Natuklasan Mo na ba ang Tunay Nitong Ganda?
Mga naisalin na paksa
- العربية - Arabic
- ភាសាខ្មែរ - Khmer
- italiano - Italian
- lietuvių - Lithuanian
- Српски - Serbian
- Shqip - Albanian
- ελληνικά - Greek
- українська - Ukrainian
- bosanski - Bosnian
- Mõõré - Mõõré
- magyar - Hungarian
- română - Romanian
- Tiếng Việt - Vietnamese
- slovenčina - Slovak
- português - Portuguese
- español - Spanish
- Deutsch - German
- 日本語 - Japanese
- Français - French
- 中文 - Chinese
- čeština - Czech
- Nederlands - Dutch
- English - English
Ang mga kategorya
Full Description
Natuklasan Mo na ba ang Tunay Nitong Ganda?
Ni: Dr. Naji Arfaj
UNANG BAHAGI
TUKTOK LAMANG NG BUNDOK NG YELO
Ang aklat na ito ay maghahandog sa atin ng ilan lamang sa kanyang mga kagandahan at mga kabutihan.
- Ito ay naghihikayat sa atin na magkaroon ng mabuting intensyon, tamang pag-uugali at mabuting damdamin sa kapwa.
- Ito ay nagtuturo sa atin na magpatawad, at nagtuturo na naisin para sa kapwa ang alinmang ninanais natin para sa ating sarili.
- Ito ay naghihikayat sa atin na ngumiti at maging mabuti sa kapwa.
- Ito ay nag-uutos sa atin na maging mapitagan.
- Ito ay nag-uutos sa atin na magkaroon ng tamang-asal at maging magalang.
- Ito ay nag-uutos sa atin na maging mahinahon sa sangkatauhan, sa mga hayop, sa mga ibon at sa kapaligiran.
- Ito ay nagtatagubilin sa atin ng paggalang at pag-aaruga sa ating mga magulang at sa mga matatanda, at maging mabuti sa ating pamilya, asawa at mga anak.
- Ito ay naghihikayat sa atin na tumulong, magpakain, at sumuporta sa mga mahihirap, sa mga nangangailangan at sa mga may kapansanan.
- Ito ay nagsasabi sa atin na mag-isip, magbigay ng tamang pagdadahilan at maglahad ng tamang pahayag ng may katibayan.
NATUKLASAN MO NA BA KUNG ANO ITO?
Bago ko ipahayag ang lihim na ito ay hayaan ninyo muna na aking sabihin na bilang karagdagan 'Ito' rin ay…
- nagtuturo sa atin na ang lahat ng tao ay pantay-pantay, anuman ang kanyang lahi, kulay at bansang kinabibilangan.
- nagtuturo sa atin na huwag manakit, magalit, magmaliit at manlinlang ng kapwa.
- maliwanag na nagsasabi sa atin kung bakit tayo ay narito sa mundo, sino ang nagdala sa atin dito, saan tayo patutungo at kung ano ang ating huling hahantungan.
- nagtuturo sa atin na mamuhay ng payapa at magkaroon ng mabuting relasyon sa Diyos, sa sarili at sa iba.
- maliwanag na sumasagot sa ating mga mahahalaga at kritikal na katanungan.
Katotohanan, ito ay sadyang magdadala sa atin tungo sa ganap na katotohanan, katiwasayan ng isip at damdamin, tunay na kaligayahan, kaligtasan at buhay na walang hanggan.
Maniniwala ka bang ang kabigha-bighaning tuklas na ito ay ang… Islam?
Kung ang ating mga pag-iisip ay nababalutan agad ng pag-aakala at paghusga ay hindi natin kailanman makikita ang kabutihan at katotohanan ng anumang bagay.
Maaaring ikaw ay may mga maling pag-aakala sa Islam. Maaaring nakita mo lang ang larawan ng Islam kung paanong ito'y ipinapakita ng midya na nag-uulat tungkol sa mga terorista. Maaari rin namang nabasa mo o di kaya'y narinig ang tungkol dito sa isang di mapagkakatiwalaang batayan.
Kaya naman ikaw ay aking iniimbitahan na bukas-isipan mong basahin ang aklat na ito na naglilinaw sa ganda, liwanag at pagiging payak ng Islam.
Bilang halimbawa ng ganda at linaw nito, ang Islam ay…
- nagbibigay linaw tungkol sa paglikha sa sansinukob.
- nagbibigay linaw tungkol sa paglalang sa atin.
- nagbibigay linaw tungkol sa ating ispirituwalidad.
- nagbibigay linaw tungkol sa pagkilala sa Diyos.
- nagbibigay linaw tungkol sa konsepto ng pagsamba.
- nagbibigay linaw tungkol sa tunay na layunin ng buhay.
- nagbibigay linaw tungkol sa kabilang buhay.
- nagbibigay linaw tungkol sa ating huling patutunguhan (Paraiso o Impyerno).
- nagbibigay linaw tungkol sa kung paano natin makakamit ang tunay na kaligayahan at ganap na tagumpay.
Bago tayo magsimula, tandaan po natin ang mga mahahalagang talasalitaan na ito:
ALLAH: Ang pangalan ng nag-iisa at tunay na Diyos, ang Tagapaglikha. Ang Islam ay nagtuturo na si Allah ang siyang tunay na Diyos sa lahat ng sangkatauhan at nilalang. Ang mga Hudyong Arabo at Kristiyanong Arabo ay kanilang ginamit ang pangalan na ito sa pagtawag sa Diyos.
MUHAMMAD: Ang huling Sugo ng nag-iisa at tunay na Diyos na si Allah, ipinadala si Muhammad (nawa'y mapasakanya ang kapayapaan at pagpapala ni Allah) para sa buong sangkatauhan.
ISLAM: Ang ibig-sabihin nito'y pagsunod at pagtalima sa kagustuhan ng nag-iisa at tunay na Diyos na si Allah.
MUSLIM: Ang siyang tagasunod sa mga kagustuhan ng nag-iisa at tunay na Diyos na si Allah.
QUR-AN: Ang huling aklat ng nag-iisa at tunay na Diyos na si Allah na ipinahayag kay Propeta Muhammad.
IKALAWANG BAHAGI
PAGSAGOT SA MGA MAPANURING TANONG NG SANGKATAUHAN
Sinasagot ng Islam ang mga pinakamahahalagang katanungan ng sangkatauhan katulad na lamang ng mga sumusunod:
- Ano ang Katotohanan?
- Sino ang lumikha sa atin?
- Sino ang ating tunay na Diyos?
- Sino ang huling Sugo ng Diyos?
- Sino ang dapat nating sambahin?
- Sino tayo?
- Bakit tayo naririto?
- Anong mayroon pagkatapos ng kamatayan?
- Ano ba ang hitsura ng susunod na buhay?
- Ano ang ating susunod na patutunguhan (Paraiso ba o Impiyerno)?
- Paano natin makakamtan ang ganap na kapayapaan ng isip, tagumpay at tunay na kaligayahan?
- Paano natin matatamo ang buhay na walang hanggan?
Sa pagkakaroon ng bukas na isipan at puso para sa pagtuklas sa katotohanan, kung maaari sana'y masusi po natin itong basahin at kayo na rin ang humusga para sa inyong sarili.
ANO ANG KATOTOHANAN?
Sa Islam, ang nag-iisa at tunay na Diyos (Allah) ang Siyang naglikha ng lahat. Tanging ang dakilang Diyos (Allah) lamang ang naglalang ng lahat ng tao at hayop, ang mundo at ang mga bundok, mga karagatan at mga ilog, mga halaman at mga kagubatan, ang araw at ang buwan, ang kalawakan at ang mga daangtala, mga araw at mga gabi. Lahat ng bagay, alam man natin o hindi, pati ng hindi pa natin natutuklasan ay tanging Siya lamang ang naglikha.
Bilang pangkalahatan, si Allah ang tagapaglikha ng buhay, kamatayan at ang buhay pagkatapos ng kamatayan.
Subalit, ang iba'y nagsasabi na ang mga ito ay likas o nagkataon lamang? Bigyan natin ng kahulugan kung ano ba ang tinutukoy nilang salitang “LIKAS O KALIKASAN" ayon sa agham. Ano ang kalikasan?
Sang-ayon ka ba na nabibilang sa kalikasan ang mga ito: mga halaman at mga planeta, mga daangtala at kalawakan, mga lambak at mga bundok, mga karagatan at mga ilog, mundo, araw, buwan, bituin at iba pang mga bagay. Na ang mga ito ay sila ang naglikha sa kanilang mga sarili o kaya'y sila ang naglikha sa sangkatauhan?
Ang Banal na Qur-an ay nagsasabi sa atin:
“O sangkatauhan! Sambahin ninyo ang inyong Panginoon (Allah), na Siyang naglikha sa inyo at sa mga nauna sa inyo upang kayo'y maging mga matutuwid." (2:21)
“Nilikha Niya ang kalangitan at kalupaan sa katotohanan." (39:5)
“At Siya ang naglikha ng gabi at ng maghapon, at ng araw at ng buwan, ang bawat isa ay nasa orbito (pag-inog) na lumulutang." (21:33)
Silang mga naniniwala sa kalikasan ay nagsasabing hindi sila naniniwala sa Diyos sa kadahilanang hindi nila nakikita, o nahawakan, o makapagsagawa sa Kanya ng eksperimento!
Ilang taon na ang nakakaraan, binisita ako ng aking kapitbahay sa Oregon, USA sa aking bahay. Napag-usapan namin ang tungkol sa maraming bagay at kabilang na doon ang pananampalataya sa Diyos. Ang kapit-bahay kong ito, na may edad na, ay tumatanggi na mayroong Diyos, kinatok niya bigla ang lamesa, at nagwika: “Ako'y naniniwala sa lamesang ito sapagkat nahahawakan ko ito at nararamdaman!"
Upang magpaliwanag sa kanya ay itinuro ko ang lampara sa kuwartong iyon at tinanong ko siya: “Naniniwala ka ba sa lakas ng kuryente?" Ang sagot niya ay: “Oo naman."
Tinanong ko ulit siya: “Nakikita mo ba ang lakas na iyon na nagpapagana doon sa ilaw?" “Hindi.", sagot niya.
Itinanong ko pa sa kanya ang mga katanungang ito:
- Nakikita mo ba – sa pamamagitan ng iyong mga mata – ang hangin na ating nasisimoy?
