan.
[39] Wudoo: ang paglilinis ng mga partikular na bahagi ng katawan mula sa maliliit na karumihan.
[40] Wudoo Isinalaysay ni Nu’aim Al Muhmir: Minsan, ako ay umakyat sa bubungan ng Masjid kasama ko si Abu Hurayrah. Siya ay nagsagawa ng Wudoo (paghuhugas) at nagsabi, “Narinig ko ang Sugo ng Allah (ﷺ) na nagsabi, ‘Sa Araw ng Pagkabuhay Muli, ang aking mga tagasunod ay tatawaging Al Ghurr-ul-Muhajjalun mula sa bakas ng Wudoo (paghuhugas) at sinuman ang may kakayahang dagdagan ang sakop ng liwanag ay isagawa ito (sa pamamagitan ng paghuhugas sa tama at ganap na pamamaraan.” Sahih Bukhari vol 1 Hadith Bilang 138.
[41] Pansinin na hindi lamang pinahugas ang bahagi ng katawan na hindi nabasa, kundi pinaulit ang kabuuan ng 'wudoo' at ang pagdarasal.
[42] Jihad: ang pakikipaglaban sa mga di-Mananampalataya upang ibantayog ang salita ng Allah (ﷻ) at pagtatatag o pagpapanatili ng batas ng Islam.
[43] Sinabi nina Ibn Abbas at Abdullah bin Mas'ud: Kung ang Salaah ng sinuman ay hindi nakapigil sa kanya mula sa gawaing Al Fahsha at Munkar (lahat ng uri ng kasamaan) samakatuwid ang kanyang Salaah ay hindi nakapagbigay karagdagan sa kanya maliban ng kawalan at pagiging malayo niya mula sa kanyang Panginoon. (Tafsir Al Qurtubi)
[44] Qiblah; ang direksiyon ng Ka'bah.
[45] Ito ang mga bilang ng Sunnah ng Salaah na binibigyan ng pagpapahalaga at mayroong pang ibang mga Sunnah na may kaugnayan sa mga Salaah.
[46] Makrooh: iang bagay o Gawain na hindi kinalulugdan sa relihiyon. Kung ginawa ng isang tao ang bagay na ito, siya ay hindi mapaparusahan, datapwa't kung ito ay kanyang tinalikdan o iniwasan, siya ay may gantimpala. Mas mabuti ang pagdarasal ng 'Asr bago maging dilaw ang kulay ng araw, ngunit pinahihintulutan pa rin ang Salaah ng 'Asr kahit na ang kulay ng araw ay kulay pula na hanggang bago ito lumubog.
[47] Isinalaysay ni Nu’aim Al Muhmir: Minsan, ako ay umakyat sa bubungan ng Masjid kasama ko si Abu Hurayrah. Siya ay nagsagawa ng Wudhu (paghuhugas) at nagsabi, “Narinig ko ang Sugo ng Allah (ﷺ) na nagsabi, ‘SA Araw ng Pagkabuhay Muli, ang aking mga tagasunod ay tatawaging Al Ghurr-ul-Muhajjalun mula sa bakas ng Wudhu (paghuhugas) at sinuman ang may kakayahang dagdagan ang sakop ng liwanag ay isagawa ito (sa pamamagitan ng paghuhugas sa tama at ganap na pamamaraan.” Sahih Bukhari vol 1 Hadith Bilang 138.
[48] 'Awrah: Ang bahagi ng katawan na ipinagbabawal makita ng iba.
[49] Imaam: ang isang taong namumuno o nangunguna sa pagdarasal.
[50] Ang pagsusumamo at pagluhog sa Allah (ﷻ) ay maaaring sabihin sa orihinal na salita ng isang tao na hindi kinakailangan sabihin ito sa salitang Arabic, gaya ng pag-ulat ng Propeta (ﷺ).
