×
Ang inggit at selos ay isang katangiang sadyang mapanganib at maaaring humantong sa kawalan ng pananampalataya dahil ito ay nauuwi sa isang damdamin na ang Allâh(swt) ay hindi makatarungan sa kanya.

 Ang Inggit (Hasad)

 [Tagalog]

 الحسد

 [اللغة الفلبينية]

 Isinulat ni: : Khalid Evaristo

 تأليف: خالد افيريستو

 Nagrepasu : Nur Maguid

 مراجعة: نور جيد ماجيد

1429 – 2008

Hasad (selos at inggit) ay isa sa mga mapanirang damdamin na maaaring taglayin ng isang tao laban sa kanyang kapwa. Ito ang nagtutulak sa kanya upang magnais ng masama sa iba. Gayundin, siya ay nakadarama ng ligaya kapag ang kasawiang-palad ay dumating sa kanyang kapwa. Ang Propet(sas) ay nagbigay ng babala laban sa inggit sa pamamagitan ng paghahambing nito sa apoy na lubusang tumutupok sa kahoy. Siya ay nagsabi: “Mag-ingat sa inggit, sapagka’t tinutupok nito ang mabubuting gawa katulad ng pagtupok ng apoy sa kahoy.” [Abu Dawōd]


Ang Hasad ay isang sakit ng puso at ito ay nagdudulot ng karumhan sa puso.


Nang tanungin si Propeta Muhammad(sas) kung sino ang pinakamahusay sa tao? Siya ay sumagot: “Yaong may dalisay na puso at may makatotohanang dila.” Silang ay muling nagtanong: ‘Aming nauunawaan ang makatotohanang dila, subalit ano ang ibig sabihin ng dalisay na puso?’ Siya ay sumagot: “Yaong puso ng isang makadiyos, dalisay at malaya sa paggawa ng masama, pagsuway, poot, at inggit.” [Ibn Majah]


Ang Hasad ay isang katangiang sadyang mapanganib. Bilang panlaban sa ganitong gawain, ang Allâh(swt) ay nagpadala ng mga pahayag na mababasa sa Qur’ān na dapat basahin bilang isang pagpapakupkop laban sa mga mainggitin:


Sabihin: Ako ay nagpapakupkop sa Panginoon ng bukang-liwayway…laban sa kasamaan ng mga mapanibugho kapag sila ay naiinggit. [Surah al-Falaq, 113:1]


Isinalaysay ni At-Tirmidhee mula kay Al-Zubayr Ibn Al-Awam na ang Propeta(sas) ay nagsabi:


“Dumating na sa inyo ang sakit ng mga bansang nauna sa inyo: Ang paninibugho at ang pagkapoot. Ito ang ‘taga-ahit’(tagawasak); hindi ko sinasabing inaahit nito ang buhok, bagkus inaahit (winawasak) nito ang pananampalataya…” [(Hasan) Jamē At-Tirmidhē (2434)]


Ang Hasad ay maaaring humantong sa kawalan ng pananampalataya dahil ito ay nauuwi sa isang damdamin na ang Allâh(swt) ay hindi makatarungan sa kanya. Nakalilimot ang mainggitin sa lahat ng habag at biyayang ipinagkaloob ng Allâh(swt) sa kanya. Sinabi ni Propeta Muhammad(sas):


“Sila ay mga kaaway ng lahat ng biyaya ng Allâh(swt).” Sila ay nagtanong: “Sino sila?” Kanyang sinabi: “Yaong naiinggit sa tao sa anumang biyayang ipinagkaloob sa kanila ng Allâh(swt).” [At-Tabaranē]


Ang Allâh(swt), sa Kanyang Ganap na Kaalaman, ay pinagkalooban Niya ang ibang tao nang higit na kayamanan, karunungan, kagandahan, lakas, mga supling at iba pa kaysa sa iba. Ang mananampalatayang Muslim ay dapat magkaroon ng kasiyahan sa anumang iginawad sa kanya ng Allâh(swt). Ating tunghayan ang kahulugan ng ilang mga talata sa Banal na Qur’an:


At ang Allâh ay pinili ang iba sa inyo sa (pagagawad ng) yaman at ari-arian… [Surah An-Nahl, 16:71]


O kanila bang kinaiinggitan ang mga tao dahil sa ipinagkaloob sa kanila ng Allâh mula sa Kanyang Kasaganaan? [Surah an-Nisa, 4:54]


Kami ang Siyang namamahagi sa kanila ng ikabubuhay sa mundong ito, at Aming itinaas ang antas ng ilan sa kanila upang magbigay sa iba ng hanapbuhay. Nguni’t ang Habag ng inyong Panginoon ay higit na mahusay. [Surah az-Zukhruf, 43:32]


Ito ay nangangahulugan na ang habag ng Allâh(swt) ay higit na mahusay kaysa kaginhawahan sa mundong ito. Ang mga pangangailangan ng buhay na ito ay hindi makapagbibigay sa isa ng kahigtan sa iba sa pagbibigay hukom ng Allâh(swt). Ang tunay na kahigtan ay ayon sa pagkakaroon ng Taqwa (takot sa Allâh(swt)). Sa isang talata sa Banal na Qur’an, ating mauunawaan ang ganito:


Katotohanan! Ang pinakamarangal sa inyo sa (paningin ng) Allâh ay yaong may higit na takot sa Diyos. [Surah Al-Hujurat, 49:13]


At ang Kabilang Buhay sa inyong Panginoon ay laan lamang sa mga may Taqwa (yaong umiiwas sa paggawa ng masama na ipinagbawal ng Allâh, at yaong gumagawa ng mabubuti na ipinag-uutos na Allâh). [Surah Az-Zukhruf, 43:35]


Anumang bahagi ng pansamantalang mundong ito ay walang kahalagahan sa paningin ng Allâh(swt). Sinabi ng Propeta(sas) :


“Kung ang mundong ito ay kasing-halaga ng isang pakpak ng lamok sa paningin ng Allâh(swt), hindi niya bibigyan ng tubig na inumin ang mga di-mananampalataya.” [At-Tirmidhee]


Ang mga kagandahang-loob ng Allâh(swt) sa mundong ito ay mga pagsubok; na kung gaano karami ang mga kagandahang-loob, gayon din ang dami ng mga pagsubok.


Sinabi ni Hasan al-Basri: “Si Umar Ibn Khattab ay sumulat kay Abu Musa Al-Ash’ari, ‘Masiyahan sa anumang biyaya sa inyo sa mundo, dahil ang Maawain (Allâh(swt)) ay nagbigay sa ilan sa Kanyang mga alipin nang may kahigtan sa iba bilang kapwa pagsubok sa kanila. Yaong nabigyan nang may kahigtan ay binigyang pagsubok kung siya ba ay marunong magpasalamat sa Allâh(swt) at kanyang gagampanan ang mga tungkuling itinakda sa kanya ayon sa halaga ng kanyang kayamanan…” [Ibn Hatim]


Magkagayon, ipinagbawal sa atin ng Allâh(swt) – ang Kataas-taasan na hangarin ng anumang mayroon ang iba:


At huwag hangarin ang mga bagay na ibinigay ng Allâh sa ilan sa inyo nang may kahigtan sa iba. [Surah an-Nisa, 4:32]


Upang mahadlangan ang inggit, sinabi ng Propeta(sas): “Huwag tumingin sa mga nakatataas inyo, bagkus tumingin sa mga nakabababa sa inyo, sa dahilang ito ay higit na makapagbibigay sa inyo na paalaala sa mga biyayang iginawad sa inyo ng Allâh(swt).” [Sahēh al-Bukhari at Sahēh Muslim]


At kanyang sinabi sa ibang okasyon: “Kung ang isa sa inyo ay tumingin sa taong may higit na yaman o higit na katayuan kaysa sa kanya, dapat din niyang tingnan ang sinumang higit na mababa ang antas kaysa sa kanya.” [Sahēh Muslim]


Pinahihintulutan ng Islâm ang Ghibtah


Bilang kabaliktaran ng Hasad (ang mapaminsalang inggit), pinahihintulutan ng Islâm ang Ghibtah (pagseselos nang walang masamang hangarin). Ang Ghibtah ay malaya sa anumang paghahangad na mawala ang biyaya sa iba. Malaya din ito sa pagkasuklam na manatili ang biyaya sa iba. Ang isang taong may Ghibtah ay yaong nagnanais na magkaroon din sa kanyang sarili ng gayon ding biyaya subali’t wala siyang paghahangad na mawala ito sa iba.