- May damdamin ka ba? Ano ang kulay, hugis at laki nito?
- Ano ang pagtulog? Ano ang kulay at timbang nito?
- At ilan pang mga bagay ang pinaniniwalaan natin na hindi natin nakikita?
Sa isa pang pangyayari, ay may nakilala akong lalake na ang pangalan ay Chris, at kasama niya ang kanyang asawa sa isang hotel sa Oslo, Norway. Habang nakikipag-usap sa kanya ay tinanong ko siya: “Ano ngayon ang layunin ng buhay?" Nagulat siya sa tanong ko at ang sagot niya ay: “Ngayon ko lang narinig ang ganyang tanong!" Idinagdag pa niya: “Palagay ko'y walang layunin ang aking buhay." At kanyang sinabi din na: “Hindi ako naniniwala sa alinmang diyos." Tinanong ko si Chris: “Bakit?" Sumagot siya na: “Hindi ko pa ito nakikita."
Pinuna ko ang kanyang sagot, at tinanong ko siya (ng may ngiti):
- Mahal mo ba ang iyong asawa?
- Pisikal mo bang nakikita ang pagmamahal na ito?
- Ano ang kulay ng iyong pag-ibig?
- Ano ang timbang ng pagmamahal na ito?
Inyong isalarawan kung ano ang naging reaksyon ni Chris at ng kanyang asawa sa mga katanungang ito. Kahit hindi natin pisikal na nakikita o nasusukat ang pag-ibig ay hindi ito magdadala sa atin para tanggihan natin ang katotohanan na mayroon ngang tinatawag na pag-ibig at pagmamahal.
Bilang paghahawig, kung hindi natin nakikita ang Diyos dito sa mundo dahil sa kakulangan ng ating kakayahan, ay hindi ito nangangahulugan para tanggihan natin ang pagkakaroon ng Diyos.
Malinaw at maliwanag na mayroong Diyos at madali itong matutunton sa pamamagitan ng di-mabilang na mga palatandaan at mga katibayan katulad ng paglikha ng mga atomo, mga selula, mga tisiyu, mga kalamnan at sa bawat isa at bawat bagay na nilikha.
Bilang karagdagan, libu-libong mga Propeta ng Diyos at bilyun-bilyong mga sumunod sa kanila sa buong kasaysayan ng sangkatauhan ang nagpapatotoo na mayroong Diyos. Makatwiran bang ipagwalang-saysay ang testimonya ng bilyun-bilyong mga tao at mga palatandaan dahil lamang sa siyensya? Kaya bang pasinungalingan ng siyensya na mayroong Diyos? Nilikha ng Diyos ang panahon, kalawakan, lakas at materya, kaya naman ang mga teorya kung paanong ang mga bituin, mga planeta at buhay ay pumailanlang mula sa panahon at kalawakan ay walang kaugnayan sa katanungang, 'mayroon bang Diyos?'"
Ito ang katotohanan sa Islam. May Diyos na iisa lamang, ang tagapaglikha at tagapaglaan ng mga pangangailangan ng sansinukob. Hindi natin dapat kilalanin na mayroong nakahihigit sa Kanya o di kaya'y mayroon Siyang katulad. Nilikha tayo ng nag-iisang Diyos (Allah) upang tanging Siya lamang ang sambahin. Sinuman ang sinasamba Siya sa tamang paraan at sinusunod ang Kanyang mga kautusan ay makakapasok sa Paraiso.
Sa kabilang banda, sinuman ang sumuway sa Diyos at sundin ang kanyang mga makasalanang luho ay dadalhin sa... Saan sa iyong palagay?
Ano ang Katotohanan? Ang ating Diyos ay iisa lamang!
Maaari lamang matamo ng bawat isa ang tunay na kaligayahan at katiwasayan ng isip sa pamamagitan ng paniniwala at pagsuko sa nag-iisang tunay na Diyos (Allah).
SINO ANG TUNAY NA DIYOS?
Malinaw at maayos na sinagot ng Islam ang napakahalagang tanong na ito. Ipinapahayag nito ang maraming detalye tungkol sa nag-iisang tunay na Diyos at ang Kanyang mga katangian. Ang Banal na Qur-an ay nagsasabi:
“Sabihin: Siya si Allah, ang nag-iisa. Si Allah, ang Walang Hanggan, ang Ganap. Hindi Siya nagkaanak at hindi rin Siya ipinanganak. At walang anuman ang sa Kanya ay maihahalintulad." (112:1-4)
Ito ay isang kumpletong kapitulo sa Banal na Qur-an. Ang napakagandang kabanata na ito ay malinaw na nagpapaliwanag sa atin ng katotohanan tungkol sa iisang Diyos (Allah) at ang Kanyang katangian. Malinaw nitong sinasagot ang mga mahahalagang katanungan na gumugulo sa isip ng maraming tao.
Ilan sa mga katangian na nagbubukod sa totoong Diyos (Allah) sa ibang mga nag-aangkin ng pagka-diyos:
- Ang tunay na Diyos ay tagapaglikha at hindi nilikha.
- Ang tunay na Diyos ay iisa lamang at hindi marami! Wala siyang katambal at katulad.
- Ang tunay na Diyos ay hindi nakikita, at walang sinuman ang maaaring makakita sa Kanya dito sa mundo. Hindi rin Siya pisikal na nagkatawan ng ibang anyo.
- Ang tunay na Diyos ay walang hanggan. Hindi siya namamatay at hindi rin nagbabago.
- Ang tunay na Diyos ay hindi nangangailangan kanino man na katulad ng ina, o asawa, o anak; o anuman tulad ng pagkain, inumin o tulong. Subalit ang iba ay nangangailangan sa Kanya.
- Ang tunay na Diyos ay walang kaparis sa kanyang mga katangian, wala siyang kahambing. Walang anumang paglalarawang pantao ang maaaring iukol sa Kanya.
NATUKLASAN MO NA BA ANG MGA LIHIM NA ITO?
Katotohanan na ang Islam ay nagpapahayag tungkol sa kalikasan ng tao. Tumatalakay ito tungkol sa ating kaluluwa, sa ating ispiritwal at intelektwal na pangangailangan at mga kaugalian. Si Allah, na nakakaalam ng mga kaluluwa, mga pag-iisip, at mga puso ay nagpapahayag sa atin ng mga susi ng kapanatagan at kaluguran ng mga ito.
PAANO MAKAKAMIT ANG KATIWASAYAN NG ISIP, KAPANATAGAN AT KALUGURAN?
1. Alamin ang iyong tunay na nag-iisang Diyos.
2. Manampalataya sa Kanya lamang.
3. Sundin ang Kanyang nais.
4. Maniwala sa Kanyang mga Propeta (kabilang na rito si Propeta Muhammad).
5. Gunitain ang Diyos.
6. Hingin ang kapatawaran ng Diyos.
7. Siya lamang ang sambahin.
8. Naisin para sa iba ang mga ninanais mo para sa iyong sarili.
9. Maging mapagbigay sa kapwa at sikapin silang maging masaya.
10. Maging matapat at magalang.
Itong sampung susi na nabanggit para makamit ang katiwasayan at kaluguran, pati na rin ng ispiritwal, panlipunan at pandaigdigang kapayapaan ay ilan lamang sa mga nakabibighaning yaman ng Qur-an at ng mga kasabihan ni Propeta Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan).
Bilang kabuuan, tinuturuan tayo ng Islam sa pamamagitan ng dalawa nitong mapananaligang pinagkukunang batayan: ang Qur-an at ang mga kasabihan ni Propeta Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan) na nagsasabing makakamit natin ang katiwasayan ng isip, kaligayahan at kaligtasan sa pamamagitan ng pag-alam at paniniwala sa iisa at tunay na Diyos na si Allah ng buong puso. Nararapat din na maniwala tayo sa lahat ng kanyang mga isinugo (kabilang na rito si Propeta Muhammad) at sundin ang kanilang mga katuruan.
At, ang daan tungo sa masaya at walang hanggang buhay ay sa pamamagitan ng paniniwala at pagbigkas sa testimonyang ito:
“Ako'y sumasaksi na walang sinumang diyos na dapat sambahin maliban kay Allah, at ako'y sumasaksi na si Muhammad ay sugo ni Allah."
Gayunman, ang Islam ay nagsasabi sa atin na ang paniniwala sa nag-iisang Diyos at sa Kanyang mga Propeta ay hindi sapat upang makamtan ang kapanatagan ng isip, kaligayahan at kaligtasan!
Kailangan nating sundin ang kagustuhan ni Allah sa pamamagitan ng pagsamba sa Kanya lamang at pagsunod sa Kanyang mga kautusan.
Ang pagsuko sa kagustuhan ng Diyos ang tunay na mensahe ng Islam. Pagpapatotoo sa tunay na kahulugan nito at pagsuko sa Kanya at ang gantimpalang nakalaan para sa mga nananampalataya at gumagawa ng mga mabubuti. Binanggit ni Allah sa Qur-an:
“Katotohanan, sila na sumampalataya (sa kaisahan ni Allah) at gumawa ng mga mabubuti ay magkakaroon ng Halamanan ng Al-Firdaus (Paraiso) bilang isang pananahanan." (18:107)
Katulad nito'y winika sa Bibliya na si Santiago ay nagsabi:
“Kung paanong ang katawang walang espiritu ay patay, gayundin ang pananampalataya na walang mga gawa." (Santiago 2:26)
Nabanggit din sa Santiago 4:7 ang talatang ito na tumutukoy sa kahulugan ng Islam: “Ipasakop nga ninyo ang inyong mga sarili sa Diyos."
Samakatuwid, ang mga Muslim ang tunay na tagasunod ni Hesus at ng mga Propeta. Ang ibig-sabihin ng salitang Muslim ay taong sumusuko sa kagustuhan ng nag-iisang tunay na Diyos.
Ang mga Muslim ay nananampalataya kay Allah (ang nag-iisang tunay na Diyos) at gumagawa ng mga mabubuti. Kanilang sinusunod ang mga kautusan na ipinarating ni Hesus at ng ibang mga Propeta, at ng kanilang mga gawain tulad ng pagdarasal, papagpapatirapa, pagyuko sa nag-iisang tunay na Diyos, pag-aayuno, pagbibigay ng abuloy, pagsasabi ng: “kung nanaisin ni Allah (Insha Allah)", at paggamit sa pagbati ni Hesus at ng ibang mga Propeta na: “Sumainyo ang kapayapaan (Assalamu alaykum)".