[51] Ang mga 'Pagsubok sa buhay…' ay ang mga bagay na nararanasan ng isang tao na nakakaakit at nakakarahuyo sa buhay dito sa Mundo. Ang mga 'Pagsubok sa Kamatayan…' ay ang mga dusa at pagsubok sa Libingan at ang pagtatanong ng dalawang Anghel. Ang 'Pagsubok ng Bulaang Kristo…' ay ang mga di-pangkaraniwang pangyayari sa pamamagitan ng 'Huwad na Kristo' na tinatawag na 'Masihid-Dajjal' sa wikang Arabic; ito ang mga bagay na makapaglinlang sa mga maraming tao para maligaw ng landas, susundin siya at tatanggapin ang kanyang pag-ankin bilang isang diyos.
[52] Ang panalangin at pagsusumamo ay maaaring gawin sa sariling wika.
[53] Humigit kumulang sa 15-20 sandali pagkaraang ng pagsikat ng araw.
[54] Sawm. Ang Sawm ay pag-aayuno (pag-iwas sa pagkain, pag-inom at pagkikipagtalik mula sa Adhan ng Fajr hanggang sa pagsapit ng takip-silim.
[55] Al Muttaqun (maramihan) o Muttaqi (isahan)- sila ang mga banal na tao na umiiwas sa kasalanang Shirk (pagsamba sa mga nilikhang bagay maging ito man ay anghel, propeta, rebulto, imahen, bituin, at iba pang ginagawang diyos). Ang Muttaqun ay larawan ng tunay na nananampalataya sa Nag-iisang Diyos. Sila ay larawan ng kabutihan sa lahat ng aspeto ng kanilang pamumuhay. Ang kanilang pag-uugali, kilos, pananalita, kalooban at kaisipan ay malilinis. Sila ay mga tapat na nananampalataya sa Allah na handang ipagkaloob ang kanilang buhay, yaman at panahon upang ipagtanggol ang kanilang pinagpalang relihiyon. Sila ang mga taong walang kinatatakutan maliban ang Diyos na Lumikha sa lahat-ang AllahU.
[56] Jihad: dito ang salita ay ginagamit sa kanyang literal na kahulugan, ang ibig sabihin, 'ang pagpupunyagi laban sa'.
[57] Kailangan ang pagbabayad ng lahat ng mga nakaligtaang pag-aayuno ay bago sumapit ang susunod na Ramadaan. (Ibig sabihin ng pagbabayad dito ay ang pag-aauyuno ulit).
[58] Sinabi ng Allah na ang Ka’bah ang unang bahay dalanginan na itinalaga sa lahat ng sangkatauhan sa kanilang pagsagawa ng pagsamba at mga rituwal. Lumalakad sila sa palibot ng Ka’bah (sa Tawaf), nananalangin sa paligid nito at nanatili dito sa kanilang I’tikaf. Sa pag-uutos ng Allah, ang Ka’bah ay itinayo sa Bakkah (Makkah) ni Abraham, na ang kanyang relihiyon ay inaangking sinusunod ng mga Hudyo at Kristiyano. Subali’t hindi sila nagsasagawa ng Hajj bagaman nagbigay ng anyaya si Abraham sa tao ng pumarito upang gampanan ang Hajj. Isa sa pangalan ng Makkah ay Bakkah, na nangangahulugan ng ‘nagdadala ng Buka’ (pag-iyak) sa mga pinunong mapaniil at palalo, ay nagiging mapagkumbaba kapag sila ay napunta rito. Gayundin, nangangahulugan na ang mga tao ay nagsisigawa ng Buka (pagpupulong) sa tabi nito Ito ay tinatawag ding Al-Bayt Al-Atiq (ang Lumang Bahay), Al-bayt Al-Haram (Ang Sagradong Bahay), Al-Balad Al-Amin (ang Lungsod ng Kaligtasan) at Al-Ma’mun (Katiwasayan).
[59] 'Umrah: Maliit na 'Pilgrimahe'. Ito ay binubuo ng Tawaaf at Sa'ee habang nakasuot ng 'Ihraam'. (Ang mga bagong termino ay ipapaliwanag sa mga susunod na pahina).