Sinabi ng Sugo(sas) ng Allâh(swt) : “Ang pagseselos ay pinahihintulutan sa dalawang bagay: Sa ginagawa ng isang taong pinagkalooban ng Allâh(swt) ng dunong sa Qur’an at binabasa niya ito sa buong maghapaon at magdamag; at sa isang taong pinagkalooban ng Allâh(swt) ng kayamanan na kanyang ipinamimigay sa buong maghapon at magdamag.” Bilang pagpapaliwanag ng Propeta(sas), ang isang tao ay maaaring magsabi : “Sana’y bigyan din ako kung ano ang ibinigay sa kanya at magawa ko rin kung ano ang kanyang ginawa.” [Sahēh al-Bukhari at Sahēh Muslim]


Sinabi ng Sugo(sas) ng Allâh(swt): “Ang kahalintulad ng tao ng Ummah (sambayanang) ito ay kahalintulad ng apat na uri ng tao. Ang isang taong binigyan ng Allâh(swt) ng kayamanan at kaalaman, kaya hinawakan niya ito nang may talino (sa paggugol sa landas ng Allâh(swt)). At ang isang taong binigyan ng Allâh(swt) ng talino subalit hindi binigyan ng kayamanan na nagsasabi, ‘Panginoon ko, kung mayroon lamang akong kayamanang katulad niya, panghahawakan ko rin ito (sa kabutihan) katulad ng ginagawa niya.’ Kaya kapwa sila magkakaroon ng magkatulad na gantimpala. Ang ganitong tao ay naghahangad ng gayunding kayamanan upang makagawa ng kabutihan at wala siyang paghahangad na mawala ito sa iba.


At ang isang taong pinagkalooban ng Allâh(swt) ng kayamanan nang walang kasamang talino, at nilustay niya ang kanyang kayamanan sa pagsuway sa Allâh(swt). At ang pinakahuli ay ang taong hindi pinagkalooban ng Allâh(swt) ng talino ni kayamanan subali’t kanyang sinasabi, “Kung mayroon lang akong kayamanan katulad niya, gugugulin ko rin katulad ng ginagawa niya.” Kaya kapwa sila magkakaron ng magkatulad na kasalanan.” [At-Tirmidhe at Ibn Majah}



Mga Sanhi ng Inggit


Pagkagalit at Pagkasuklam: Kapag ang tao ay nasaktan ng ibang tao sa anumang dahilan, siya ay magagalit, at ang kanyang galit ay magbubunga ng pagkasuklam at ang pagkakaroon sa puso ng paghahangad na gumanti. Siya ay magsisimulang maghangad ng masama sa kanya, at siya ay nasisiyahan kapag nakikita niyang nasa kahirapan siya at maaari niya ring isipin na ginawa ng Allâh(swt) ito sa kanya bilang parusa!



At kung may dumating na biyaya sa nanakit sa kanya, siya ay nalulungkot – at ito ang sinasabing Hasad (inggit). Hindi nito mapinpinsala ang kinaiinggitan bagkus sinasaktan at winawasak nito ang Hasid (yaong may inggit)

Upang isara ang pintuan ng ganitong uri ng kasamaan, ipinapayo ng Islâm sa mga Muslim na sila’y maging mapagpatawad at magkaroon ng pagpiigil sa sariling galit. Narito ang kahulugan ng isang talata sa Banal na Qur’an:

Yaong mga gumugugol mula sa kanilang yaman sa (panahon ng) kasaganaan at kahirapan, (silang) nagpipigil ng kanilang galit, at nagpapatawad sa tao; tunay na minamahal ng Allâh ang Muhsinun (mapaggawa ng kabutihan). [Surah Al-Imran, 3:134]



Ang Kayabangan, Pagmamalaki, at Pagmamahal sa Katanyagan


Kapag ang isang tao ay nagkamit ng mataas na katayuan sa lipunan o may angking yaman, kinasusuklaman niyang may hihigit pa sa kanya sa yaman o katanyagan. Kinapopootan din niyang may ibang higit na pinupuri kaysa sa kanya. Kaya naman, kinaiinggitan niya ang taong yaon.