Ilan lamang ito sa mga halimbawa ng katibayan na malinaw na tumutukoy sa katotohanan at kaisahan ng napakagandang relihiyon na ito ng lahat ng mga Propeta: Islam
Ang taong Muslim o taong nais na mag-Muslim ay kailangan niyang maniwala sa anim na haligi ng pananampalataya.
ANG ANIM NA HALIGI NG PANANAMPALATAYA
1. Paniniwala kay Allah (ang nag-iisang tunay na Diyos), na Siya ay umiiral, sa Kanyang pagiging isa (Tawhid), sa Kanyang pagiging Panginoon, sa Kanyang mga natatanging mga pangalan at mga katangian, na Siya lamang ang nararapat na sambahin.
2. Paniniwala sa Kanyang mga anghel, na nilikha ni Allah upang sambahin lamang Siya, at sundin ang Kanyang mga kautusan.
3. Paniniwala sa Kanyang mga kapahayagan (aklat) kabilang na ang orihinal na inihayag kay Moises at kay Hesus (hindi ang mga nabago at napalitan). Ang Qur-an ang siyang kahuli-hulihang aklat na ipinahayag kay Propeta Muhammad.
4. Paniniwala sa Kanyang mga Propeta, kabilang sina Adan, Noah, Abraham, Moises, Juan Bautista, Hesus at Muhammad (sumakanila nawa ang kapayapaan). Ang Muslim ay hindi totoong mananampalataya hangga't hindi siya naniniwala kay Moises at Hesus bilang mga Propeta na isinugo ng nag-iisang tunay na Diyos (Allah), ang Tagapaglikha.
5. Paniniwala sa Huling Araw, ang Araw ng Paghuhukom. Ang lahat ng tao ay huhusgahan ni Allah ayon sa kanilang pananampalataya at mga gawain. Sa katapusan ng paghuhukom, sino ang mga mapupunta sa walang hanggang kaligayahan sa Paraiso, at sino ang mga maitatapon sa apoy ng Impiyerno?
6. Paniniwala sa tadhana na ipinasya ni Allah at ang kanyang ganap na kaalaman sa lahat ng bagay. Ito ay nagiging dahilan ng pagtitiwala ng mga mananampalataya kay Allah. Sila ay kontento sa anumang ipinasya ni Allah para sa kanila maging mabuti man ito o masama. Hindi sila nawawalan ng pag-asa sa mga pagsubok na dumarating. Bumabaling sila kay Allah para sa paghingi ng tulong, suporta at gantimpala.
Ang pananampalatayang ito kay Allah at sa Kanyang mga ipinasya ay nagiging dahilan para maging panatag ang isip ng mga Muslim, kahit pa may mga agresyon, pagsalakay, pagsakop at pagsasamantala sa kanilang mga lupa, langis at kayamanan, at kahit may mga kawalang-katarungan, pagkiling, maling paratang na kanilang nararanasan.
Ito ang mga haligi ng pananampalataya sa Islam na kailangang paniwalaan ng tunay na mananampalataya.
ANG LIMANG HALIGI NG ISLAM
Bilang karagdagan sa anim na haligi ng pananampalataya, ang Islam ay nagtuturo sa atin na ating isagawa ang pananampalatayang ito. Kailangang isagawa ng isang Muslim ang limang haligi na ito ng Islam pati na rin ang lahat ng mga mabubuting gawain bilang pangkahalatan. Narito ang maiksing pagpapaliwanag nito.
1. Shahadah (Pagsasaksi): “Ako'y sumasaksi na walang sinumang Diyos na dapat sambahin maliban kay Allah, at ako'y sumasaksi na si Muhammad ay sugo ni Allah."
Sa wikang Arabe ay ganito:
"أشهد أن لا إله إلا الله وأشهد أن محمدا رسول الله “
“ASH-HADU ALLA ILAHA ILLALLAH, WA ASH-HADU ANNA MUHAMMADAR RASULULLAH."
Ito ang testimonyang dapat banggitin ng sinumang yayakap sa Islam. Nagpapahiwatig ito ng kagandahan at kapayakan ng Islam.
2. Salah (Pagdarasal):
Pagsasagawa ng limang beses na obligadong salah (ang mga bahagi nito ay pagtayo, pagyuko, pagpapatirapa, pagbabasa sa ilang bahagi ng Qur-an, pagpupuri at paggunita kay Allah at paghingi sa Kanya ng habag, kapatawaran at ang Kanyang Paraiso).
Tungkol sa kagandahan at kabutihan ng pagdarasal, ay dinadagdagan nito ang ating ispiritwal na lakas, kaginhawaan ng pag-iisip, at kapanatagan ng ating kaluluwa, isipan at puso.
Kabilang pa sa kagandahan nito'y ang katotohanan na ang mga isinugo ni Allah tulad nina Adan, Noah, Abraham, Moises, Hesus at Muhammad ay nagdasal at nagpatirapa kay Allah. Ang mga Muslim ay sumusunod sa mga yapak ng mga dakilang isinugo ng Diyos.
Kabilang pa rito'y maraming magagandang bagay tulad ng pagmamahal sa Diyos, pagsuko sa Kanya, pagkakaisa, pagkakapantay-pantay ng tao, katapatan, pagpapakumbaba ang matututunan sa salah (pagdarasal).
Katunayan, ang tapat na 'dhikr' (paggunita kay Allah), 'dua' (paghingi sa Kanya), 'istighfar' (paghingi ng kapatawaran), 'salah' (pagdarasal) sa Allah lamang ay mga susi para sa kapanatagan ng isip, katiwasayan at mga pagpapala.
“Silang mga sumampalataya, at sa kanilang mga puso ay nakadarama ng katiwasayan sa paggunita kay Allah. Katotohanan, sa pamamagitan ng paggunita kay Allah magiging matiwasay ang mga puso." (13:28)
“At ang inyong Panginoon ay nagwika, 'Dumalangin kayo sa Akin at Aking diringgin." (40:60)
3. Zakah:
Ang obligadong pagbibigay ng abuloy sa mga mahihirap at nangangailangan. Ang zakah o pagbibigay ng abuloy ay naglilinis sa atin mula sa kadamutan at kasakiman. Nililinis nito ang ating mga ari-arian at pera, at nagtuturo sa atin ng pag-aaruga at pagbibigayan na siyang nagbubuo ng matibay na pagmamahalan at paggalang sa pagitan ng mga mayayaman at mahihirap. Katunayan, ito ay nagbibigay suporta, tulong at kooperasyon sa isang komunidad.
4. Sawm:
Ito ay pag-aayuno o pagpigil sa sarili mula sa pagkain, pag-inom, pakikipagtalik mula sa pagbukang-liwayway hanggang sa paglubog ng araw. Ilan sa mga pakinabang at aral na nakukuha sa pag-aayuno ay:
-Kabutihang Pang-ispiritwal
Pinapaunlad nito ang 'taqwa' (takot kay Allah) at ang pagkamatapat. Ang buwan ng Ramadhan ang pinakamainam na panahon para makamit ang pagpapala ng Diyos, kapatawaran, kaligtasan mula sa Impiyerno at makuha ang Paraiso.
-Kabutihang Moral at Emosyonal
Sa buwan ng Ramadhan, matututunan natin at mararanasan natin ang gutom na nararanasan ng milyun-milyong katao sa iba't ibang bahagi ng mundo. Nagtuturo ito upang tayo'y magbigay, magpakumbaba at maging mabuti.
-Kabutihang Pangkarunungan
Ang pag-aayuno ay nagtuturo sa atin ng maraming bagay. Halimbawa nito'y ang pagbabago o pag-iwas sa mga di-mabuting nakasanayan natin tulad ng labis na pagkain. Tayo rin ay mas nagiging disiplinado at mas nagiging matimpi at mapagpigil. Karagdagan pa'y itinuturo nito na ang mga dating Propeta ng Diyos tulad nina Muhammad, Moises at Hesus ay nagsipag-ayuno din.
-Kabutihang Pangkalusugan
Sa pamamagitan ng pag-aayuno, ang ating katawan ay nakakaiwas mula sa labis na taba. Ang mga manggagamot at mga nutrisyonista ay nagtatagubilin ng pag-aayuno at inilarawan nila ito bilang 'tagapagsunog ng taba' at 'tagapaggagamot'. Ang pag-aayuno rin ay gamot sa ilang mga sakit.
Ilan lamang ito sa mga kabutihan at pakinabang ng pag-aayuno.
5. Hajj
Ito ang pagtungo sa Makkah na kailangang isagawa ng bawat Muslim ng isang beses sa kanyang buhay na siya ay may kakayahang pisikal, mental at pinansyal.
Katulad ng ibang haligi ng Islam, ang ganda, aral at pakinabang na makukuha sa Hajj ay marami din. Milyun-milyong mananampalataya (iba't ibang lahi, kulay sa iba't ibang bahagi ng mundo) ang tumutugon sa panawagan ni Abraham. Magagandang alituntunin ang makikita tuwing Hajj, kabilang na rito ang pagsuko at pagsunod kay Allah, kapatiran at pagkakaisa sa Islam, pagtitimpi, pagsasakripisyo, pagdarasal, kawang-gawa at pag-aayuno. Ang Hajj ang siyang pinakamalaki at pinakakatangi-tanging pagtitipon sa kasaysayan ng tao.
Dahil sa dakilang tagpong ito ng iba't ibang lahi at kulay para lamang paglingkuran ang nag-iisang Diyos at sundin ang iisang mensahe, si Malcolm X at ang iba pa ay natutunan nila ang aral at ganda ng totoong pananampalataya, pagkakaisa at pagkakapantay-pantay, nang sila'y pumunta sa Makkah upang isagawa ang Hajj.