[60] Ihraam: Ang estado ng isang perigrino na may mga partikular na bagay na ipinagbabawal sa kanya.
[61] Meeqaat: Ang partikular na lugar na hindi puwedeng dahanan kung hindi ka magsusuot ng 'Ihraam' sa pagsasagawa ng Hajj o 'Umrah.
[62] Tawaaf: Ito ang pag-ikot ng pakanan sa Ka'bah.
[63] Ka'bah: ang pinakaunang lugar na ginawa para sa pagsamba sa Allah sa ibabaw ng mundo. Sa pag-uutos ng Allah (ﷻ), ito ay ginawa nina Propeta Ibrahim at ng kanyang anak na si Isma'eel (mapasakanila nawa ang pagpapala at habag ng Allah). Ang Allah (ﷻ) ay nagsabi, Qur'an, Kabanata Al-Imraan 3:97;
"…Ang Hajj (pilgrimahe sa Makkah) sa Tahanan (Ka'bah) ay isang tungkulin ng sangkatauhan para sa Allah, sa sinumang may kakayahang gumugol (sa pagkain, tahanan, at pamasahe). At sinuman ang magtatwa o tumalikod sa (pagsasagawa ng) Hajj), samakatuwid siya ay hindi nananampalataya (sa Allah), at hindi kailangan ng Allah ang tulong ng sinuman sa Kanyang mga nilikha (sangkatauhan at mga Jiins)."
[64] Duhaa: Bago tumanghali. Ang oras bago ang tanghaling tapat hanggang sa kaituktukan o kaitaasan ng araw.
[65] Ginawang batas at pinahintulot ng Allah (ﷻ) sa mga manlalakbay na paikliin ang mga pagdarasal para sa Dhuhr, 'Asr at Ishaa' mula apat na rak'ahs hanggang sa dalawang rak'ahs. Ang manlalakbay ay maaaari ding pagsabayan ang Dhuhr at 'Asr sa magkasunod na pagdarasal, gayon din ang pagdarasal ng Maghrib at ang 'Ishaa.
[66] Mayroong tatlong haligi o poste sa Minaa, (una) ang maliit, (pangalawa) ang katamtaman sa laki at (pangatlo) ang pinaka-malaki na pinangalanang 'Jamarat-ul-Aqabah'.
[67] Taghabun. Ito ang isa sa pangalan ng Paghuhukom sapagka’t ang mga tao sa Paraiso ay magwawagi laban sa mga tao ng Impiyerno. Walang kawalan at kapakinabangan nang higit pa sa pagpasok sa Paraiso at pagpasok sa Impiyerno. At Tabari 23:420.
[68] Muhaajir; ang taong nagsagawa ng 'hijrah'; lumikas mula sa lugar ng walang paniniwala para sa kapakanan ng Allah (ﷻ).
[69] Ang Allah – ang Kataas-taasan at ang Dakila ay nagbabawal sa Kanyang mga Mananampalataya na huwag kunin ang ari-arian ng iba sa pamamagitan ng iba’t ibang di-kanais-nais na pamamaraan katulad ng Riba (patubuan), sugal at iba pang masasamang kaparaanan. Kung sakali mang nakagawa sa mga ipinagbabawal ng AllahU, nalublob ang sarili sa pagkakasala at nangamkam ng ari-arian ng iba, huwag kitlan ang sariling buhay sapagka’t ang Allah Uay lagi nang mapagpatawad. Ang Kanyang mga pag-uutos at pagbabawal ay tanda lamang ng Kanyang habag sa atin.