Ang isang halimbawa nito’y katulad ng nangyari noong unang panahon nang ang mga Hudyo ay nainggit kay Propeta Muhammad(sas) hinggil sa kanyang pagka-Propeta na iginawad ng Allâh(swt) sa kanya. Ang kanilang panibugho ang naging dahilan upang tanggihan nila ang Banal na Mensahe na ipinagkaloob sa Propeta(sas) na mula sa isang lahing Arabo at hindi nagmula sa Angkan ni Israel. Ang sarili nilang Hasad ang nag-udyok sa kanila upang magsalita nang ganito:


Ang mga ito ba (mga maralitang mananampalataya) ang pinagpala ng Allâh mula sa atin? [Surah Al-Anam, 6:53].


At sila ay nagsasabi: “Bakit hindi ipinahayag ang Qur’an na ito sa mga bantog na tao ng dalawang bayan (ang Makkah at Taif)? [Surah Az-Zukhruf, 43:31]


Kung inyong susundin ang isang taong katulad (lamang) ng inyong mga sarili, samakatuwid, katotohanang kayo ang mga talunan. Surah Al-Muminoon, 23:34


Ito ay nagpapakita rin ng isa sa mga panganib na naidudulot ng Hasad. Nagbibigay-hadlang ito sa tao sa pagsunod sa katotohanan at humahadlang sa pagtanggap ng pagpapayo ng iba. Ito ay katulad ng Hasad ng mga di-sumasampalataya na siyang pumipigil sa kanilang pagtanggap ng Islâm.



Ang Likas na Kasamaan ng Tao


Ang ibang tao, kahit na sila ay maaaring hindi nasasaktan o hindi natatakot sa tagumpay ng iba, sila ay nagdadalamhati kapag narinig ang magagandang nangyayari sa iba, at sila’y natutuwa kapag may kabiguang nangyayari sa iba. Sila ay hindi naghahangad ng kaunlaran sa sarili ni hindi sila naghahangad ng kaunlaran sa iba! Mahirap bigyan ng lunas ang ganitong sakit sa dahilang ang sanhi ng kanilang sakit ay ang likas na kasamaan ng tao na ayaw niyang tanggapin ang tagumpay ng iba.



Ang Pagsisisi at Pagwaksi ng Inggit


1. Ang mananampalataya ay dapat maging matapat sa pagsisisi sa pagkakaroon ng Hasad katulad ng sinabi ni Propeta Muhammad(sas) :


“Ang tatlong bagay na hindi dapat kapootan ng bawa’t puso ng mananampalataya ay ang pagkakaroon ng katapatan sa kanyang mga gawain, ang magbigay ng payo sa mga namumuno, at ang pagdalo sa Jama’ah (o kumonidad) ng mga Muslim, sapagka’t ang kanilang mga dalangin ay napapalibutan ang bawa’t isa sa kanila.” [Ahmad at Ibn Majah]


2. Ang kailangan upang maging malaya sa Hasad ay alisin ang lahat ng pinagmumulan nito: ang galit, poot, pagmamahal sa mundo at ang kawalan ng kasiyahan.


Ang kawalang-kasiyahan ay nagmumula sa kamangmangan ng isang alipin sa kanyang Panginoon. Kung kanyang kikilalanin ang kanyang Panginoon sa Kanyang mga katangian katulad ng: ‘Ang Ganap’, ‘Ang Maalam’, at ‘Ang Makatarungan’ sa Kanyang mga alipin, siya ay hindi mawawalan ng kasiyahan. Ito ang kailangan upang hindi siya magkaroon ng Hasad (inggit).