“Pinalawak ng Hajj ang saklaw ng aking isip. Biniyayaan ako nito ng mabuting kaalaman. Sa loob ng dalawang linggo sa Banal na Lupa, nakita ko ang hindi ko kailanman nakita sa Amerika sa loob ng tatlumpu't siyam na taon. Nakita ko ang iba't ibang lahi at kulay – mula sa asul ang mata hanggang sa mga maiitim na Aprikano – sa kanilang tunay na kapatiran! May pagkakaisa! Nabubuhay ng iisa! At sumasamba ng iisa!" –Malcolm X
IKATLONG BAHAGI
ANG GANDA AT KADALISAYAN NG BANAL NA QUR-AN
Ang Qur-an ang saligang-batas na ipinahayag ng Diyos (Allah) para mamahala sa buhay ng tao. Nagpapahayag ito ng ganap na kaalaman ng Tagapaglikha tungkol sa Kanyang paglikha. Inihahayag nito ang katotohanan at iniimbitahan ang sangkatauhan sa daan ng katotohanan. Naglalaman ito ng mahahalagang impormasyon tungkol sa kapalaran ng sangkatauhan.
Ito'y nagbibigay-aral at iniaangat ang tao sa pinakamataas na antas na ispiritwal, moral, intelektwal at panglipunan kung kanilang pagsusumikapan na unawain at isagawa ang mga aral nito.
Ang Qur-an ang siyang walang-hanggang himala na ibinigay sa kahuli-hulihang Propeta na si Muhammad, bilang katibayan ng kanyang pagiging propeta. Ito ay katangi-tangi. Ipinahayag ng mahigit labing-apat na siglo na ang nakararaan, ito ay nananatili pa ring buo at kumpleto at hindi napalitan mula sa orihinal nitong anyong Arabe.
Sa pagnanais kong ibahagi sa inyo ang ilan sa mga magagandang berso ng Qur-an, ako'y labis na naguluhan kung alin ang pipiliin ko na ihandog sa inyo at alin ang hindi, dahil sa limitadong ispasyo ng aklat na ito.
Kaya upang matuklasan ang ganda at likas na yaman ng salita na ito ng nag-iisang tunay na Diyos ay maaari mong personal na basahin ang Qur-an. Subukan mong kumuha ng tunay na kopya ng Banal na Qur-an o maaari ka ring kumuha ng kopya sa ilan sa mga mapagkakatiwalaang website na Islamiko tulad ng www.sultan.org .
MAGAGANDANG BERSO MULA SA QUR-AN
Lahat ng berso sa Qur-an ay salita ng Diyos. Halina't ating basahin ang ilan sa mga kabigha-bighaning berso ng Qur-an na nagpapahayag sa opinyon ng Islam sa ilang mga mahahalagang konsepto.
Kapatawaran at Kaligtasan
“Sabihin: O Aking mga alipin na nagkasala laban sa kanilang mga sarili. Huwag kayong mawalan ng pag-asa sa habag ni Allah. Katotohanang si Allah ay nagpapatawad ng lahat ng kasalanan. Katotohanang Siya ay Labis na Mapagpatawad, ang Pinakamahabagin." (39:53)
Kapag ang isang tao'y nagsisi at nagbalik-loob kay Allah, si Allah ay handang tumanggap sa Kanyang alipin at Kaniya itong pinapatawad.
Oo, ipinapatawad ni Allah ang lahat ng kasalanan kung tayo'y tapat na magbalik-loob sa Kanya. O anong ganda!
“Katotohanang naiibigan ni Allah ang nagbabalik-loob sa Kanya at ang nagdadalisay sa kanilang mga sarili." (2:222)
Katiyakan, sa Islam ay si Allah ang pinagmumulan ng kapayapaan, habag at kapatawaran; at hindi dahilan ng galit, pagdanak ng dugo at terorismo.
Kaya naman sa Islam, upang makamtan ang kaligtasan at walang hanggang buhay ay magbalik-loob ka lamang kay Allah, manampalataya sa Kanya lamang at gumawa ng mga mabubuti. Hindi na kailangan pang kumuha ng inosente at mabait na tao para ipako sa krus o di kaya'y paslangin upang sagipin ang kasalanan ng iba. Ipinag-uutos din ng Islam sa kanyang mga tagasunod (mga Muslim) ang pagpapatawad sa iba.
Ito ang maiksing pagpapaliwanag ng magandang konsepto ng kaligtasan at pagpapatawad sa Islam. Katotohanan, ang Islam ay relihiyon ng habag at pagpapatawad.
Katarungan
“O kayong mga nagsisampalataya! Manindigan kayo ng matatag kay Allah at maging makatarungang mga saksi, at huwag hayaan na ang pagkamuhi ng iba ay makagawa sa inyo na umiwas sa katarungan. Maging makatarungan, ito ay higit na malapit sa kabanalan, at matakot kayo kay Allah. Katotohanang si Allah ay nakababatid sa anumang inyong ginagawa." (5:8)
Tinuturuan tayo ng Islam na maging makatarungan sa lahat ng tao, maging sa ating mga kaibigan at kaaway sa anumang oras, sa oras man ng kapayapaan o digmaan.
Nagtuturo din ito sa kanyang mga tagasunod na maging makatarungan ng walang halong pansariling interes at walang masamang hangarin.
“Katotohanang si Allah ay nag-uutos sa inyo na inyong ibalik ang pagtitiwala sa kaninuman na nagmamay-ari nito, at kung kayo ay hahatol sa pagitan ng mga tao, ay humatol kayo ng makatarungan." (4:58)
Bilang makatotohanang paglalahad ng ganda nito, pagpapahalaga, habag at katarungan, nag-uutos ang Islam na ating protektahan itong tinatawag ng mga pantas sa Islam na: Ang Limang Pangangailangan.
Ang Limang Pangangailangan:
Ipinag-uutos ng Islam na protektahan natin ang mga ito sa ating mga sarili at sa iba:
1. Relihiyon.
2. Kaluluwa.
3. Pag-iisip.
4. Karangalan.
5. Kayamanan (anumang pag-aari).
Ang Qur-an ay nagsasabi na sinuman ang pumatay ng inosenteng kaluluwa ay “parang pinatay niya ang buong sangkatauhan. At kung sinuman ang magligtas ng isang buhay, ay parang iniligtas niya ang buong sangkatauhan." (5:32)
Bilang pagpapahalaga sa kalayaan at pag-aalaga sa pananampalataya, ang Banal na Qur-an ay nagsasabi:
“Walang pamimilit sa pananampalataya." (2:256)
Gayunman, pinapahalagahan ng Islam ang karapatan ng bawat tao at hindi nito pinipilit na yakapin ang pananampatayang ito ng sapilitan. Ito ang katotohanan, ganda, katarungan, pagpaparaya at kabutihan ng Islam sa pakikitungo sa mga hindi Muslim.
Kaya naman, kailangan nating maging matapat at makatarungan sa paghusga sa iba. At ating pakatatandaan ang sinabi ni Allah sa Kanyang Banal na Qur-an: “…at huwag hayaan na ang pagkamuhi ng iba ay makagawa sa inyo na umiwas sa katarungan. Maging makatarungan, ito ay higit na malapit sa kabanalan, at matakot kayo kay Allah. Katotohanang si Allah ay nakababatid sa anumang inyong ginagawa." (5:8)
Kaya tungkol doon sa di-makatarungang pag-aakusa ng mga ilang pinuno ng bansa at relihiyon, manunulat, mangguguhit at midya, sa kanilang pambibintang sa Islam at sa mga Muslim ng terorismo, na kanila ring pinagpipilitan na ang Islam ay lumaganap sa pamamagitan ng pamimilit at espada, at sa ilan ring umaalipusta kay Allah at sa Kanyang huling Propeta na si Muhammad sa pamamaraan ng napakasamang pagguhit, ako'y nagmumuni-muni:
-Ito ba ang ibig sabihin ng malayang pamamahayag at malayang kuro-kuro? Wala bang dobleng huwaran na ginagamit sa pakikitungo sa Islam at mga Muslim? (Halimbawa, bakit hindi kailanman narinig ang katagang 'Christian terrorists' o 'Jewish terrorists' samantalang hindi maikakaila ang ginawang kasamaan ng ilan sa mga tagasunod ng mga relihiyong ito?
-Malaya ba ang bawat isa na mang-insulto, mang-alipusta ng iba at ng kanilang pananampalataya, o di kaya'y akusahan silang lahat ng terorismo?
-Ganito ba ang sibilisasyon, demokrasya at kalayaan na itinuturo sa mga kabataan sa mga paaralan, unibersidad at sa lipunan bilang pangkalahatan?
-Talaga bang ang espada ng Islam ang dahilan kung bakit yumakap ang libu-libong matatalino't matatapat na lalake't babae sa buong mundo sa pananampalatayang Islam sa ngayon? (Maraming aklat, artikulo at website ang tumatalakay kung bakit at paanong sila'y yumakap sa Islam. Isang halimbawa na aking irerekomenda ay: 'Islam Our Choice: Portraits of Modern American Muslim Women' – iniwasto nina Debra L. Links at Stephanie Parlove. Ito'y mahahanap sa internet).
Bilang karagdagan, ayon sa mga ulat ng Amerika at Kanluranin, ang Islam ang relihiyon na siyang pinakamabilis dumami ang bilang ng mga mananampalataya nito.
Pagkakapantay-pantay
“O sangkatauhan! Kayo'y Aming nilikha mula sa isang pares ng lalake at babae, at kayo'y Aming ginawa na maraming bansa at mga tribo upang makilala ninyo ang isa't isa. Katotohanan, ang pinakamarangal sa inyo sa paningin ni Allah ay ang pinakamabuti sa inyo. Katotohanang si Allah ay ganap ang Kanyang kaalaman at lubos na nakababatid ng lahat." (49:13)
Sinabi rin ni Propeta Muhammad sa kanyang huling sermon:
“O mga tao, ang inyong Diyos ay iisa at ang inyong ama ay iisa. Kayong lahat ay mula kay Adan at si Adan ay mula sa alikabok. Ang isang Arabo ay hindi nakakahigit sa isang hindi Arabo, at ang isang hindi Arabo ay hindi rin nakahihigit sa isang Arabo. Walang kahigitan ang puti sa itim, ganundin ang itim sa puti. Lahat kayo ay pantay-pantay. Walang kahigitan ang isa sa bawat isa maliban lamang sa kanyang takot kay Allah at paggawa ng kabutihan."
Ang Islam ay nagtuturo na huwag nating maliitin ang iba dahil sa kanilang lahi, kulay ng balat o mata, o bansang kinabibilangan.
Ang Islam ang siyang tunay na gamot sa problemang panlahi at diskriminasyon na nasasaksihan ngayon ng mundo.