[70]Al Birr. Ito ay isang katangian ng isang na Muslim na kinabibilangan ng lahat ng uri ng kabutihan at pagsunod sa kautusan ng AllahU na ipinag-aanyaya sa kapwa tao sa pamamagitan ng pagkakaroon ng Kabanalan, pagiging matuwid at masunurin sa bawat kautusan ng Allah ﷻ. Batay sa ayat bilang 177 (ng Surah Baqarah) ang Birr ay (isang katangian na) maniwala sa Allah, at sa Huling Araw, sa mga anghel, sa Aklat, sa mga Propeta at ang pamamahagi ng inyong yaman sa kabila ng pagmamahal dito para sa mga kamag-anakan, sa mga ulila at sa Masakin (ang mga dukha) at mga naglalakbay at yaong humihingi at pagpapalaya ng mga alipin, pagsasagawa ng pagdarasal at pagbibigay ng Zakah at tumutupad ng kanilang mga kasunduan at matiisin sa (panahon ng) labis na paghihikahos at (malubhang) karamdaman at sa panahon ng pagkikipaglaban.
[71] Taqwa-ito ay salitang nagpapahiwatig ng tunay na takot, pagmamahal, pagsunod, at pagsuko sa AllahU. Ang pagkakaroon ng Taqwa ang siyang dahilan kung bakit ang tao ay natututong magpakumbaba sa Allah ﷻ at harapin nang may katapatan ang lahat ng tungkuling hinihingi ng Islam sa kanya. Ang mga itinakdang tungkulin ay ang pagdarasal, pagbabayad ng Zakah at Sadaqah, pag-aayuno sa buwan ng Ramadhan, ang paglalakbay sa Makkah (Hajj), ang pagtatanggol sa Batas ng Islam (Jihad) at marami pang iba.
[72] Isinalaysay ni Anas bin Malik: Ang Sugo ng Allah (ﷺ) ay nagsabi, “Ang pinakamalalaking kasalanan (Al Kaba’ir) ay: 1 Ang magbigay katambal sa Allah sa pagsamba, 2 Ang pagpatay ng tao 3 Ang kawalan ng pagsunod sa mga magulang 4 Ang pagbibigay ng maling pahayag o maling pagsaksi.”Sahih Bukhari vol 9 Hadith Bilang 10.
[73] Si Imam Ahmad ay nagtala mula kay Thawban na sinabi niya na: Ang Sugo ng Allah (ﷺ) ay nagsabi: “Sinuman ang nagnanais na ang kanyang buhay na humaba, at ang kanyang kabuhayan ay umunlad (o madagdagan), dapat niyang pagdugtungin ang kanyang ugnayang pagkamag-anakan.” (ibig sabihin pagandahin niya ang ugnayan sa mga kamag-anak) Ahmad 5:279 at Sahih Bukhari 5985. (Mula sa Tafsir ibn Khatir vol 9, pahina 110.)
[74] Kung inyong kinain o inubos ang ari-arian ng naulila nang walang karapatan, nilamon lamang ninyo ang apoy na magniningas sa inyong mga tiyan sa Pagbabangong Muli. Isinalaysay ni Abu Hurayrah na ang Sugo ay nagsabi: Iwasan ang pitong nakawawasak na kasalanan. Ang mga tao ay nagsabi, O Sugo ng Allah, ano ang mga ito? Kanyang sinabi: Pagbibigay katambal sa pagsamba sa Allah, salamangka (madyik), paglamon sa patubo, paglamon sa ari-arian ng naulila, pagtalikod sa kaaway at paglayo sa pook ng labanan sa panahon ng digmaan, at magparatang sa malilinis na kababaihang Mananampalataya. (Muslim)
[75] Sinabi ng Allah ﷻ na sinumang pumili sa maliliit na bagay sa buhay na ito na sadyang maikli at tunay na madaling magwawakas kaysa sa pagtupad sa kanilang ipinangako sa Allah (tingnan ang talata blg.81) sa pamamagitan ng pagsunod kay Propeta Muhammad na nagpapahayag sa tao ng kanyang pagkakalarawan (sa kanilang mga aklat: Torah at Injeel) at pinagtibay ang kanyang pagkamakatotohanan, magkagayao’y mawawalan sila ng bahagi sa gantimpala sa Kabilang Buhay. Ipinahihiwatig sa talatang ito na hindi sila kakausapin ng AllahU, ni hindi sila titingnan nang may anumang habag. Hindi sila lilinisin sa kanilang mga kasalanan at karumihan, bagkus itatapon sila sa Impiyerno.
