Ano ang Kahulugan ng Pagsamba?
Ang mga kategorya
Full Description
Ang pagsamba sa pananaw ng ibang tao at ng ibang relihiyon ay tumatalakay lamang sa pagsagawa ng mga pang-relihiyong rituwal katulad ng pagdarasal, pag-aayuno, kawanggawa at iba pa. Sa Islam, ang pagsamba ay may malawak na kahulugan. Ito ay binubuo ng lahat ng mga gawain at salita ng tao na may tanging layuning makapagbigay ng kasiyahan sa Dakilang Lumikha. Ang pagsamba sa Islam ay sakop ang lahat ng aspeto ng buhay ng tao.
Gayunpaman, ang pagsamba ng tao sa kanyang Tagapaglikha (Allah (SWT)) ay hindi ganap at hindi rin tinatanggap kung ito ay hindi naaayon sa utos ng Allah (SWT) at sa pamamaraang itinuro ng mga Propetang ipinadala Niya sa sanlibutan.
Ang buhay sa mundong ito ay sadyang maikli lamang. Ang lahat ng nilikha ay tiyak na magwawakas. Subali’t habang nabubuhay ang tao, siya’y makararanas ng iba’t ibang pangyayari katulad ng kaligayahan at kalungkutan, lakas at kahinaan, karangyaan at kahirapan, kalusugan at karamdaman, tagumpay at kabiguan, at marami pang maaaring maganap. Sa kabila nito, ano ang dapat gawin at paghandaan ng tao habang siya’y nananatili sa daigdig na ito? Hindi maipagkakaila na ang laging iniisip at inaasam ng tao ay ang kanyang tagumpay sa ibabaw ng mundo. Subali’t hindi niya dapat kaligtaan na ang tagumpay ay hindi lamang kinabibilangan ng maka-mundong bagay, bagkus sakop din nito ang tagumpay sa Kabilang Buhay - ang makamtan ang tunay at walang hanggang kaligayahan sa Paraiso.
Kami ay malugod na nag-aanyaya sa inyo na maging isang tunay na mananampalataya sa pamamagitan ng pagkilala at pagsamba lamang sa Panginoong Diyos na Tagapaglikha – ang Allah (SWT). Hangad namin ang inyong tagumpay dito sa mundo at gayundin sa Kabilang Buhay. Ating alalahanin na ang lahat ng tao ay nagmula sa Allah (SWT) at katiyakang sila ay magbabalik sa Kanya upang magsulit. Ang tunay na mananampalataya ay yaong tapat na nag-iisip kung bakit siya narito sa daigdig at pinananatili niyang malakas ang antas ng kanyang paniniwala sa kabila ng mga pagsubok at pangyayaring nagaganap. Lagi niyang alaala ang kanyang Dakilang Lumikha, humihingi ng biyaya at patnubay. Lagi siyang tumatalima at umaasa ng paglingap sa lahat ng mga pagsubok na dumarating sa kanyang buhay. Gayundin, siya’y matapat na nagsisikap upang makamtan niya ang tunay na tagumpay.
Ang tunay na mananampalataya ay yaong marunong tumanaw ng utang na loob at nagpapasalamat sa lahat ng kahanga-hangang mga biyayang ipinagkakaloob sa kanya ng Dakilang Lumikha. Gayundin, siya ay nagpapakita ng tunay na pagtitiis at buong pagtanggap sa panahon ng kapighatian, kahirapan, paghihikahos at iba pang mga pagsubok na maaaring dumating at maranasan sa kanyang buhay.
Dapat malaman ng tao na itinakda ng Dakilang Lumikha dito sa lupa ang kapighatian at kahirapang dumarating sa buhay ng bawa’t tao – mananampalataya man o di-mananampalataya. Kadalasan, kung ang tao ay hindi mananampalataya, ang kahirapan at kapighatian ay itinuturing na malaking sagabal at kaguluhan sa kanyang pamumuhay. Sa kabilang dako, itinuturing ng mga mananampalataya na ang lahat na nagaganap dito sa mundo ay mga pagsubok lamang. Gayundin, tinatanggap ng isang tunay na mananampalataya ang anumang pagsubok na darating sa kanyang buhay sapagka’t alam niyang bahagi ito ng kapalaran at batid niyang ang lahat ng pangyayari ay mga paraan ng paglilinis at pagpapatawad ng mga kasalanan.
Sa katunayan, ang karamdaman o kahirapan sa buhay ay hindi dapat ituring ng tao bilang isang madilim o masaklap na tagpo, bagkus isang malaking kabutihan sa kanya sa Kabilang Buhay. Isang malaking gantim-pala ang naghihintay sa kabilang buhay sa isang mananampalatayang nananatiling matiisin at hindi nawawalan ng pag-asa sa tulong ng Allah (SWT) sa kabila ng dalamhati, siphayo at sakit na kanyang dinadanas. Ang mga pagsubok na ito ay nagsisilbing paraan upang mag-isip, mag-alaala at magbalik-loob sa Allah – ang Dakilang Lumikha. Sa kanyang paggunita at paghingi ng saklolo (paglingap) sa Lumikha, ang kanyang mga kasalanan ay nahuhugasan sa pamamagitan ng mga pagsubok na ito at buong pusong nagtitiwala na ang lahat ng pangyayari ay may kaakibat na magandang dahilan at layunin.