Sa Islam, ang mga itim at ang mga puti ay magkakapatid sa iisang lahi ng tao. Silang lahat ay nagmula sa iisang ama, si Adan, na nilikha mula sa alikabok. Kaya tayong lahat ay mula sa lupa, at tayo ay babalik doon at magiging lupa.
Ito ang mahalagang aral na makukuha natin mula sa nabanggit sa kabilang pahina na mula sa Qur-an at pananalita ng Propeta. At ito rin ang aral na natutunan ni Malcolm X nang pumunta siya sa Makkah upang magsagawa ng Hajj. Bakit kaya may mga taong nakakaramdam at gumagawa ng pagmamataas o maling pagmamalaki sa iba?
Lawak at Kaisahan ng Mensahe
“Sabihin: Kami ay sumasampalataya kay Allah, at sa kapahayagan na ipinagkaloob sa amin, at (sa mga ipinahayag) kay Abraham, Ismail, Isaac, Hakob at sa (labingdalawang) Tribo, at sa mga ipinahayag kay Moises, Hesus at sa mga ipinahayag sa lahat ng mga Propeta mula sa kanilang Panginoon. Kami ay hindi nagtatakda sa kanila ng pagtatangi-tangi at kay Allah lamang kami ay tumatalima." (2:136)
Minamahal at pinaniniwalaan ng mga Muslim ang lahat ng mga Propeta ng Diyos kasama sina Adan, Noah, Abraham, Ismail, Isaac, Hakob, Moises, Hesus at Muhammad (sumakanila nawa ang kapayapaan at pagpapala ni Allah).
Sinabi ni Propeta Muhammad: “Ako ang pinakamalapit sa lahat ng tao kay Hesus, ang anak ni Maria. Sapagkat walang propeta sa pagitan ko at siya (Hesus). Ang mga Propeta ay magkakapatid; ang kanilang mga ina ay magkakaiba, subalit ang kanilang relihiyon ay iisa."
Ano itong pangkalahatan at nag-iisang tunay na relihiyon ng lahat ng mga Propeta ng Diyos?
ILAN PANG MGA MAGAGANDANG BERSO NA DAPAT PAGMUNI-MUNIHAN
Ang ganda, tamis at kadalisayan ng Banal na Qur-an ay walang hanggan; kaya't hayaan ninyo akong bumanggit ng ilan sa mga berso ng Qur-an ng walang pagpapaliwanag. Nais kong ito'y inyong pag-isipan at suriin. Subukan ninyong tumuklas pa ng mga yaman ng Pinakahuling Testamento, ang Qur-an.
Si Allah at ang Kanyang Sugo
“Siya (Allah) ang nagpadala ng Kanyang Sugo (Muhammad) ng may patnubay at pananampalataya ng katotohanan…" (48:28)
“Si Muhammad ay hindi ama ng sinuman sa inyo, datapwa't siya ay Sugo ni Allah at selyo (panghuli) ng lahat ng mga Propeta. At si Allah ay may ganap na kaalaman sa lahat ng bagay." (33:40)
Katiwasayan at Paraiso
“Siya (Allah) ang naghatid ng katahimikan (at kapanatagan) sa puso ng mga mananampalataya upang mapag-ibayo nila ang kanilang pananalig, na kaalinsabay ng kanilang pananalig (sa ngayon)… Upang Kanyang tanggapin ang mga mananampalatayang lalake at mga mananampalatayang babae sa halamanan na sa ilalim nito ay may mga ilog na nagsisidaloy, upang manahan dito ng walang hanggang kasiyahan. At Kanyang pawiin sa kanila ang kanilang mga kasalanan, at ito sa paningin ni Allah ay isang dakilang tagumpay." (48:4-5)
“O mapayapang kaluluwa, magbalik ka sa iyong Panginoon na nalulugod at kinalulugdan. At pumasok ka sa lipon ng Aking mga mararangal na alipin. At pumasok ka sa Aking Paraiso." (89:27-30)
Ang mga Kalalakihan at mga Kababaihan (sa Islam)
“Katiyakan, ang mga Muslim na lalake at mga Muslim na babae, ang mga mananampalatayang lalake at mga mananampalatayang babae, ang mga masunuring lalake at mga masunuring babae, ang mga matatapat na lalake at mga matatapat na babae, ang mga mapagtimping lalake at mga mapagtimping babae, ang mga mapagpakumbabang lalake at mga mapagpakumbabang babae, ang mga mapagkawang-gawang lalake at mga mapagkawang-gawang babae, ang mga mapag-ayunong lalake at mga mapag-ayunong babae,ang mga mapag-alagang lalake sa kanilang maselang bahagi ng katawan at mga mapag-alagang babae (sa kanilang maselang bahagi ng katawan), at ang mga lalaking laging gumugunita kay Allah at mga babae (laging gumugunita kay Allah); ay inihanda sa kanila ni Allah ang kapatawaran at malaking gantimpala." (33:35)
“At sinuman ang gumawa ng kabutihan, maging siya ay lalake o babae, at siya'y mananampalataya, sila yaong papasok sa Paraiso…" (4:124)
Mga Kabigha-bighaning Katuruan
“At magmadali tungo sa kapatawaran ni Allah, at sa Paraiso na kasinglawak ng mga kalangitan at ng kalupaan na inihanda para sa mga mabubuti. Silang mga gumugugol (kawanggawa) sa kasaganaan man o kahirapan, at nagtitimpi ng galit at nagpapatawad sa mga tao. Katotohanang minamahal ni Allah ang mga gumagawa ng mga mabubuti. At sila na kapag nakagawa ng kasalanan o nagawan ng pinsala ang kanilang sarili, ay kanilang gugunitain si Allah at hihingi ng kapatawaran para sa kanilang mga kasalanan. –At sino pa ba ang magpapatawad ng mga kasalanan maliban kay Allah?– At hindi sila nagpupumilit na ipagpatuloy ang kamalian na kanilang nagawa na ito'y kanilang nalalaman. Sila yaong ang kanilang gantimpala'y kapatawaran mula sa kanilang Panginoon, at mga halamanan na sa ilalim nito'y may mga ilog na nagsisidaloy, sila ay mananatili doon magpakailanman. Anong inam ng gantimpala ng mga gumagawa ng mabubuti." (3:133-136)
Mga Dapat at Di-dapat Gawin
“Huwag kayong sumamba maliban lamang kay Allah, at maging mabuti sa inyong mga magulang, sa mga kamag-anak, sa mga ulila at sa mga mahihirap, at kayo ay mangusap sa mga tao ng mabuti." (2:83)
Pag-alala at Pagpapahinga
“Silang mga sumampalataya, at sa kanilang mga puso ay nakadarama ng katiwasayan sa paggunita kay Allah. Katotohanan, sa pamamagitan ng paggunita kay Allah magiging matiwasay ang mga puso." (13:28)
Bilang pagbubuod sa bahaging ito, maniwala kayo sa akin na ang katotohanan, ganda, at mga kamangha-mangha sa Qur-an ay walang katapusan. Habang lalo natin itong nababasa ay lalong dumarami ang ating natutuklasan dito, at lalo nating nararamdaman na parang unang beses pa lang natin itong nabasa.
Ang mga aspeto nito na pagiging kapani-paniwala, kamangha-manghang daloy ng mga salita, pang-agham, panggagamot, at mga kaakit-akit na kalikasan ng Qur-an at iba pang kawili-wili sa Qur-an ay hindi ko na naisulat pa rito dahil sa limitadong espasyo ng aklat na ito.
IKAAPAT NA BAHAGI
ISANG MAGANDANG AMBAG
"ANG RELIHIYON NI ADAN AT NI EBA"
Ni: Linda Barto*, (USA)
Isa sa mga natatanging ganda ng Islam ay ang bagay na hindi nilikha ng Diyos ang sangkatauhan bilang mga kaluluwa lamang, pagkatapos ay pababayaan tayong alamin sa ating mga sarili ang halaga at layunin ng ating pagiging kaluluwa. Bagkus binigyan Niya tayo ng pag-iisip upang magsaliksik sa katotohanan. Naglaan Siya sa bawat tao ng isang tasa ng patnubay na hindi nababakante hangga't siya ay patuloy na umiinom nito. Sa pamamagitan ng pagiging perpekto ng Diyos, ang Kanyang liwanag ay nagdudulot ng bahaghari ng awa, pagpapala, at katarungan; at kinulayan ang ating mga kaluluwa ng ganap na pananampalataya na ginawa ng Diyos para sa atin.
Nilikha ng Diyos ang mundo at ang lahat ng napapaloob dito para sa kapakanan ng sangkatauhan, kaya malinaw na kabilang na sa Kanyang paglikha ang tunay at ganap na relihiyon. Ano ang relihiyon na iniutos kay Adan at Eba?
Ayon sa Qur-an, ang relihiyong pinili para sa atin ay ang ganap na pagsuko sa Diyos, kung saan sa wikang Arabe ay Islam. Inilalarawan ito ng Qur-an bilang siya ring relihiyon ni Abraham, na tinawag na kaibigan ng Diyos, isinuko lamang niya ang kanyang sarili sa Diyos.
Sa Islam, ang bawat taong ipinapanganak ay may kaluluwa na sumusuko sa Diyos, subalit siya ay malayang pumili ng landas na kanyang tatahakin o di kaya'y talikuran ang tamang buhay kung saan iyon ang dahilan ng pagkalikha sa kanya.
Sa isang bahagi ng buhay, bawat tao ay kailangang magdesisyon kung siya ba ay mananatili sa pagsuko sa Diyos o sumuong sa likong pamumuhay ng kasakiman, materiyalismo at luho ng sarili. Siyempre, maraming tao ang naligaw mula sa katotohanan at tamang landas sa pamamagitan ng di-mananampalatayang mga magulang o di kaya'y sa maling paraan ng ispiritwal pagpapalaki sa kanya. Sa Islam, ang Diyos ang Siyang hahatol ayon sa pagkaintindi ng bawat isa at sa kanilang likas na gawi; makasisigurado tayong makatarungan ang Kanyang magiging desisyon sa Araw ng Paghuhukom.