[76] Ang Allah – ang Kataas-taasan at Dakila ay nagbabawal sa Kanyang mga Mananampalataya na huwag kunin ang ari-arian ng iba sa pamamagitan ng iba’t ibang di-kanais-nais na pamamaraan katulad ng Riba (patubuan), sugal at iba pang masasamang kaparaanan. Kung sakali mang nakagawa sa mga ipinagbabawal ng Allah, nalublob ang sarili sa pagkakasala at nangamkam ng ari-arian ng iba, huwag kitlan ang sariling buhay sapagka’t ang Allah ay lagi nang mapagpatawad. Ang Kanyang mga pag-uutos at pagbabawal ay tanda lamang ng Kanyang habag sa atin.
[77] Maharim: Ang mga kamag-anak na hindi maaaring pakasalan ang babae dahil sa kanilang (pagkamalapit) na relasyon sa dugo, tulad ng mga ina, mga kapatid na babae, mga tiya atbp.
[78] Si Malik ay nagtala na sinabi ni Abu Hurayrah na sinabi ng Sugo ng Allah (ﷺ) na, “Mag-ingat sa panghihinala, sapagka't ang hinala ay siyang pinakamasamang kasinungalingan; huwag maniktik sa isa’t isa, huwag mong tingnan ang kakulangan ng iba, huwag manibugho sa isa’t isa, huwag mainggit sa isa’t isa, huwag kamuhian ang isa’t isa; at huwag iwanan ang isa’t isa. At o, alipin ng Allah, maging tunay kayong magkakapatid.” Al Muwatta 2:907 (Tafsir ibn Khatir vol 9, pahina 201).
[79] Isinalaysay ni Hudaifah: Narinig ko ang Sugo ng Allah (ﷺ) na nagsabi: “Ang isang Qattat” ay hindi makapapasok sa Paraiso.” Sahih Bukhari vol 8 Hadith bilang 82. (Ang “Qattat” ay isang tao na nagkakalat ng mga maling balita sa ibang tao na may layong maghasik ng kapinsalaan at hidwaan sa mga tao.
[80] Mga hayop na kinakatay bilang pag-aalay sa mga An Nusub (mga altar na yari sa bato) na nakatayo sa mga pook tulad ng libingan na kung saan kinakatay ang mga hayop sa kanilang mga pagdiriwang sa ngalan ng kanilang mga sinasambang mga diyus-diyosan tulad ng santo, santa, rebulto, imahen, anghel at iba pa.
[81] Kung may bumati ng, 'As-Salaamo alaykum', dapat siyang suklian man lang ng, 'wa 'alaykum As-Salaam'. Ngunit mas mainam na dagdagan ng, 'wa Rahmatullah' o kaya higit pa dito ng, 'wa Barakatuh'.
[82] Sinabi ni Shiekh Albani (nawa'y kaawaan siya ng Allah); ang salaysay (Hadith) na ito ay mapananaligan.
[83] Isinalaysay ni Ibn Abbas: Ang ibang mga pagano na nagkasala ng maraming pagpatay at labis na nagkasala ng bawal na pakikipagtalik ay lumapit kay Propeta Muhammad at nagsabi: "O Muhammad! Anuman ang sabihin mo, at ipag-anyaya sa tao ay mabuti, ngunit aming nais kung maaari ay ipagbigay-alam mo sa amin kung maaari naming pawiin para sa amin (ang mga nakaraang kasamaan) ng aming mga gawa. Kaya, ang talatang ito ay naipahayag at ang talatang 25:70…maliban yaong nagsisi at gumawa ng kabutihan…." Sahih Bukhari vol 6 Hadith Bilang 334.
[84] Jamaa'ah: ang pangkat na mahigpit na sumusunod sa tamang aral ng Qur'an at Sunnah ng Propeta Muhammad (ﷺ).