Sinabi ni Imam Ibn Qayyim (nawa’y kalugdan siya ng Allâh(swt)): “Ang pagkakaroon ng kasiyahan (sa anumang bagay na nakamtan) ay bubuksan ang pintuan ng kapayapaan at katiwasayan para sa isang alipin. Pinadadalisay nito ang kanyang puso sa galit, kasamaan at poot. Kung gaano karubdob ang kanyang kasiyahan, gayundin kadalisay ang kanyang puso. Magkagayunman, ito ay hindi nangangahulugan na ang isang alipin ay hindi dapat magsikap upang paunlarin ang kanyang katayuan. Ang isang alipin ay dapat kumilos upang matamo ang tagumpay at kaunlaran nguni’t hindi siya dapat mainggit sa mga taong pinagkalooban ng Allâh(swt) ng higit na kayamanan o ari-arian bagkus dapat siyang masiyahan sa kapasiyahan ng Allâh(swt).

3. Ang pagbabasa at pagmuni-muni sa kahulugan ng Banal na Qur’an ay nagbibigay lunas sa mga sakit ng puso. Ating basahin ang kahulugan ng isang talata: O sangkatauhan! Dumating sa inyo ang isang mabuting payo (Qur’an) mula sa inyong Rabb (Panginoon) at isang lunas (sa anumang sakit) sa inyong mga dibdib.[Surah Yunus, 10: 57]


Ang Manalangin sa Allâh(swt) upang padalisayin ang puso.


Ganito ang kahulugan ng isang talata sa Banal na Qur’an: At yaong dumating pagkaraan nila ay nagsabi: O aming Rabb (Panginoon)! Patawarin kami at ang aming mga naunang kapatid sa pananampalataya, at huwag ilagay sa aming mga puso ang anumang galit laban sa mga nagsisampalataya. O aming Rabb! Katotohanang puno Ka ng kabaitan, ang Mahabagin. [Surah al-Hashr, 59:10]


Magbigay ng Sadaqah (Kawanggawa). Pinadadalisay nito ang puso at pinababanal ang kaluluwa: Kunin ang Sadaqah (kawanggawa) mula sa kanilang yaman upang padalisayin at pabanalin sila nito. [Surah at-Tawbah, 9:103]

Kung sakaling dumaan sa isipan ng tao ang Hasad, dapat siyang magpakupkop sa Allâh(swt) laban kay Satanas at maging abala sa mga bagay na makapagtataboy sa mga ganitong bulong at isipan.


Subalit, kung sakali mang maitanim ni Satanas ang Hasad sa puso, magkagayo’y pag-ibayuhin ang pag-ingat dahil maaaring makapagsalita o makagawa ng anumang magpapakita ng Hasad. Ang tao ay hindi pananagutin sa anumang bagay na dumaan sa kanyang isipan subali’t siya ay mananagot sa mga bagay na kanyang sinasabi at ginagawa.


Sinabi ni Shaikh Al- Islâm Ibn Taymiyah: “Walang taong makaliligtas sa Hasad, subali’t naitatago ito ng mga mabubuting tao samantalang naipakikita naman ito ng mga taong mahina ang pananampalataya.” [Amraad Al-Quloob]

Sinuman ang nakararamdam ng inggit sa kanyang kapwa, dapat siyang bumili ng regalo para sa kanya, makipagkamay at mag-Salaam sa kanya upang mawala ang galit at tuluyang maiwaksi ang Hasad – na siyang bunga ng pagkapoot. Ang Propeta(sas) ay nagsabi: “Makipagkamay (magsipagbati ng Salaam), dahil maitataboy nito ang matinding hinanakit, at magpalitan kayo ng regalo at magmahalan sa isa’t isa, dahil maitataboy nito ang poot.” [Isinalaysay ni Malik sa Al-Muwatta (1413)]


Isinalaysay ni Abu Hurayrah (kalugdan nawa siya ng Allâh(swt)) na sinabi ng Propeta(sas): “Isinusumpa ko sa Allâh(swt), na Siyang may hawak ng aking kaluluwa, kailanma’y hindi kayo papapasukin sa Paraiso hangga’t hindi kayo maniwala. At hindi kayo maniniwala hangga’t hindi kayo magmahalan sa isa’t isa. Sasabihin ko ba sa inyo ang bagay na kung ito ay inyong gagawin kayo ay magmamahalan sa isa’t isa? Ipalaganap ang pagbati (Salaam) sa inyong mga sarili.”