Kapag isinuko ng tao ang kanyang sarili sa Diyos, bawat aspeto ng kanyang pagiging tao –isip, katawan at kaluluwa- ay kailangang para sa Diyos lamang. Ang pagpapanatili sa kalinisan ng kaluluwa sa pamamagitan ng pagdarasal at pagsamba ay sadyang napakahalaga, subalit importante rin namang magkaroon ng mga kapaki-pakinabang na karunungan ang isipan at humabilo ang katawan sa malusog na pamumuhay. Iniaalok ng Islam ang pagkakataon na alamin ang iyong ganap na katauhan. Sa pamamagitan ng pagiging Muslim, ikaw ay magiging totoo sa iyong sarili habang iniiwan mo ang lahat ng mga nakakapagod na pasanin at maglakbay sa tamang daan, na siyang daan ng iyong paa noong ikaw ay ipinanganak dito sa mundo.
Ang mga nakabibighaning mga katotohanan sa Islam ay kayang linawin ang katotohanan ng lahat ng relihiyon habang tinutulungan nito ang mga mananampalataya na iwinawaksi ang kasinungalingan. Ang saklaw ng Islam ay pangkalahatan.
* Si Linda Barto ay isang Amerikanang manunulat, makata at makasining.
IKALIMANG BAHAGI
ANG KATOTOHANAN TUNGKOL SA HULING PROPETA
Si Muhammad (ibig sabihin ay ang pinuri, sumakanya nawa ang kapayapaan at pagpapala ni Allah), na anak ni Abdullah, ay ipinanganak sa Mecca noong taong 570 C.E. Siya ay nakilala sa kanila bilang Al-Amin (ang mapagkakatiwalaan).
Nang umabot si Muhammad ng edad na apatnapu, si Anghel Gabriel ay dumating sa kanya ng may kapahayagan. Una siyang inutusan na imbitahin ang kanyang mga malalapit na kamag-anak sa Islam, kabilang na rito ang kanyang asawang si Khadijah, hanggang sa iutos sa kanya na magsimula siyang iparating ang mensahe sa buong sangkatauhan. Sa mga sumunod na taon ng kanyang buhay, ay kanyang naiparating ang mensahe ni Allah sa iba, nagbigay siya ng tamang halimbawa at naging ganap na ehemplo para sa sangkatauhan. Sa taong 632, iniwan niya ang mundong ito sa edad ng animnapu't tatlo.
Si Propeta Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan at pagpapala ni Allah) ay tinawag na “Selyo ng mga Propeta". Siya ang kahuli-hulihang propeta at isinugo upang patotohanan ang mga katotohanan na ipinahayag bago pa sa kanya, kabilang na ang 'Ebanghelyo ni Hesus'.
Pinatutunayan ng Qur-an na: “Siya (Muhammad) ay Sugo ni Allah at selyo (panghuli) ng lahat ng mga Propeta." (33:40)
Bilang patunay sa kanyang kaugnayan kay Hesus, sinabi niya (Propeta Muhammad): “Kung ang tao'y maniwala kay Hesus at pagkatapos ay maniwala sa akin, ay makakakuha siya ng dobleng gantimpala."
Sinabi rin ni Propeta Muhammad: “Ako ang pinakamalapit sa lahat ng tao kay Hesus, ang anak ni Maria. Sapagkat walang propeta sa pagitan ko at siya (Hesus)."
Ang mga winika niyang ito'y nagpapaliwanag kung paanong pinarangalan ni Propeta Muhammad si Hesus (sumakanila nawa ang kapayapaan at pagpapala ni Allah). Ito ay propesiya na nabanggit ni Hesus sa Bibliya.
ANG KATANGI-TANGING PAG-UUGALI NI PROPETA MUHAMMAD
Si Muhammad, mula sa kanyang pagkabata hanggang sa pagbibinata hanggang sa pagiging propeta hanggang sa kanyang kamatayan, ayon sa mga makatarungan at matatapat na tao, sa buong kasaysayan, ay isang espesyal at may napakataas na antas ng pag-uugali. Siya ay mahabagin, tapat, sinsero, mabait, mapagkumbaba atbp. Katunayan, bawat detalye ng kanyang mga pribado at publikong pananalita ay naitala ng wasto at tumpak, at napanatili hanggang sa ngayon.
Siya ay propeta, sugo, gurong pangrelihiyon, tagapagbago ng lipunan, gabay, pinuno, tapat na kaibigan, mabuting kasama, responsableng asawa at mapagmahal na ama.
Dahil dito, binansagan siya ni Ramakrishna Rao, isang propesor ng Pilosopiya sa Indiya, sa kanyang aklat na 'Si Muhammad: Ang Propeta ng Islam' bilang “ang ganap na modelo para sa buhay ng tao". Nilinaw rin ni Rao na: “ Ang katauhan ni Muhammad, ay napakahirap na alamin ang buong katotohanan nito. Bahagi lamang nito ang aking kayang makuha. Anong gandang pagkakasunod-sunod na mga tagpo. Nariyan si Muhammad, ang mandirigma; si Muhammad, ang negosyante; si Muhammad, ang pinuno; si Muhammad, ang mananalumpati; si Muhammad, ang tagapagbago; si Muhammad, ang kanlungan ng mga ulila; si Muhammad, ang tagapagtanggol ng mga alipin; si Muhammad, ang tagapagpalaya ng mga kababaihan; si Muhammad, ang hukom; si Muhammad, ang santo. Lahat ng mga kahanga-hangang mga gawain na ito, sa lahat ng sangay ng mga gawain ng tao, siya ay isang bayani."
Sa loob lamang ng maiksing pananhon ng dalawampu't tatlong taon ng kanyang pagiging propeta, ay nabago niya ng ganap ang kalupaan ng mga Arabo…
- mula sa paganismo at pagsamba ng mga diyus-diyosan tungo sa pagsuko sa iisang Diyos…
- mula sa mga away pang-tribo at digmaan tungo sa pagkakaisa…
- mula sa paglalasing at kahalayan tungo sa pagtitimpi at kabutihan…
- mula sa kawalan ng batas at pamahalaan tungo sa disiplinadong pamumuhay…
- mula sa lubog na moralidad tungo sa pinakamataas na antas ng moralidad.
Wala itong katulad sa kasaysayan ng tao na nagkaroon ng ganap na pagbabago ang isang lipunan o lugar, at iyong guni-gunihin ang mga kamangha-manghang pangyayaring ito sa loob lamang ng mahigit dalawang dekada.
SI PROPETA MUHAMMAD AYON SA MGA KASULATAN NG MUNDO
Dahil hindi ang pinakapaksa ng aklat na ito ay ilahad ang lahat ng mga propesiya sa ibang mga kasulatan ng ibang mga relihiyon tungkol sa pagdating ni Propeta Muhammad, aking babanggitin ang itinala ng mga pantas sa Islam tulad ng sa mga kasulatan ng Parsi, Hindu, Budismo, Hudaismo at Kristiyanismo.
Tunay na ang pagkakaroon ni Muhammad sa ibang mga kasulatan ay isang napakainteresadong paksa na talaga namang pinag-usapan sa iba't ibang mga aklat at mga artikulo, at ganun din sa internet. (Bilang karagdagang impormasyon sa paksang ito, maaari ninyong bisitahin ang website ni Dr. Zakir Naik na www.irf.net o di kaya'y hanapin sa internet at isulat itong mga kataga: Prophet Muhammad, Muhammad in the Hindu scriptures, Muhammad in the Bible atbp.).
Kabilang sa mga aklat na ito, halimbawa, ay isinulat ni A. H. Vidyarthi at ﷻ. Ali ang aklat na pinamagatang 'Muhammad in Parsi, Hindu, and Buddhist Scriptures'.
Sa aklat ni Prof. Abdul Ahad Dawud (dating Christian Reverend David Benjamin) na 'Muhammad in the Bible', nagkomento siya sa binanggit sa Bibliya na pagdating ng propeta na kung saan "katulad mo, Moises" sa pagsasabing: “Mababasa natin ang mga sumusunod na salita sa Deutronomy 18:18 na nagsasabing: “Aking palilitawin sa kanila ang isang propeta sa gitna ng kanilang mga kapatid, na gaya mo; at aking ilalagay ang aking mga salita sa bibig niya." Kung hindi si Muhammad ang tinutukoy dito , ang salitang ito ay nananatiling hindi pa natutupad. Kailanaman si Hesus ay hindi niya inangkin na siya ang tinutukoy na propeta dito… si Hesus, ayon sa paniniwala ng Simbahan, ay lalabas bilang tagahatol at hindi bilang tagapaghatid ng batas, subalit ang pinangakuan ay darating na may 'apoy na batas' sa 'kanyang kanang kamay'."
Ipinahayag ng mga pantas na Muslim na ang propesiyang ito ay walang ibang pinagbabagayan kundi si Muhammad. Si Moises at si Muhammad ay maraming pagkakahawig sa maraming bagay – parehas ang letrang simula ng kanilang mga pangalan. Sila rin ay magkatulad sa natural na pagkapanganak, pagpapakasal, misyon at natural na pagkamatay. Silang dalawa'y parehas na propeta, mambabatas at pinuno. Bawat isa rin ay nagdala ng “apoy na batas". Sa kabilang banda, si Hesus at si Moises ay magkaiba sa maraming bagay. Si Hesus ay kinilala ng kanyang mga tagasunod na diyos o anak ng diyos. Ang kanyang kapanganakan, misyon, at kamatayan ay hindi tulad kay Moises. Si Hesus ay hindi nakapag-asawa, at hindi rin namuno sa kanyang bayan, o nakipaglaban sa mga digmaan tulad ni Moises.
Karapat-dapat ding banggitin na ang “isang propeta sa gitna ng kanilang mga kapatid“ ay tumutukoy sa isang propeta na mula sa mga kapatid ng mga Israelites, ang Ismaelites.
Sa Bagong Testamento ng Bibliya, hinulaan rin ni Hesus ang pagdating ng isang Tagapayo. Sinabi ni Hesus: “at bibigyan Niya kayo ng ibang Tagapayo" (Juan 14:16).