Kaya nararapat na ang tao’y matutong magtiis at tumanggap sa anumang pagsubok at kahirapang dumarating sa kanyang buhay upang siya’y biyayaan ng Dakilang Lumikha - ang Mapagbigay at ang Tanging Hukom sa Araw ng Paghuhukom. Ang nagaganap sa buhay ng tao ay pinahihintulutang mang-yari ng Allah (SWT) bilang pagsubok. Kung malalampasan ito ng tao, katotohanang siya’y mapapabilang sa mga magtatagumpay sa mundong ito at sa kabilang buhay.
Si Muhammad (SAS) ang huling Propeta ng Allah (SWT) ay nagsabi:
Kahanga-hanga ang buhay ng isang mananampalataya, lahat ng nangyayari sa kanya ay mabuti at mayroon siyang biyaya dito. At walang sinuman ang magkakaroon ng ganyang biyaya maliban sa nananampalataya. Ang mananampalataya kung tumanggap ng biyaya at kasaganaan, siya ay nagpapasalamat. Kung siya naman ay datnan ng pagsubok at kapighatian, siya’y nagtitiis. (Sahih Bukhari)
Bilang pagpapaliwanag, kung ang mananampalataya ay may mga biyaya at kasaganaang dumarating sa kanyang buhay, kaagad siyang nagpapasalamant sa Allah (SWT), sapagka’t batid niya na ang lahat ng ito ay ipinagkakaloob lamang Niya sa kanya. Sa kanyang pagbibigay pasasalamat, katotohanang malulugod ang Allah (SWT) sa kanya at siya’y higit pang bibiyayaan. Kung ang pagsubok naman ang dumating sa kanyang buhay, tinatanggap niya ito nang buong puso, sapagka’t batid niyang ito’y bahagi ng kapalaran na pinahihintulutan ng Allah (SWT) at nakatakdang maganap ito sa kanya. Sa kanyang matapat na pagtitiis at pagtanggap sa mga pagsubok, itinuturing itong isang pagsamba at dahil dito’y may gantimpalang nakalaan para sa kanya.
Subali’t sa mga di-mananampalataya, kung datnan sila ng biyaya at karangyaan sa buhay, sila’y magsasabi: “Kaya ako nagkaroon ng ganito dahil sa sarili kong pagsisikap”. Siya’y naging makasarili at marupok. Nakalimutan niya na ang mga biyayang dumarating sa kanya ay ipinagkakatiwala lamang sa kanya ng Dakilang Lumikha. Kung datnan naman siya ng mga pagsubok at kahirapan, siya’y walang pagtitiis. Dahil dito, mag-iisip siya ng mga di-kanais-nais na gawain upang maibsan o makalimutan ang kanyang suliranin. Kung minsan, sisisihin pa ang kanyang Lumikha sa mga nangyayari.
Sadyang hindi maipagkakaila na ang tao ay madaling makalimot sa kanyang Lumikha na Siyang nagkaloob sa lahat ng kanyang tinatamasa sa buhay. Kaya lahat tayo’y laging isaisip ang Allah (SWT) at laging magpa-salamat sa lahat ng ibinibigay Niya sa atin.
Sa Banal na Qur’an, ang Allah (SWT) ay nagwika:
Magkagayo’y alalahanin ninyo Ako (sa pamamagitan ng pagdarasal at pagpupuri), aalalahanin Ko kayo. At maging mapagpasalamant sa Akin (sa di-mabilang na biyaya Ko sa inyo) at kailanma’y huwag mawalan ng pasasalamat sa Akin. (Al-Baqarah-2:152)
Kaya mga minamahal na mambabasa, huwag nating tularan ang karamihan sa tao, na naalaala lamang nila ang Tunay na Diyos (Allah (SWT)) kung sila ay may sakit o karamdaman, suliranin o kaya’y nasa bingit ng kamatayan. Ano man ang ating katayuan o kalagayan sa buhay, lagi nating sambahin ang ating Dakilang Lumikha. Matuto tayong kumilala, magpasalamat at tumanaw ng utang na loob sa Kanya. Katotohanan, tayong lahat ay magwawakas sa mundong ito at magbabalik sa Kanya upang litisin sa lahat ng ating mga ginawa.
Sa Banal na Qur’an, ang Allah (SWT) ay nagwika:
Ang bawa’t kaluluwa ay makararanas ng kamatayan. At pagkaraa’y sa Amin kayo magbabalik. (Al-Ankabut-29:57)
Dapat nating tandaan na hindi nilikha ang tao na parang laruan lamang. Nilikha ng Allah (SWT) ang tao na may kaukulang layunin sa buhay, kaya gampanan natin nang buong katapatan ang layunin ng pagkakalikha sa atin.
Sa Banal na Qur’an, ang Allah (SWT) ay nagpahayag:
Inaakala ba ninyo na kayo ay Aming nilikha sa isang laro lamang (nang walang makabuluhang layunin) at kayo ay hindi muling ibabalik sa Amin (upang magsulit)? (Al-Mu’minun-23:115)
Ang tamang pagsamba sa Allah (SWT) – ang Dakilang Lumikha ay matatagpuan at matatamo lamang sa pamamagitan ng pagtanggap at pagsabuhay ng pananampalatayang nagtuturo ng buong pusong pagsunod, pagsuko at pagtalima sa Kanya. At ang Islam lamang ang siyang pananampalatayang nagmula sa Allah (SWT), na nangangahulugan ng matapat na: Pagsunod, Pagsuko at Pagtalima sa Kanyang mga utos at batas. Nararapat na ipamuhay ng tao nang may katapatan ang mga aral ng Islam upang kalugdan siya ng kanyang Panginoon - ang Allah (SWT).