Sinabi ni Ibn Abdul-Barr: “Ito ay nagpapatunay na ang Salaam ay nag-aalis ng poot at galit at magbubunga ito ng pagmamahalan.” [Saheeh Muslim]


Ang Taong Kabilang sa mga Mananahanan sa Paraiso.


Naiulat ni Anas Ibn Malik (kalugdan nawa siya ng Allâh(swt)) na sila’y nakaupo kasama ang Sugo na nagsabi: “Isang tao na kabilang sa mga mananahanan sa Paraiso ay papasok ngayon.” At ang isang lalaki mula sa mga Ansar ang pumasok na may tubig pang tumutulo sa kanyang balbas dahil sa Wudhu (ablution), at bitbit niya ang kanyang tsinelas sa kanyang kaliwang kamay.


Sa sumunod na araw, ang Propeta(sas) ay nagsabi rin ng gayong salita at yaon ding tinuran niyang lalaki ang siyang pumasok.


Sa pangatlong araw, ang Propeta(sas) ay inulit ang kanyang sinabi at ang lalaki ring yaon ang pumasok na ang tubig ay tumutulo pa rin mula sa kanyang balbas dulot ng Wudhu at hawak-hawak niya ang kanyang tsinelas.

Nang ang Propeta(sas) ay umalis, si Abdullah Ibn Amr Ibn Al-As (nawa’y kalugdan siya ng Allâh(swt)) ay sinundan niya ang naturang lalaki at kanyang sinabi: “Ako at ang aking ama ay mayroong di pagkakaunawaan, at ako ay sumumpa na hindi ko siya pupuntahan ng tatlong araw at tatlong gabi. Maaari mo ba akong patuluyin sa inyo sa mga araw na ito?’ Siya ay sumagot, “Oo”.


Nagpatuloy sa salaysay si Anas: ‘Sinabi ni Abdullah na siya ay tumira sa bahay ng lalaking ito sa loob ng tatlong gabi at hindi niya nakitang siya ay nagdarasal sa gabi, nguni’t sa tuwing siya ay gagalaw at nag-iiba ng posisyon sa pagkakahiga ay ginugunita niya ang Allâh(swt) sa pamamagitan ng pagsasabi ng ‘Allâhu Akbar’ hanggang dumating ang Salaat-ul-Fajr.”


Sinabi ni Abdullah: ‘Wala akong naririnig sa kanya kundi mabuti. Pagkaraan ng tatlong gabi, aking sinabi: ‘O alipin ng Allâh(swt)! Hindi ko tunay na iniwan ang aking ama ni hindi ako galit sa kanya. Subali’t, narinig ko ang Sugo(sas) ng Allâh(swt) na nagsabi sa tatlong magkahiwalay na okasyon: ‘Isang tao mula sa mga mananahanan sa Paraiso ay papasok’, at ikaw ang pumasok sa lahat ng tatlong okasyong yaon. Kaya ninais kong manirahan sa inyo upang makita ko ang ginagawa mo at aking matularan. Subali’t wala akong makitang higit mong ginagawa sa iyong pagsamba. Kaya ano ba ang iyong ginagawa kung bakit nasabi ng Propeta(sas) ang gayon?


Ang lalaki ay sumagot: ‘Wala ng iba pa sa iyong nakita.’ Nang sumapit na ang oras upang ako ay umalis, tinawag niya ako at sinabi: ‘Oo, wala ng iba pa sa iyong nakita, maliban sa walang puwang sa aking sarili ang maghangad ng masama o magkaroon ng Hasad (inggit) sa sinumang Muslim at sa anumang ipinagkaloob ng Allâh(swt) sa kanila.’ Sinabi ni Abdullah: ‘Ito ang dahilan kung bakit dapat kang ipagkapuri, sapagka’t ito ang hindi namin kayang gawin.” [Musnad Ahmad].