Bilang karagdagan, sinabi ni Hesus: “Gayunman, sinasabi ko sa inyo ang katotohanan: Makakabuti sa inyo na ako ay umalis sapagkat kung hindi ako aalis, ang Tagapayo ay hindi darating sa inyo. Kapag ako ay umalis, susuguin ko siya sa inyo. Pagdating niya ay kaniyang susumbatan ang sangkatauhan patungkol sa kasalanan, sa katuwiran at sa kahatulan… Marami pa akong sasabihing mga bagay sa inyo ngunit hindi ninyo ito matatanggap sa ngayon. Gayunman, sa pagdating ng Espiritu ng Katotohanan, papatnubayan niya kayo sa lahat ng katotohanan. Ito ay sapagkat hindi siya magsasalita ng patungkol sa kaniyang sarili. Kung ano ang kaniyang maririnig, iyon ang kaniyang sasabihin. Ipapahayag niya sa inyo ang mga bagay na darating. Luluwalhatiin niya ako…" (Juan 16:7-14)
Kung ganun, sino itong “ibang Tagapayo" na darating pagkatapos ni Hesus?
Katunayan ay tiniyak ng mga pantas na Muslim na tanging si Muhammad lamang ang kumpletong nakatupad ng hula na ito ni Hesus sa maraming dahilan. Ang ilan dito'y:
- Sinabi ni Hesus: “at bibigyan Niya kayo ng ibang Tagapayo" (Juan 14:16). Sinabi ng mga pantas na Muslim na ang orihinal nitong wika 'Periklytos' sa Griyego, ay nangangahulugan na 'ang pinuri' na tumutukoy kay Muhammad.
- Ang pagkakasabi ni Hesus na “ibang Tagapayo“ ay hindi maaaring tumukoy sa Espiritu Santo dahil ang Espiritu Santo (bahagi ng Trinidad – Diyos Ama, Diyos Anak, Diyos Espiritu Santo – ayon sa mga Kristiyanong naniniwala rito) ay naroon bago pa man at sa panahon ng misyon ni Hesus, ayon sa Bibliya, subalit ang Tagapayo ay parating pa lamang.
- Si Muhammad ay nagbigay babala sa mga tao tungkol sa kasalanan at inutusan silang gumawa ng kabutihan. Siya rin ay pinuno at tagapaghatol na may 'batas' sa 'kanyang kanang kamay'.
- Ginabayan ni Muhammad ang mga tao tungo sa ganap na katotohanan sa nag-iisang tunay na Diyos, sa katotohanan tungkol sa layunin ng buhay, sa katotohanan tungkol sa Huling Araw at buhay na walang hanggan at sa marami pang bagay.
- Si Muhammad ay nagpakita rin ng maraming mga himala na ibinigay sa kanya ng Siyang nagpadala sa kanya, si Allah.
- Si Muhammad ay isang propeta na “hindi siya magsasalita ng patungkol sa kaniyang sarili. Kung ano ang kaniyang maririnig, iyon ang kaniyang sasabihin." Siya ang instrumento para sa ipinahayag na Salita ng Diyos, ang Qur-an. At sa ngalan ni Allah, ay binibigkas ni Muhammad ang Salita ng Diyos. Binanggit sa Bibliya na “kaniyang sasalitain sa Aking pangalan...“ (Deutronomy 18:19). Katunayan, ang mga kabanata ng Qur-an ay inuumpisahan ng “Sa ngalan ni Allah“.
- Si Muhammad at ang Banal na Qur-an ay pumuri kay Hesus (sumakanila nawa ang kapayapaan). At bilang parangal sa kanya, ay naiibigan ng mga Muslim na pangalanan ang kanilang mga anak ng Eisa (wikang Arabe ng Hesus).
Bilang karagdagan, nang tanungin ng mga Hudyo si Juan Bautista kung sino siya, itinanggi niya na siya si Kristo o si Elias o ang Propetang yaon. “Sino ka? Siya ay nagtapat at hindi nagkaila. Kaniyang ipinagtapat: Hindi ako ang Mesiyas. Tinanong nila siya: Sino ka ba talaga? Ikaw ba si Elias? Sinabi niya: Hindi ako. Ikaw ba ang Propeta? Siya ay sumagot: Hindi." (Juan 1:19-21)
Muli, ikinakatwiran ng mga pantas na Muslim na si Muhammad ang tinutukoy sa tekstong ito ng Bibliya: “Ikaw ba ang Propetang yaon? Siya ay sumagot: Hindi." Kung ganun, sino yaong Propeta? Maliwanag na ang “Propetang yaon" ay hindi si Juan Bautista o di kaya'y si HesuKristo, na pinatunayan mismo ni Juan.
Samakatuwid, ang isang matalino at tapat na mananaliksik ng katotohanan ay magtatanong ng may layunin:
- Sino ang Propetang yaon?
- Sino ang totoong Propeta na darating pagkatapos ni Juan at Hesus na magpapatuloy sa kanilang orihinal na mensahe tungkol sa pagsamba sa iisang Diyos?
Siya si Muhammad!
MGA SIPI KUNG ANO ANG KANILANG SINABI TUNGKOL KAY PROPETA MUHAMMAD
Maraming magagandang bagay ang naisulat tungkol kay Propeta Muhammad (nawa'y mapasakanya ang kapayapaan at pagpapala ni Allah). Ang mga sumusunod ay ilan lamang sa mga pahayag ng mga kilalang tao:
Si Lamartine (sikat na mananaysay) ay nagwika: “Kung ang kadakilaan ng layunin, kaliitan ng pamamaraan at kamangha-manghang resulta ang tatlong batayan ng kadalubhasaan ng tao, sino kaya ang may lakas ng loob na ihambing sa alinmang mga dakilang tao sa modernong panahon kay Muhammad?“
Sinabi pa niya: “Tungkol sa lahat ng mga pamantayan na maaaring masukat ang kadakilaan ng tao, maaari nating itanong, may iba pa bang makahihigit sa kanya?“
(Histoire De La Turqvui, Paris 1854 – Vol. II, pp. 276 – 277)
Sa aklat ni Michael H. Hart na 'The 100: A Ranking of the Most Influential Persons in History', ay kanyang sinabi: “ang pagpili ko kay Muhammad upang manguna sa listahan ng mga pinakamaimpluwensiyang tao sa buong mundo ay maaaring makagulat sa ilang mga mambabasa at maaaring magdalawang-isip ang iba, subalit siya lamang ang natatanging tao sa kasaysayan na naging matagumpay sa larangan ng relihiyon at sekular.“
Idinagdag pa niya: “...itong hindi mapapantayang kombinasyon ng impluwensiyang sekular at relihiyon ang naghatid sa akin upang hirangin na siya ang pinakamaimpluwensiyang tao sa kasaysayan ng sangkatauhan.“ (p.40)
Sa aklat ni Sir George Bernard Shaw na 'The Genuine Islam' ay kanyang binanggit: “Ako'y naniniwala na kung ang isang taong katulad niya ang gampanan ng pamumuno ng makabagong panahon, siya ay magtatagumpay sa paglutas ng mga problema nito na magdadala sa mundong ito ng kapayapaan at kaligayahan.“
Idinagdag pa ni Shaw: “Sa ngayon, siya ang pinakapambihirang tao na umapak dito sa mundo. Nangaral siya ng relihiyon, nagtatag ng estado, nagtayo ng nasyon, naglatag ng batas-moral, nagpasimula ng napakaraming pagbabagong panlipunan at politikal, nagtibay ng malakas at matibay na lipunan upang isagawa ang kanyang mga katuruan at kumpletong paglabanan ang mundo ng pag-iisip ng tao at kaugalian ng lahat ng panahon na darating.“
(The Genuine Islam, Vol. 1, 1936)
Binanggit ni Mahatma Gandhi: “Lalo akong naging kumbinsido na hindi espada ang dahilan ng pagkakaroon ng matatag na lugar para sa Islam noong panahong iyon. Ito ay dahil sa pagiging payak at pagpapakumbaba ng Propetang yaon, masusi niyang pagmamasid sa kanyang mga pangako, kanyang labis na malasakit sa kanyang mga kaibigan at mga tagasunod, kabuuan ng kanyang loob, kanyang katapangan, kanyang ganap na pananalig sa Diyos at sa kanyang misyon.“
Naniniwala si Wolfgang Goethe (pinakatanyag na makata ng Europa) na:
“Siya ay isang propeta at hindi isang makata, kaya ang kanyang Qur-an ay maituturing na isang banal na batas at hindi bilang isang aklat na gawa ng tao, na isinulat para sa edukasyon o libangan.“
Nabanggit sa Encyclopedia Britannica (Vol.12) na: “Maraming detalye mula sa mga naunang pinanggalingan ang nagpapakita na siya ay isang tapat at makatarungang tao na nakakamit ng paggalang at katapatang-loob ng ibang tao na katulad din niyang magagalang at matatapat.“ “... Si Muhammad ang pinakamatagumpay sa lahat ng Propeta at sa lahat ng mga personalidad ng mga relihiyon."
Si Thomas Carlyle, sa kanyang aklat na 'Heroes and Hero-worship', ay nagsabi: “Paanong ang iisang tao'y gawin ang nag-aaway na mga tribo at mga taga-disyerto na isang pinakamalakas at pinakasibilisadong nasyon sa loob lamang ng dalawang dekada." “…Ang mga kasinungalingan (paninirang-puri ng mga taga Kanluran) na kung saan ang magandang loob na pagsisikap ay umapaw sa palibot ng lalakeng ito (Muhammad) ay kahiya-hiya sa atin ring mga sarili."
Si John Esposito (isang Propesor ng relihiyon at pandaigdigang kapakanan, tagapamahala ng Center for International Studies at the College of the Holy Cross, at Founding Director ng PABT Center for Muslim-Christian Understanding, Georgetown University, USA) ay nagsabi sa kanyang aklat 'Islam: The Straight Path': “Si Muhammad ay kabilang sa mga dakilang personalidad na pangrelihiyon, mga propeta kung saan ang kanyang di matatawarang kaugalian ay naghatid ng di-pangkaraniwang pagtitiwala at pananalig. Ang kanyang kahanga-hangang tagumpay sa paghikayat ng mga tagasunod at paglikha ng estado na pumangibabaw sa Arabia ay hindi lamang dahil siya ay sundalong magaling ang pamamaraan kung hindi dahil siya ay di-pangkaraniwang tao… Kinilala si Muhammad ng kanyang mga tagasunod bilang isang mabuti, mapagkakatiwalaan, may takot sa Diyos, matapat at mahabagin." (Esposito 2004)
Nilinaw rin niya na: “Hindi si Muhammad ang nagtatag ng Islam, at hindi rin siya nagsimula ng bagong relihiyon."
At binigyang diin ni Prof. Esposito ang katotohanan na: “Ang Islam ay naghatid ng pagbabago, ito ay muling pag-anyaya sa ganap na pagsuko kay Allah at pagsasakatuparan ng Kanyang mga kagustuhan na inihayag sa kanyang ganap na anyo kay Muhammad, ang kahuli-hulihan o selyo ng lahat ng mga Propeta. Para kay Muhammad, ang Islam ay hindi bagong pananampalataya bagkus ito ay pagpapanumbalik sa totoong pananampalataya…"
MGA MAGAGANDANG PANANALITA NI PROPETA MUHAMMAD
Natatandaan mo pa ba ang nabanggit sa Unang Bahagi (Tuktok Lamang ng Bundok ng Yelo) ng aklat na ito? Ang mga konseptong nabanggit doon ay base sa patnubay ng Qur-an at mga salita ni Propeta Muhammad. Ang mga sumusunod ay ilan lamang sa mga halimbawa ng mga salita ni Propeta Muhammad para lamang ating masulyapan ang ganda, kadakilaan at tamis nito.
- Ang mabuting salita ay kawanggawa.
- Ang tapat na pagngiti ay kawanggawa.
- Ang pinakamainam sa inyo ay ang may pinakamagandang pag-uugali.
- Ang pagtanggal ng isang nakapipinsalang bagay sa daan ay kawanggawa.
- Ang pinakamabuting aspeto ng pananampalataya ay pagtitimpi at pagpaparaya.
- Isang lalake ang nagtanong sa Sugo ni Allah: “Anong aspeto ng Islam ang pinakakanais-nais?" Siya'y sumagot: “Pagbibigay ng pagkain at pagbati sa iyong kakilala at hindi mo kakilala."
Karagdagan pa, sinabi rin ni Propeta Muhammad (nawa'y mapasakanya ang kapayapaan at pagpapala ni Allah):
- Ang Mahabaging Allah ay may habag sa mga taong mahabagin. Kung magiging mahabagin ka sa kaninuman sa mga nasa mundo, Siya na nasa langit ay magiging mahabagin sa iyo.
- Hindi ganap na mananampalataya ang isa sa inyo hangga't hindi niya naisin para sa kanyang kapwa ang anumang ninanais niya para sa kanyang sarili.
- Siya na busog habang ang kanyang kapit-bahay ay pupunta sa kanyang higaan ng gutom ay hindi ganap na mananampalataya.
- Ang malakas ay hindi yaong magaling sa pakikipagtumbahan, bagkus ang malakas ay yaong napipigil niya ang kanyang sarili mula sa galit.
- Katotohanang si Allah ay hindi Niya tinitingnan ang inyong mga katawan at ang inyong mga anyo subalit tinitingnan Niya ang inyong mga puso at ang inyo mga gawa.
- Ang pinakamainam sa inyo ay yaong pinakamabuti sa kanyang pamilya, at ako ang pinakamabuti sa inyo sa kanyang pamilya.
- Ang pinakamainam sa inyo ay yaong pinakamabuti sa kanyang asawa.
- Ang pinakamabuti sa Islam ay yaong mabait (marahan) at mapagparaya.
- Ang pinakamabuting tao ay yaong may pinakamalaking pakinabang sa sangkatauhan.
Ilan lamang ito sa mga halimbawa ng napakaganda at mala-gintong pananalita ni Propeta Muhammad.
Bilang pagsasagawa sa kanyang mga sinabi at itinuro, kanyang mga kaugalian at pakikitungo sa iba ay sumasalamin sa kanyang espesyal at natatanging katauhan sa kanyang moral, habag, katapatan, sinseridad, kabaitan, pagiging makatotohanan, pagpapakumbaba, pagiging mapagbigay, pagiging mapagpatawad, pagtitimpi at iba pang mga magaganda niyang katangian. Ang mga kuwento, halimbawa at mga katibayan ng kabigha-bighaning katauhan ng huling Propeta ay sadyang napakarami para mabanggit lahat dito. Magbigay lamang tayo ng ilang halimbawa.
- Pagkatapos na siya ay tanggihan ng kanyang mga kaaway sa Makkah at di paniwalaan ang kanyang mensaheng Islam…
- Pagkatapos siyang apihin, maltratuhin, at subukin siyang patayin ng ilang beses…
- Pagkatapos siyang pagmalupitan, pahirapan at pataying ang ilan sa kanyang mga tagasunod at mga minamahal sa buhay...
- Pagkatapos siyang labanan at ang kanyang mga kasamahan, at paalisin sila sa kanilang mga tahanan, mga ari-arian at lupa...
Ano ang naging sagot ni Muhammad sa kanyang mga kaaway sa Makkah nang pasukin niya ito at palayain mula sa paganismo at pagsamba sa mga diyus-diyosan?
Sa pagbangon ng dakilang tagumpay ni Muhammad at ng mga Muslim, at sa rurok ng kanilang kasiyahan at kaligayahan ng pagbabalik sa kanilang tahanan, sa banal na siyudad ng Makkah, tinipon ni Propeta Muhammad ang mga taga-Makkah na mga nangangamba na baka sila'y saktan o patayin bilang ganti sa mga nakaraang ginawa nila na pag-abuso at pagpatay sa mga Muslim.
Tinanong sila ni Muhammad: “Ano sa palagay ninyo ang gagawin ko sa inyo?“ Sila ay sumagot: “Ikaw ay may magandang loob na kapatid at anak ng kagalang-galang na kapatid namin.“ At pagkatapos, ang mabait, mapagparaya, may magandang loob at mahabaging propeta ay pinatawad sila at nagsabing: “Walang parusa ang darating sa inyo. Maaari kayong tumungo (sa inyong nais). Kayo ay malaya."
- Nakakita ka na ba ng ganyang uri ng tagpo?
- Nakarinig ka na ba ng ganyang kuwento?
- Nararamdaman mo ba ang habag at awa ng Propeta?
Bilang pagpapaliwanag sa kaganapang ito, sinabi ni Prof. John Esposito: “Imbes na maghiganti at maging mapanakop, ang Propeta ay nagpahayag ng pakikipagkasundo, at naggawad ng amnestiya imbes din na gamitan niya ng espada ang kanyang mga dating kaaway. Dahil doon, ang mga taga-Makkah ay yumakap sa Islam, tinanggap ang pamumuno ni Muhammad at napabilang sa Ummah (komunidad ng mga Muslim).
Sa kabaligtaran naman, nababatid mo ba ang ginagawa ng mga 'super-power' na bansa sa kanilang di-makatarungang pag-atake at pananakop, sa buong kasaysayan?
Sa katunayan, habang lalo nating natutuklasan ang buhay ni Muhammad, ay lalo nating nakikilala ang napakaganda nitong pagkatao at katangian, at siya sa katunayan “ay isinugo bilang habag sa sangkatauhan" (Banal na Qur-an, 21:107).
Sinabi ni Propeta Muhammad: “Ako'y pinadala upang lubusin ang mga magagandang pag-uugali."
Bilang katiyakan sa katotohanang ito, binanggit sa Banal na Qur-an: “At katotohanang ikaw (Muhammad) ay nag-aangkin ng napakataas na antas ng pag-uugali.“ (68:4)
IKAANIM NA BAHAGI
MGA MAGAGANDANG PANGALAN AT KATANGIAN NG DIYOS
Ito ang kahulugan ng ilan sa mga pangalan at katangian ni Allah:
- Allah: ang pangalan ng nag-iisang tunay na Diyos
- Ar-Rahman: Ang Mahabagin
- Ar-Rahim: Ang Maawain
- Al-Malik: Ang Hari
- Al-Quddus: Ang Banal
- As-Salam: Ang Pinagmumulan ng Kapayapaan
- Al-Hakam: Ang Hukom
- Al-Alim: Ang Nakababatid ng lahat
- Al-Basir: Ang Ganap na Nakamamasid
- As-Sami': Ang Ganap na Nakaririnig
- Al-Adl: Ang Makatarungan
- Al-Adhim: Ang Dakila
- Al-Ghafur: Ang Mapagpatawad
- Al-Ali: Ang Kataas-taasan
“Katotohanang si Allah ay mabuti (nagmamay-ari ng mga magagandang katangian), kanyang nagugustuhan ang kabutihan (kagandahan).“ – sinabi ni Propeta Muhammad
IKAPITONG BAHAGI
PAGBUBUOD
Ang Islam ang relihiyon ni Adan at ni Eba at ng kanilang mga anak hanggang sa katapusan ng mundo. Ito ay simple, malinaw, praktikal, at madaling maunawaan. Ang ganda ng Islam ay walang hanggan, dahil ito ay mula sa Tagapaglikha.
Ang nag-iisang tunay na Diyos, Allah, ay nagsabi sa kanyang kabigha-bighani at di-nabagong Qur-an na: “Sa araw na ito'y Aking ginanap ang inyong relihiyon para sa inyo, at nilubos Ko ang Aking paglingap sa inyo, at Aking itinakda sa inyo ang Islam bilang inyong relihiyon." (5:3)
Ang nag-iisang tunay na Diyos ring ito ang nagsabi sa atin na si Muhammad ang Kanyang kahuli-hulihang Propeta na ipinadala para sa sangkatauhan (sa mga Muslim, Kristiyano, Hudyo, Budista, Ateista, Agnostiko atbp.).
Inihandog ni Allah ang Kanyang gabay at liwanag sa lahat ng tao at kanyang inihayag ang mga sikreto at susi upang kanilang makamtan ang katiwasayan at kaluguran gayundin ang ispiritwal, panlipunan at pandaigdigang kapayapaan.
Itinuturo ng Islam na tayo ay maging makatarungan, marangal, matapat, may layunin, at maging bukas ang isipan sa pagsasaliksik sa katotohanan at sa pakikitungo at paghusga sa iba.
Ang paghahanap sa katotohanan ay kailangang naka-ayon sa mapagkakatiwalaang pinagmulan at mapapanilagang katotohanan. At ang pakikitungo at paghusga sa kapwa ay kailangan na maging makatarungan, sa mabuting pag-uugali, pakikipagtalakayan, paggalang sa isa't isa at malinaw na pang-unawa.
MGA NAISULAT NG MAY AKDA:
• Who is the True God?
• God in Christianity: What is His Nature?
• Just One Message!
MGA KAPAKI-PAKINABANG NA WEBSITE:
www.360itsrealbeauty.com
www.sultan.org
www.islamhouse.com
www.islam-guide.com